Saturday, June 25, 2016

Pagkain Problems

Prinoproblema ko madalas ang kakainin ko. Nung medyo may atik pa ako, problema ko kung ANO ang kakainin ko. Ngayong, wala pa ring sweldo at wala nang mautangan, problema ko naman ang SAAN ako kukuha ng pangkain.

Ilang linggo na akong pautang-utang ng isang libo. Minsan kay Alquin. Minsan kay E-boy. Tapos kay Mrs. P (E-boy's Mom). Tapos kay Alquin ulit. Tapos, akala ko susuweldo na'ko pero wala pa rin kaya hindi ko na alam. 'yung isang libo ko ay kadalasan ay umaabot lang ng hanggang Miyerkules o Huwebes, tapos si Mama naman ang mangungutang kung saan para lang maitawid ako sa kasalukuyang linggo. Hindi lang kasi regular expenses (pamasahe, load, pagkain) ang pinaggagastusan ko, malaki ang kinakain ng incidentals o yung mga biglaan gaya ng amabagan para sa team building na kapos sa budget, bibili ng A4 na papel, mamasahe papuntang mga liblib na baranggay, bibili ng uniform, bibili ng fastener, isama na natin ang gastos sa isang Kopiko Brown kada araw. Pagdating ng Huwebes at Biyernes, talagang nagte-treasure hunting na'ko sa bag ko ng variables.

Epic fail na'ko sa aking financial management. Hindi ko na nagagawang itala ang araw-araw kong gastos. Mas lalong hindi ko na rin masugagaan ang pagtatala ng pagpasok ng pera sa bulsa ko. Ang tanging tina-track ko na lang ay kung magkano na ang account payables ko; at pumapalo na s'ya ng tumataginting na P 35, 000. Certified mag-nanay nga kami ni Mama, pag-utang is in our genes. Mahalaga na 'wag makalimutan kung magkano na ang utang ko kasi nakataya d'yan ang dangal mo. Makalimutan mo na ang pangalan mo, 'wag lang ang utang mo kahit porti pesos lang 'yan. Sabi nga ni Ate Tin "ang utang ay utang."

Medyo nagugutom na ko sa trabaho pero hindi pa naman ako namamayat o kaya'y nawalan ng malay. Tama si Alma Moreno nang sabihin n'yang "dasal lang, dasal lang talaga." Minsang nag-meeting kami ni Ate Lorie, cluster monitor ko, at hindi pa ako nag-aalmusal ay inilibre n'ya ako sa Jolibee na halos nakalimutan ko na kung anong lasa. Nang mag-meeting din kami sa Lobo, Batangas, si Ate Lorie din ang sumagot muna ng ambag ko sa pamasahe at pagkain; certified nanay at workplace. Wala na nga kaming naipapasa pang proposal sa cluster namin, nagagastusan pa s'yang lubha; kaya kailangan talagang galingan sa trabaho.

Dasal lang talaga. Kapag wala na akong mameryenda, maglalabas si Tita Nel, livelihood worker, ng kape at matamis na biskwit. Minsan naman si Ate Tess, PWD focal person, ang magpapa-merienda ng Coke at cookies. Minsan si Mam Wilma, Municipal Social Worker, ang magpapa-akyat ng halo-halo at sagimis. Nang minsang magutom naman ako ng isang tanghalian, nagbigay ang staff ng incoming Mayorng isang chicken joy with rice na kalimot ko na rin ang lasa.

Maraming nakakapansing tumataba raw ako, bumuburok daw ang pisngi ko, pa'no, fini-feeding program ako ng kagawaran.

Dyord
Hunyo, 25, 2016


No comments: