Monday, June 27, 2016

Hunyo, 27, 2016

Magandang Lunes ng umaga!

Meron bang maganda sa Lunes ng umaga? 
Lunes? 
Ng umaga?
Lunes ng maaga pa nga e, dahil alas-tres lang ng madaling araw ngayon.

Meron bang maganda?
Meron, meron, sinta!

1. Nakaupo si E-boy sa bus pabalik ng Maynila.

2. Nakahanda na ang almusal na niluto ni Mrs. Pampolina, paggising ko.

3. Bonus pa ang malutong kanin at Wow Ulam pack!

4. Pinahiram ulit ako ni Mrs. P ng allowance ko this week.

5. Unang beses ko aattend ng flag raising sa munisipalidad ng Padre Garcia kahit isang buwan na ako sa serbisyo ro'n.

6. Sulat lang ako nang sulat nitong weekend!

7. Nakakumpleto na akong isang Hinilot na Proposal.

8. Tutulungan daw ako ni Nikabrik sa clerical works kapalit ng fulfillment na makatulong sa gobyerno ng Pilipinas. Ginawa ko na kasing hobby sa bahay ang mag-print ng proposals, mag-puncher, mag-fastener, mag-alphabetize, mag-encode; kaya I came up with this idea na: "Nikabrik, gusto mong sumama sa'kin in a day sa opisina?"

9. Meron nang Finding Dory si Jet-jet at marami paraw s'yang anime. :)

10. Alam ko this weekend, uuwi si Roy at magbo-vault in na naman ang gang.

11. Susuweldo na'ko this week, tiwala lungs.

12. Gumising ka sa isang gabi ng depresyon at iwanan ang isang linggong lumipas na nagpahina sa'yo.

13. Isa na namang araw upang maglingkod sa samabayang Filipino.

Dyord,
Hunyo 27, 2016


Sunday, June 26, 2016

Kaya pa ga?

Parang hindi na.
Parang gusto ko nang magpatalo.
Pero ayoko namang maging talunan.
Parang nakakapagod na kasi.
Parang wala na kong dignidad sa sarili.
Parang hindi na ako ito.
Para akong impostor na hindi.
Parang ang dami kong hinahanap sa kabilang ibayo.
Di mapakali.
Di matali.
Parang puro na mali.
Parang kahit sa junk shop hindi na ako titimbang
Parang ang gulo-gulo ko na.
Hindi mo ma-gets?
Mas lalo na ko.
Dahil parang kinakaibigan ko ngayon ang dilim.
Niyayakap ang buo kong sarili.
Kaya hindi na ko makakita
Ng kahit isang daanan
Para wakasan ang litanyang ito ng may pag-asa; kasi nga


Parang wala na.


Dyord
Hunyo 26, 2016

Saturday, June 25, 2016

Itaga Mo sa Bituin

Teka lang, wait.
Masyado nang mabilis
At pabilis pa ng pablis
Hanggang sa maging mabilis pa sa alas kuwatro
Lahat may hinihinging rekusitos, mula sa bahay
Sa simbahan, sa kaibigan; lalo na sa trabaho.


Baka bumitaw na’ko. Tumigil sa pagtakbo.
Tuluyang iwasan ang pagkahapong tila stay-in na sa dibdib ko
Mali, mali pala; 
Tuluyang tumigil sa paghabol sa di maabot-abot na wakas
At baka makatisod pa ng maraming pakalat-kalat pang pagkakamali
Baka huminto na’ko at humabol ng hininga
Hiningang bumaho na sa sobrang abala
Hindi na makapaghiso kaya amoy bangkay
Kebs lang, hindi ko na naman nararamdamang meron pa 'kong buhay


Abala? 
Maraming pinupuntahan pero parang wala namang naabot
Maraming nakakain pero hindi naman nabubusog
Maraming sinusulat pero walang natatala
Maraming inaawit pero walang naririnig
Maraming bagong nakikilala pero walang nanatili
Maraming tinutulungan pero hindi mapag-pisbol ang sarili
Maraming-marami na nga ang mali kaysa medalya
Nakakahapo na, baka nga ako'y tumigil na.


Kasi nagmamadali.
Kasi nagkukumahog.
Kasi rush hour. Kasi deadline
Kasi aligaga na. Sooobra.
Kailangan nang BU-MA-GAL.
Umupo...

E humiga kaya?
Sa damuhan a
Sabay tumingala sa langit
Anak ng tokwa’t baboy! nNaka-leave rin ang mga tanglaw
Ang lagay ba’y lagi na lang silang makikinig sa mga kakornihan
Ng buhay pag-ibig mo at mga kapalpakan mo sa pag-abot ng mga bituin?
Na di miminsang itinaga mo pang masungkit-sungkit
Nakakapagod din namang hintaying bumagsak na lang sila


Isa-isa,
Sabay-sabay,
O kahit isa man lang
Para samahan ka sa madilim,
Malamig, at mapanglaw mong mga gabi.
Kaya lang absent nga sila ngayon, kaya kakayanin kong ako lang.


Matuto rin pala dapat na kausapin ang karimlan ng langit
Makiusap sa mga ulap kung pwede ay time out muna
Mangapa lang kung walang mga tanglaw
Parang isang malalim na balon ngayon ang tinitingala ko.
Kahit na parang nagmamadaling bulateng gumuguhit sa itim na papel,
Hindi naman pala talaga nakakatakot ang kidlat;
Kung wala namang kulog
Kislap lang nang kislap ang langit
Kahit mga tanglaw may panahong bumagal
Huminto, at magpahinga.
Para sa pagbabalik nila mas makislap na sila
Mas makapagbibigay ng liwanag sa maraming nangangapa na lang
Napapagod ng tumaga at hindi na nangangarap.


Dyord
Hunyo 25, 2016






Lose Some, Lose Some

Busy na 'ko na sa trabaho. As in.

Werk, werk, werk, werk. As in.

Tumigil nga lang ako para makapag-blog-blog man lang. Para makatakas kahit saglit sa pangil na gumigising sa'kin araw-araw; ang target at deadline. Puro na ko trabaho. Sa umaga, nag-aalmusal ng trabaho. Sa gabi, trabaho pa rin. Ang nakakalungkot nga lang dahil sa kabila ng LAKI ng effort mo, ay ganun naman ang liit ng accomplishment mo. As in.

Isa sa mga dahilan kung bakit ako nagtatrabaho at marahil ikaw din ay dahil gusto mong makabawi sa mga taong malaki ang itinulong sa buhay mo. Nagtatrabaho ka para mapasaya man lang 'yung mga taong mahal mo sa mga espesyal na araw nila. Nakakatulak at nakakagalak din kasing magtrabaho kapag naikain mo man lang sa Pizzakaya ang bespren mo sa bertdey n'ya. Nakakatuwa rin na maregaluhan mo man lang ang paborito mong lola sa anibersaryo nila. Nakakagaan ng paghinga kapag nakapag-abot ka man lang sa barkada mo sa araw ng kasal n'ya na matagal n'yo nang pinagmunihan noong kolehiyo pa kayo. At lahat 'to ay hindi ko nagawa dahil wala pa akong sweldo kahit puro trabaho.

Sasabihin mong it's not  the money that counts. Pero pera will take you to the event itself e. Hindi mo puwedeng sabihin sa kundoktor na "ikakasal po barkada ko nung college e, balato n'yo na sa'kin 'to." Hindi ka puwedeng mangutang sa McDo o sa sinehan dahil bertdey ng bespren mo. Hindi naman sukatan ng kasiyahan kung magkano ang nagastos mo para sa iba, o hindi rin naman nagbibilangan ang magkakaibigan kung magkano na nagastos mo sa kanilaat kailangan ma-quits mo agad. Walang ganun sa pagkakaibigan, sa love life lang 'yung bilangan. Ang sa'kin lang, palpak na ko sa trabaho tapos palpak pa ako bilang kaibigan.

Hindi ko natupad 'yung mga pangako ko. Hindi ko puwedeng sabihing tao lang e. Hindi ko rin pwedeng idahilang walang pera e. Kailangan ko lang lunukin ang mga pagkabigo at parang lumulunok ako ng kimchee na saluyot. As in.


JJJ


Kinasal si Ate Tin kaninang alas-diyes ng umaga. Hindi ako imbitado pero alam ko ang oras dahil si Ara ang nag-iimbita sa'kin nung isang linggo pa sa comment box at sa message inbox. Hindi ako iniimbita ni Ate Tin at parang alam ko kung bakit.

Hindi ako iniimbita ni Ate Tin dahil;

1. Alam ko namang kailangan kong pumunta. Never pa akong nakapunta sa kahit anong pa-okasyon ni Ate Tin sa kanilang bahay. Sa ilang taong pinagsamahan namin nung kolehiyo at hindi man lang ako nagkaroon ng pagkakataong makatuntong ng pamamahay n'ya. Mapa-bertdey n'ya, bertdey ni Bibe, bertdey ng tatay, nanay, lola, pamangkin n'ya; hindi ako nakapunta. Busy sa campus journ. Anibersari ng magulang n'ya, gradweysyon blow-out, piyesta, at kung ano-ano pang okasyon; nunka kung nakapunta ako. Ngayon, busy sa work na parang walang wage. Eeeeeenk! Hindi puwedeng dahilan.

2. Alam n'yang hindi ako pupunta. Akala n'ya siguro hindi ako pupunta dahil sa simbahan ng katoliko s'ya magpapakasal, pero kaya ko namang pumasok don para sa ganung minsanang okasyon. O kaya alam n'yang hindi ako pupunta dahil sa kung anong kaartehang tinataglay ko na mismong ako ay di ko maintindihan. O kaya alam n'yang hindi ko masyadong kilala ag mapapangasawa n'ya. E ano naman e s'ya naman ang pumili nun at s'ya naman ang gigising araw-araw kasama 'yun. At dahil alam n'yang hindi ako pupunta, para makaiwas sa samang loob, hindi na lang n'ya ako iimbitahin.

Kaya si Ara at Ana ang kumukulit sa akin. Nakakatawa dahil hindi naman tungkol sa'kin ang kasal. Nakakalungkot dahil hindi ko man lang naisip ang kasiyahan ng kaibigan ko kung makita man lang n'ya ako sa kanila sa unang pagkakataon. Kahit makikilamon lang ulit ako. Kahit na walang regalo na sanay na sanay naman sila. Kahit ako lang bilang tao. Kahit ako lang na hindi nag-iisip ng tungkol sa sarili kahit saglit lang. Kahit ako lang. Kaya lang kahit maipamasahe ay wala ako. Eeeeeenk! Hindi puwedeng dahilan.

Akala ko ba win some, lose some?





Pagkain Problems

Prinoproblema ko madalas ang kakainin ko. Nung medyo may atik pa ako, problema ko kung ANO ang kakainin ko. Ngayong, wala pa ring sweldo at wala nang mautangan, problema ko naman ang SAAN ako kukuha ng pangkain.

Ilang linggo na akong pautang-utang ng isang libo. Minsan kay Alquin. Minsan kay E-boy. Tapos kay Mrs. P (E-boy's Mom). Tapos kay Alquin ulit. Tapos, akala ko susuweldo na'ko pero wala pa rin kaya hindi ko na alam. 'yung isang libo ko ay kadalasan ay umaabot lang ng hanggang Miyerkules o Huwebes, tapos si Mama naman ang mangungutang kung saan para lang maitawid ako sa kasalukuyang linggo. Hindi lang kasi regular expenses (pamasahe, load, pagkain) ang pinaggagastusan ko, malaki ang kinakain ng incidentals o yung mga biglaan gaya ng amabagan para sa team building na kapos sa budget, bibili ng A4 na papel, mamasahe papuntang mga liblib na baranggay, bibili ng uniform, bibili ng fastener, isama na natin ang gastos sa isang Kopiko Brown kada araw. Pagdating ng Huwebes at Biyernes, talagang nagte-treasure hunting na'ko sa bag ko ng variables.

Epic fail na'ko sa aking financial management. Hindi ko na nagagawang itala ang araw-araw kong gastos. Mas lalong hindi ko na rin masugagaan ang pagtatala ng pagpasok ng pera sa bulsa ko. Ang tanging tina-track ko na lang ay kung magkano na ang account payables ko; at pumapalo na s'ya ng tumataginting na P 35, 000. Certified mag-nanay nga kami ni Mama, pag-utang is in our genes. Mahalaga na 'wag makalimutan kung magkano na ang utang ko kasi nakataya d'yan ang dangal mo. Makalimutan mo na ang pangalan mo, 'wag lang ang utang mo kahit porti pesos lang 'yan. Sabi nga ni Ate Tin "ang utang ay utang."

Medyo nagugutom na ko sa trabaho pero hindi pa naman ako namamayat o kaya'y nawalan ng malay. Tama si Alma Moreno nang sabihin n'yang "dasal lang, dasal lang talaga." Minsang nag-meeting kami ni Ate Lorie, cluster monitor ko, at hindi pa ako nag-aalmusal ay inilibre n'ya ako sa Jolibee na halos nakalimutan ko na kung anong lasa. Nang mag-meeting din kami sa Lobo, Batangas, si Ate Lorie din ang sumagot muna ng ambag ko sa pamasahe at pagkain; certified nanay at workplace. Wala na nga kaming naipapasa pang proposal sa cluster namin, nagagastusan pa s'yang lubha; kaya kailangan talagang galingan sa trabaho.

Dasal lang talaga. Kapag wala na akong mameryenda, maglalabas si Tita Nel, livelihood worker, ng kape at matamis na biskwit. Minsan naman si Ate Tess, PWD focal person, ang magpapa-merienda ng Coke at cookies. Minsan si Mam Wilma, Municipal Social Worker, ang magpapa-akyat ng halo-halo at sagimis. Nang minsang magutom naman ako ng isang tanghalian, nagbigay ang staff ng incoming Mayorng isang chicken joy with rice na kalimot ko na rin ang lasa.

Maraming nakakapansing tumataba raw ako, bumuburok daw ang pisngi ko, pa'no, fini-feeding program ako ng kagawaran.

Dyord
Hunyo, 25, 2016


Saturday, June 18, 2016

Guisahang Bayan

Guisahang Bayan

Medyo abala ako sa office works ngayong araw. Encoding, proposal writing, validating, at pati na pagtanggap ng clients; lahat ‘yan ini-sked ko ngayong araw.  Pero gaya ng maraming nasa opisyo ng gobyerno, meron at merong externalities, ‘yung mga basta na lang sumusulpot na problema o hamon na hindi napaghandaan. Gaya ng nangyari sa’kin ngayong Biyernes.

Minamadali ako ni Tita Nel, kasama ko sa Sustainable Livelihood Program (SLP) bilang counter-part ng local government ng Padre Garcia,  mamaya na raw ‘yung ginagawa ko with matching kampay-kampay ng kamay para talagang magmadali ako. Pagbaba namin nasa labas na si Mam Galela, head ng Municipal Social Welfare and Development Office. Ipapakilala raw ako sa Bise-Alkalde.

Hala. Medyo matagal na ‘tong inii-sked ni Tita Nel sa’kin kaya lang ay minsan-minsan lang ako napapasulpot sa opisina, lalo na nitong mga nakaraang linggo dahil nagbabara-baranggay ako dahil nagmamadali na nga akong mangalap ng isasali sa programa para sa natitirang anim na buwan ng taon. Ngayon lang, kami magkikita ng Bise Alkalde at kung kailan hagardo versoza na ako.

Pagdating namin ro’n, may pagbasa pa lang nagaganap; Final Readings ng mga resolutions. May tungkol sa pagsasa-institusyon ng kanilang scholarship program sa mga mag-aaral sa hayskul. May tungkol sa pagpapalit ng tariffa ng isang TODA, pinapapalitan lang nila ‘yung mga land marks sa Quilo-Quilo North dahil hindi raw ito alam ng mga pasahero; pero wala silang binago sa pamasahe kundi sa mga pangalan lang ng lugar. Naka’ barong naman ang mga konsehales. May konsehal na kalbo na, may tattoo sa braso, at may konsehala na nakabarong din pero medyo see-through. Anim lang lahat ang konsehal na naroon.

Maya-maya pa’y bumati na si Mam Galela “Magandang Padre Garcia po”. Ipapakilala na n’ya ako. Dugs. Dugs. Dugs. Kinakabahan ako. Hindi ako frefared talaga. Nagpakilala ako sa Sangguniang Bayan. All eyes sila sa’kin sa sosyal nilang podium with built-in microphone. Ipinakilala ko rin ang programa na dala-dala ko. Sabi ko “medyo levelling-off lang po at kapag po mahaba-haba ang oras ay magre-report po ako sa inyo with presentations and figures.”

Pero hindi, tinanong pa rin nila ako tungkol sa mga programa. In full details; mga Wh-questions ang sinagot ko. Saan ang venue ng trainings? Bakit laging doon ang trainings? Sino-sino ang mga puwedeng sumali? “Kaya nakuwestyon namin ang Swine Raising Seminar n’yo e.”

Sa isip-isip ko “Kaya hanggang ngayon, wala pa ‘yung pondo ng Swine Raising n’yo e, mataluti kayo”. Pero maganda naman ‘yung maraming tanong dahil naninigurado tayo na walang anomalya ang mga proyekto kahit saan pamangagaling ang pondo, sa national man o sa local government. Kaya lang ‘yun nga nauunsiyami ang pagpapatupad ng proyekto.

Marami pang rants si Bise Alkalde. Ito ang ilan;

1.   Bakit daw pagmamasahe ang ipapagawa sa mga PWDs, e puwede namang wood carving at naka upo rin lang naman ‘yun? Dito sa Padre Garcia, ang daming baka, nakakita ka ba rito ng estatwa ng baka na tinitinda (bilang souveneirs)?

Ok. Sa katotohanan, hindi ako makasingit ng sagot. Nangangati ang dila ko na para bang kasindali lang ng pamamalengke ang paggawa ng proyekto kung maka-suggest. Nakaka ilang syllables pa lang ako sa mic, ay magra-rants na naman si Bise Alkalde.

“Nagawa na po namin yan Vice, pero hindi nag-succeed;” to the rescue si Mam Galela. Napansin ko na lang na s’ya na pala ang nasa podium. Dalawa na kaming nakatayo. Sinubukan daw talaga nila itong i-work out kaya lang namili lang din sila ng estatwang kahoy na baka sa Divisoria at nilagyan na lang ng kolerete.

Ang dahilan kasi kung bakit akonagbukasng Hilot Wellness Massage Training para sa mga Persons with Disability (PWDs) ay may mga lumalapit sa’kin na mga visually impaired, e hindi talaga sila pwede sa mga electronics company kaya naisip ko na baka puwee na may matutunan silang skills na hilot at puwedeng mag-apply sa mga spa o kaya ay maging freelance hilot. Bukas din ito sa mga miyembro ng Pamilyang Pantawid.

2. Bakit daw parang streotyped ang mga proyekto?

Nakuha ko kagad ang ibig n’yang sabihin. Rant ko rin ito. Nire-reverse namin ang programa. Dapat talaga ay nakalubog kami sa bayan o maging sa mga bara-baranggay ara malaman namin ano ang abilidad o gustong matutunang abilidad ng mga tao ro’n. Ano ba talaga ang kailangan ng komunidad? Paano matutugunan ang local na demand para sa mga skilled workers? Kung ibaba na namin ang proyektong skills programs na buo na at maghihikayat kami ng iaaplang sa programa.

Sabi ko, isama n’yo ako kahit sa mga meeting ng mga Baranggay para malaman ko kung ano bang kailangan talaga at kung anong makakatulong sa komunidad. Nakakuha naman ako ng schedule sa Association of Baranggay Captains (ABC) sa July 12, Martes. Kailangan ko rin naman kasing makilala ang mga kapitan para mabilis ang diseminasyon ng mga programa at magbigay galang pagdating sa mga himpilan nila. Basta-basta na lang kasi akong dumadating sa baranggay nila. Hindi na ako makapagpaalam sa sobrang abala ko.

Hindi na ako Project Development Officer (PDO) kundi Project Link na. Buo na ang proyekto at iniaaplang ko na lang ang mg tao. Hindi kasi nagpo-promote ng good planning kapag minamadali kami. E siyempre, may mga sari-sariling buhay di yung mga tao sa baranggay kaya kapag nagpa-meeeting kami ng biglaan, hindi naman sila handa at aligaga rin dahil sa maraming abyarin sa buhay. May naghahatid ng anak sa school, nagtatabas sa bukid, nag-aani sa tubuhan, tapos biglang magpapatawag ang PDO (which is ako) na parang hari para sa isang pagpupulong.
3.       Ang daming proyekto ng DSWD ang sayang. Sa loob daw ng tatlong taong pag-upo ni Bise Alkalde, parang wala namang napapasukang trabaho yung mga nag-TESDA. Hindi raw nase-serve ang kailangan talaga.

Wala na naman akong maisagot. Wala pa po akong isang buwan na nakaupo sa Padre Garcia bilang PDO. At hinihingian na ako ng proposals para sa buong taon ng 2016. Paano ko malalaman ang pangangailangan ng mga tao kung hindi kami uupo para makapag-usap? Paano ako makakapagplano at mapagaaralan ang proyekto kung palagi akong naghahabol sa lightning-speed na deadline? Paano ako makakapunta ng maraming baranggay kung wala na akong pamasahe at suweldo at magdadalawang buwan na? Pero maganda ang sagot ni Mam Galela;

“We’ll take notes of all of your suggestions.”


Mukhang magkakaroon pa kami ng maraming cooking shows sa hinaharap. Mas magigisa pa ako kapag naghain na ako ng totoong full-course meal; I mean project proposal.

Friday, June 17, 2016

Lugaw lang pala

Minsang umuwi ako ng isang Miyerkules ng hapon.

Parang may bulate sa utak ko na kislot nang kislot. Ang dami ko pang kulang na participants sa mga programang pinapalakad ko. Sa 325 na tao na hinahanap ko, ay nakaka-17 pa lang ako. Sobrang nakaka-frustrate lang kasi. Hindi ba nila gusto o kailangan 'yung programa? E bakit mukhang gandang-ganda sila sa programa, kukuha pa ng forms sa akin para fill-upan. Tapos, wala namang magpapasa ng rekusitos. Huuuy! 'yung papel kayang binigay ko ay ako ang gumastos kahit sa pagpapapotokapi. Hindi sa utang na loob pa ng mga tao 'yun sa'kin, sana man lang seryosohin nila. Ang laki ng ginastos ko na at gagastusin ko pa para makagalaw sa mga baranggay at makakalap ng mga sasali sa programa. E dalawang buwan daw kami bago maka suweldo.

Baka wala na silang tiwala sa gobyerno dahil sa mga hindi natuloy o matagal maproseso na mga proyeto at ayuda. Baka hindi nila naiintindihan ang mga rekusitos kahit ipapapotokapi lang yung isang valid I.D. ng 5 kopya. Baka kahit police clearance ay walang maipang-asikaso. Baka tinatamad lang talaga sila at gusto lang ng mabilis na perang darating sa kamay. Baka naman nasa tao ang problema at wala sa'kin. Kaya lang trabaho kong ayusin kung anomang 'problema' na 'yun.

Baka walang maipamasahe papuntang opisina. E bakit hindi dumadalo kapag nagpapameeting ako sa baranggay. Minsan wala talaga akong nadadatnan sa baranggay kahit na inabisuhan ko naman. Nakaka-frustrate. Nakaka-depress. Nakakasakit din sa puso. Nakakalugaw na ng utak ang pag-aalala na hindi ko maabot ang target ko sa nalalabing dalawang araw. Nakakalugaw mag-isip ng mga paraan para maabot ang target. Nakakawalang kwenta rin sa sarili na bumabangon ako araw-araw dahil parang sinusundot ng ting-ting ang puso ko sa laki pa ng bilang ng tao na dapat isali sa programa. 

Hindi na social intervention ang pinaggagagawa ko sa araw-araw, kundi paghahabol sa target para ma-empty namin ang funds. Hindi na social work ang ginagawa ko. Ayokong maging apathetic bureaucrat. Ito na yung kinatatakutan kong mangyari sa'kin, ang maging disorganized at unplanned ang mga kilos dahil lang sa mga hindi inaasahang pangyayari: 'yung 150 participants na target ko,  tinawaran ko na ng 100 na lang sana dahil mas realistic; pero bago ako umuwi ay nakatanggap ako ng text na dapat ay 225 participants na kada bayan at ang meron pa lang ako ay 17 na participants. Meron lang akong 17 participants. Kung hindi ka naman bulatehin ang utak n'yan. Bago matulog, paggising sa umaga, at maging pagnagmumuni-muni sa dyip, iniisip-isip ko 'yan.


Noong Miyerkules ng hapon, pagkagaling ko sa trabaho, naisip kong gusto kong maglugaw. Wala na kong pambaon bukas pero gusto ko pa ring maglugaw. Pinuntahan ko si Alvin sa Maligaya St. pero wala na pala sila ron. Lumipat na raw sabi ng kapit-bahay nila sa tapat ng Recto, 'yung may tindahan. Nakita ko nga roon si Marvin, ang bulinggit n'yang kapatid at ipinatawag ko si Alvin. Nagkakuwentuhan kami ng nanay ni Alvin. Umuupa rin daw sila doon sa inalisan nila kaya dito na lang daw muna sila sa tiyahin nila.

Pagkababa ni Alvin, niyaya ko s'yang maglugaw. Na-miss naming maglugaw talaga. Umorder ako ng dalawang limampisong lugaw, tatlong lumpia, at isang chicharong bulaklak; trenta pesos lahat. Wala raw palang dalang pera si Alvin. Buti naman at umabot naman ang pera ko. 

Pinagkuwento ko s'ya matapos akong maglitanya ng maiksi. Pinagtataga daw yung bahay nila ng asawa ng tito n'ya kaya lumipat sila. Sinira raw 'yung hagdan nila at wasak ang kubeta. Hindi na raw nagkaayos yung asawa ng tiyo n'ya at nanay n'ya. Baka raw bumalik na lang sila sa bahay nila sa Puri. Kailangan pa raw n'yang magbigay ng 6,000 pesos para sa pagkain ng baboy nila, para sa microproject nila sa university. Tapos, pinili raw sila ni Mam Mabel kasama nina Utoy at Allyson na mag-OJT sa Philippine Carabao Center sa Laguna. Wow! Ibig sabihin kako, pinagtitiwalaan kayo ni Mam Mabel na hindi n'yo ipapahiya ang pangalan ng university sa institusyon na 'yan. Galingan n'yo, kako.

Iniisip daw n'ya kapag ka-graduate n'ya. May mapapasukan ba raw s'yang trabaho. "Ano kayang mangyayari sa'kin?" Sabi ko, magtrabaho ka sa mga development sector, 'wag kang maghangad ng opisina, dapat ay 'yung magdadala ng pagbabago sa komunidad. Parang ang husay-husay kong development worker sa mga sinasabi ko kay Alvin. 

Pinagpawisan naman ako sa lugaw na kinain namin. Parang isang dekada na nang huli akong makapaglugaw. Minsan nagpapasarap talaga ay 'yung may kaunting asim, alat, at anghang ang timpla. Parang nawala ang mga bulate sa isip ko, gutom lang pala kami. Lugaw lang pala.



Luuuuuuuugaw lang palaaaaa.
Luuuuuugaw lang palaaa.


Wednesday, June 15, 2016

E-boy, E-man ka na! (Part 2)

Mabilisan na 'to. Hindi na kasi talaga dapat binabati 'yan ng "hapi bertdey, Bo".
Una, bilang ganti. Nung bertdey ko, maghapon nang hindi bumati. Pinuntahan ko na sa kanila at halos mag-headbang na 'ko ng isang oras sa harap n'yan para lang maka-alala. Pangalawa, an'dami na n'yang selebrasyon masyado. Ipinaghanda yan ng surprise ng growth group n'ya sa simbahan nila, high school division. Makalipas ang isang oras, ipinaghanda ulit ng surprise ng college division si Bo. Ako at si Alquin, walang panghanda. Handa lang kaming kumain. Sa dorm n'yan sa bible school, ipinaghanda na rin yan.
Hindi ko na sana i-cha-chat at baka pagod na sa maghapong klase. Pero kinuwento ko pa rin at nagpahayag ng kaunting lungkot dahil iba na ang kasama n'ya ngayong bertdey n'ya at nagpahayag na rin ng saya dahil pinalangin naman namin ng matagal ang pagpasok n'ya ng bible school. Sabi ko ay hintay muna tayo ng suweldo ko, na para yatang isasabay na sa pagdating ng Halley's comet. Medyo malungkot na hindi ka man lang makabawi sa mga espesyal na okasyon dahil lang wala kang pera kahit na may trabaho ka naman. Maya-maya p'ay may class devotion lang daw sila kaya nag-log-out.
Bandang alas-diyes, log in ulit s'ya. Sabi ko, matulog na at wag nang umasa pa na itsa-chat s'ya nun. E malay mo naman daw.
"Asa, pinagpray mo gang batiin ka?
Sige na pagbibigyan na kita at bertdey mo pa naman. Ichachat ko sabihin ko batiin ka
Make my bespren happy o. Batiin mo naman si jebs"
Binantaan ko s'yang itsa-chat ko 'yun para batiin s'ya. Never pa s'yang chinat noon. Ayaw n'yang s'ya ang unang nagcha-chat. Ayaw ma-seen zoned.
"Hindi pa nga nabati ang gusto kong bumati hindi nagoonline ehhh," asa naman ni Jebs.
Maya-maya biglang nag-iba ang ihip ng chat ni E-boy. Ramdam kong may halong excitement.
"Hoy ano ginawa mo ha?
Wala ka gang ibang chinat
Umamin ka bakit may chinat ka ga?
Wala ka ga tlga ichinat
Umamin ka.muna wala ka ba kinuntsaba hahah"
Haha. Tawang-tawa ko. Alam kong ngiting tagumpay si E-boy habang pinagpapawisan sa mabanas n'yang dorm. Chinat nga s'ya ng crush n'ya. Dakilang biyaya naman sa bertdey n'ya. Nagkatotoong muli ang sinabi ko at sobrang naghihinala s'ya na chinat ko 'yun para i-chat s'ya. E di ko kaya friend sa Facebook 'yun.
"Hahahaah grabr nagulat ako ehhh
Prang nagskip ng beat ung puso ko hindi ako makapaniwala hahahahaha joke
Hahaaha oo hahaa Hahahahahaahahahahahha Tulugan na at baka mawala pa ang kasiyahan"

Bumaha ng hahaha. Masaya na rin ako at masaya si E-boy. Magpapadaplis na naman ito ng daliri sa ilong n'ya sa Sabado, pag-uwi. Yabang overload na naman 'to. Sabi ko next year na ulit yan; sa bertdey mo. Siyempre pa, humingi ako ng pasalubong pag-uwi baka makalusot habang masaya pa s'ya.
"Hahahaha tinalo tatlong birthdeyan ko ehhh"
Hindi na n'ya kailangang i-surprise si E-boy. Hindi na n'ya kailangang pumalakpak at kumanta ng hapi bertdeeeey Eee-booooy! Hindi na n'ya kailangang magsulat ng bertdey letter. Hindi na n'ya kailangang magbigay ng regalo. All she has to do is to chat with less than 50 letters para mapasaya si E-boy.
"Masarap na ang tulog ko"

P.S.
Hoy Bo! Aral muna mahal ang tuition.

Dyord,
Hunyo 14, 2016, 11:54pm

Tuesday, June 14, 2016

Trip to Tiaong: Yari ka!

Papunta akong trabaho.

Mula Tiaong ay sumasakay ako ng dyip papuntang Padre Garcia kung saan ako naka destino. Maaga ako ngayon, meron kasi akong pa-meeting sa barangay. Hindi rin nakapuno ang dyip ng umalis ito ng sakayan. Maya-maya ay may sumakay na kapwa n’ya drayber at binati pa s’ya na aalog-alog daw ang pasahero n’ya ngayon.  “Kahapon pa!” sabi ni Manong drayber.

Sa kasagsagan ng biyahe biglang sumigawang drayber “yari ka ngay-own!” at naantala ang aking pagbabasadahil sa may pamilyar na piyagak akong narinig. May nahagip s’yang aso. Napalingon agad ako sa kalsada pero malayo na agad kami dahil harurot ang takbo. Maliit na imahe na lang ng aso na tila namimilipit ang natanaw ko pero rinig ko pa rin ag iyak n’ya na para bang malapit lang s’ya. “Chihuahua ka ngay-own,” sabi ng isa pang ka-drayber n’ya na nang-aasar pa sa aso.

Nagimbal yung isang singkit na estudyante sa narinig. Nanlaki ang singkit n’yang mata at nagpalingon-lingon sa direksyon noong namimilipit na aso at ng drayber. Bakas ang indignasyon sa mata n’yang singkitat sa maliit na buka ng bibig n’ya na parang gustong magmura. Sige, go! Pagalitan mo ‘yung drayber na tila walang pinagsisisihan sa kablbalan n’yang magmaneho. Kaya lang hindi mo kaya? Ipapagtanggol mo ang karapatan ng aso sa isang ligtas na kalye? D’yahe. Sorry ka na lang kuya, 3rd world country tayo mas iniisip ng mga tao ang sikmura nila bago ang Animal Welfare and Rights.


Maya-maya pa ay may tinigilang kakilala si Manong drayber at sumigaw “Ayun! May pulutan duon!”

Dyord, Hunyo 14, 2016

Saturday, June 11, 2016

Bes Titser si Ate Regjs


A Project PAGbASA Update



Minsan nang magpa-medikal ako, dumaan ako sa isang kaklase noong college, si Emma. Malapit lang kasi bahay nila sa may ospital sa Nursery kung san dati kami tumatambay.

Surprise! Walang pasabi ay nakitambay uli ako at nakikain pa!

Nakapagkuwentuhan kami ni Emma pati na ng ate n'yang si Ate Regine na all of a sudden ay 'Bes' ang tawag sa'kin. Nakiki-laptop kami kay Ate Regj kapag may mga group projects-gala kami nina Emma kaya kilala ko na s'ya noon pa.

Guro si Ate Regs ngayon sa San Francisco, Quezon. Medyo ilang taon na rin siyang nagtuturo ro'n ay marami na raw s'yang pa-iskolar. Grade 3 ang hawak n'ya ngayon at sa 60 na estudyante na kailangang singilan ng 'fees' (ng boys scout, athletics, atbp.) ay 40 halos ang hindi kayang magbayad, kaya siya na raw ang sumasagot. Naglalaro lang daw sa pangingisda at pagbubukid ang trabaho ng mga tao ron. Mapalad na ang may mga magulang na nakakapaghabal-habal.

Minsan nga raw ay inalok s'ya ng mga estudyante n'ya: "Mam! Kaun na Mam!" Gumora naman daw siya sa alok kaya lang biglang itinago ng mga bata ang pagkain. Nahiya raw. "Way sud-an," wala raw silang ulam. Hugot na naman s'ya ng bente para maghati-hati sa isang sardinas ang mga bata.

"Bes! Alam mo ga minsa'y may tinanong ako kung anong lasa ng apple. Aba'y hindi naimik." Hindi pa raw pala sila nakakatikim ng apol pati na ng ubas. Ang ginawa n'ya binilhan n'ya ng ubas at apol ang mga bata. Tig kakalhati nga lang sila.

Ang isa raw problema roon ay minsan ay Grade 6 na, hirap pang bumasa. Bukod sa kulang na sa aklat sa eskuwela ay wala rin namang aklat sa bahay. Pagod na rin daw ang mga ito dahil nilalakad lang ang pauwi. Minsan nag-home visit daw s'ya at umupa ng habal-habal. Tanong s'ya ng tanong sa drayber kung malapit na raw, e malapit na raw konti na lang. "E ilang bundok na Bes yung inahon namen! May dalawang ilog pang tinawid, malapit pa rin?"

Nagho-home visit daw pala talaga sila kapag hindi na nagpapasok ang mga bata. Inaalam ang problema. "Na-guilty nga ako Bes". Napagalitan nya raw kasi yung magkapatid minsan dahil alas-nuebe na napasok. Yun pala alas-kuwatro pa lang ay gising na para maghanda sa pagpasok sa iskul. Nilalakad lang nila. Mapalad kung may tsinelas at kung may bago man daw tsinelas e hindi nila sinusot sa paa kundi sa kamay lang muna. Ayaw maluma agad. Parang naka-Nike at Prada na sila kapag may bagong tsinelas.

Noong nasa Grade 6 pa raw si Ate Regjs.Minsan daw ansaya-saya n'ya pang nagtuturo ano. Lively talaga. Talagang tuwa rin ang mga bata. May isang bata raw duon sa klase n'ya na ansaya-saya ring nakikinig. E habang nagtuturo ay napauli raw s'ya ng klasrum, at napatingin dun sa bata. Putol pala ang dalawang paa. "Bes, ako'y napaiyak." Binababa ng pinsan yung batang 'yun pagpasok ng iskul. Lakad laang.

Naabot naman daw sila ng programa ng gobyerno at mga NGOs. May feeding at mga namimigay ng school supplies at groceries minsan. Pero nais n'yang magtayo ng mini-library sa kanilang eskuwelahan.

Si Ate Regjs hawak ang mga aklat.


 Mahaba ang itinambay ko kaya bukod sa meryenda ay inabot na rin ako ng tanghalian. Walang kamalay-malay si Ate Regjs na ako'y asset ng Wish ko lang...joke...sa Project PAGbASA. Sabi ko babalik ako bukas at bibigyan kita ng 10 aklat para mailaman sa mini-library at kung merong mga kahanga-hangang mga kabataan na nagsusumikap mag-aral kahit may pagsubok, bigyan ng aklat.

Abot pasalamat si Ate Regjs na parang binigyan ng jacket ni Kuya Wil.