Busy na 'ko na sa trabaho. As in.
Werk, werk, werk, werk. As in.
Tumigil nga lang ako para makapag-blog-blog man lang. Para makatakas kahit saglit sa pangil na gumigising sa'kin araw-araw; ang target at deadline. Puro na ko trabaho. Sa umaga, nag-aalmusal ng trabaho. Sa gabi, trabaho pa rin. Ang nakakalungkot nga lang dahil sa kabila ng LAKI ng effort mo, ay ganun naman ang liit ng accomplishment mo. As in.
Isa sa mga dahilan kung bakit ako nagtatrabaho at marahil ikaw din ay dahil gusto mong makabawi sa mga taong malaki ang itinulong sa buhay mo. Nagtatrabaho ka para mapasaya man lang 'yung mga taong mahal mo sa mga espesyal na araw nila. Nakakatulak at nakakagalak din kasing magtrabaho kapag naikain mo man lang sa Pizzakaya ang bespren mo sa bertdey n'ya. Nakakatuwa rin na maregaluhan mo man lang ang paborito mong lola sa anibersaryo nila. Nakakagaan ng paghinga kapag nakapag-abot ka man lang sa barkada mo sa araw ng kasal n'ya na matagal n'yo nang pinagmunihan noong kolehiyo pa kayo. At lahat 'to ay hindi ko nagawa dahil wala pa akong sweldo kahit puro trabaho.
Sasabihin mong it's not the money that counts. Pero pera will take you to the event itself e. Hindi mo puwedeng sabihin sa kundoktor na "ikakasal po barkada ko nung college e, balato n'yo na sa'kin 'to." Hindi ka puwedeng mangutang sa McDo o sa sinehan dahil bertdey ng bespren mo. Hindi naman sukatan ng kasiyahan kung magkano ang nagastos mo para sa iba, o hindi rin naman nagbibilangan ang magkakaibigan kung magkano na nagastos mo sa kanilaat kailangan ma-quits mo agad. Walang ganun sa pagkakaibigan, sa love life lang 'yung bilangan. Ang sa'kin lang, palpak na ko sa trabaho tapos palpak pa ako bilang kaibigan.
Hindi ko natupad 'yung mga pangako ko. Hindi ko puwedeng sabihing tao lang e. Hindi ko rin pwedeng idahilang walang pera e. Kailangan ko lang lunukin ang mga pagkabigo at parang lumulunok ako ng kimchee na saluyot. As in.
JJJ
Kinasal si Ate Tin kaninang alas-diyes ng umaga. Hindi ako imbitado pero alam ko ang oras dahil si Ara ang nag-iimbita sa'kin nung isang linggo pa sa comment box at sa message inbox. Hindi ako iniimbita ni Ate Tin at parang alam ko kung bakit.
Hindi ako iniimbita ni Ate Tin dahil;
1. Alam ko namang kailangan kong pumunta. Never pa akong nakapunta sa kahit anong pa-okasyon ni Ate Tin sa kanilang bahay. Sa ilang taong pinagsamahan namin nung kolehiyo at hindi man lang ako nagkaroon ng pagkakataong makatuntong ng pamamahay n'ya. Mapa-bertdey n'ya, bertdey ni Bibe, bertdey ng tatay, nanay, lola, pamangkin n'ya; hindi ako nakapunta. Busy sa campus journ. Anibersari ng magulang n'ya, gradweysyon blow-out, piyesta, at kung ano-ano pang okasyon; nunka kung nakapunta ako. Ngayon, busy sa work na parang walang wage. Eeeeeenk! Hindi puwedeng dahilan.
2. Alam n'yang hindi ako pupunta. Akala n'ya siguro hindi ako pupunta dahil sa simbahan ng katoliko s'ya magpapakasal, pero kaya ko namang pumasok don para sa ganung minsanang okasyon. O kaya alam n'yang hindi ako pupunta dahil sa kung anong kaartehang tinataglay ko na mismong ako ay di ko maintindihan. O kaya alam n'yang hindi ko masyadong kilala ag mapapangasawa n'ya. E ano naman e s'ya naman ang pumili nun at s'ya naman ang gigising araw-araw kasama 'yun. At dahil alam n'yang hindi ako pupunta, para makaiwas sa samang loob, hindi na lang n'ya ako iimbitahin.
Kaya si Ara at Ana ang kumukulit sa akin. Nakakatawa dahil hindi naman tungkol sa'kin ang kasal. Nakakalungkot dahil hindi ko man lang naisip ang kasiyahan ng kaibigan ko kung makita man lang n'ya ako sa kanila sa unang pagkakataon. Kahit makikilamon lang ulit ako. Kahit na walang regalo na sanay na sanay naman sila. Kahit ako lang bilang tao. Kahit ako lang na hindi nag-iisip ng tungkol sa sarili kahit saglit lang. Kahit ako lang. Kaya lang kahit maipamasahe ay wala ako. Eeeeeenk! Hindi puwedeng dahilan.
Akala ko ba win some, lose some?
No comments:
Post a Comment