Saturday, June 18, 2016

Guisahang Bayan

Guisahang Bayan

Medyo abala ako sa office works ngayong araw. Encoding, proposal writing, validating, at pati na pagtanggap ng clients; lahat ‘yan ini-sked ko ngayong araw.  Pero gaya ng maraming nasa opisyo ng gobyerno, meron at merong externalities, ‘yung mga basta na lang sumusulpot na problema o hamon na hindi napaghandaan. Gaya ng nangyari sa’kin ngayong Biyernes.

Minamadali ako ni Tita Nel, kasama ko sa Sustainable Livelihood Program (SLP) bilang counter-part ng local government ng Padre Garcia,  mamaya na raw ‘yung ginagawa ko with matching kampay-kampay ng kamay para talagang magmadali ako. Pagbaba namin nasa labas na si Mam Galela, head ng Municipal Social Welfare and Development Office. Ipapakilala raw ako sa Bise-Alkalde.

Hala. Medyo matagal na ‘tong inii-sked ni Tita Nel sa’kin kaya lang ay minsan-minsan lang ako napapasulpot sa opisina, lalo na nitong mga nakaraang linggo dahil nagbabara-baranggay ako dahil nagmamadali na nga akong mangalap ng isasali sa programa para sa natitirang anim na buwan ng taon. Ngayon lang, kami magkikita ng Bise Alkalde at kung kailan hagardo versoza na ako.

Pagdating namin ro’n, may pagbasa pa lang nagaganap; Final Readings ng mga resolutions. May tungkol sa pagsasa-institusyon ng kanilang scholarship program sa mga mag-aaral sa hayskul. May tungkol sa pagpapalit ng tariffa ng isang TODA, pinapapalitan lang nila ‘yung mga land marks sa Quilo-Quilo North dahil hindi raw ito alam ng mga pasahero; pero wala silang binago sa pamasahe kundi sa mga pangalan lang ng lugar. Naka’ barong naman ang mga konsehales. May konsehal na kalbo na, may tattoo sa braso, at may konsehala na nakabarong din pero medyo see-through. Anim lang lahat ang konsehal na naroon.

Maya-maya pa’y bumati na si Mam Galela “Magandang Padre Garcia po”. Ipapakilala na n’ya ako. Dugs. Dugs. Dugs. Kinakabahan ako. Hindi ako frefared talaga. Nagpakilala ako sa Sangguniang Bayan. All eyes sila sa’kin sa sosyal nilang podium with built-in microphone. Ipinakilala ko rin ang programa na dala-dala ko. Sabi ko “medyo levelling-off lang po at kapag po mahaba-haba ang oras ay magre-report po ako sa inyo with presentations and figures.”

Pero hindi, tinanong pa rin nila ako tungkol sa mga programa. In full details; mga Wh-questions ang sinagot ko. Saan ang venue ng trainings? Bakit laging doon ang trainings? Sino-sino ang mga puwedeng sumali? “Kaya nakuwestyon namin ang Swine Raising Seminar n’yo e.”

Sa isip-isip ko “Kaya hanggang ngayon, wala pa ‘yung pondo ng Swine Raising n’yo e, mataluti kayo”. Pero maganda naman ‘yung maraming tanong dahil naninigurado tayo na walang anomalya ang mga proyekto kahit saan pamangagaling ang pondo, sa national man o sa local government. Kaya lang ‘yun nga nauunsiyami ang pagpapatupad ng proyekto.

Marami pang rants si Bise Alkalde. Ito ang ilan;

1.   Bakit daw pagmamasahe ang ipapagawa sa mga PWDs, e puwede namang wood carving at naka upo rin lang naman ‘yun? Dito sa Padre Garcia, ang daming baka, nakakita ka ba rito ng estatwa ng baka na tinitinda (bilang souveneirs)?

Ok. Sa katotohanan, hindi ako makasingit ng sagot. Nangangati ang dila ko na para bang kasindali lang ng pamamalengke ang paggawa ng proyekto kung maka-suggest. Nakaka ilang syllables pa lang ako sa mic, ay magra-rants na naman si Bise Alkalde.

“Nagawa na po namin yan Vice, pero hindi nag-succeed;” to the rescue si Mam Galela. Napansin ko na lang na s’ya na pala ang nasa podium. Dalawa na kaming nakatayo. Sinubukan daw talaga nila itong i-work out kaya lang namili lang din sila ng estatwang kahoy na baka sa Divisoria at nilagyan na lang ng kolerete.

Ang dahilan kasi kung bakit akonagbukasng Hilot Wellness Massage Training para sa mga Persons with Disability (PWDs) ay may mga lumalapit sa’kin na mga visually impaired, e hindi talaga sila pwede sa mga electronics company kaya naisip ko na baka puwee na may matutunan silang skills na hilot at puwedeng mag-apply sa mga spa o kaya ay maging freelance hilot. Bukas din ito sa mga miyembro ng Pamilyang Pantawid.

2. Bakit daw parang streotyped ang mga proyekto?

Nakuha ko kagad ang ibig n’yang sabihin. Rant ko rin ito. Nire-reverse namin ang programa. Dapat talaga ay nakalubog kami sa bayan o maging sa mga bara-baranggay ara malaman namin ano ang abilidad o gustong matutunang abilidad ng mga tao ro’n. Ano ba talaga ang kailangan ng komunidad? Paano matutugunan ang local na demand para sa mga skilled workers? Kung ibaba na namin ang proyektong skills programs na buo na at maghihikayat kami ng iaaplang sa programa.

Sabi ko, isama n’yo ako kahit sa mga meeting ng mga Baranggay para malaman ko kung ano bang kailangan talaga at kung anong makakatulong sa komunidad. Nakakuha naman ako ng schedule sa Association of Baranggay Captains (ABC) sa July 12, Martes. Kailangan ko rin naman kasing makilala ang mga kapitan para mabilis ang diseminasyon ng mga programa at magbigay galang pagdating sa mga himpilan nila. Basta-basta na lang kasi akong dumadating sa baranggay nila. Hindi na ako makapagpaalam sa sobrang abala ko.

Hindi na ako Project Development Officer (PDO) kundi Project Link na. Buo na ang proyekto at iniaaplang ko na lang ang mg tao. Hindi kasi nagpo-promote ng good planning kapag minamadali kami. E siyempre, may mga sari-sariling buhay di yung mga tao sa baranggay kaya kapag nagpa-meeeting kami ng biglaan, hindi naman sila handa at aligaga rin dahil sa maraming abyarin sa buhay. May naghahatid ng anak sa school, nagtatabas sa bukid, nag-aani sa tubuhan, tapos biglang magpapatawag ang PDO (which is ako) na parang hari para sa isang pagpupulong.
3.       Ang daming proyekto ng DSWD ang sayang. Sa loob daw ng tatlong taong pag-upo ni Bise Alkalde, parang wala namang napapasukang trabaho yung mga nag-TESDA. Hindi raw nase-serve ang kailangan talaga.

Wala na naman akong maisagot. Wala pa po akong isang buwan na nakaupo sa Padre Garcia bilang PDO. At hinihingian na ako ng proposals para sa buong taon ng 2016. Paano ko malalaman ang pangangailangan ng mga tao kung hindi kami uupo para makapag-usap? Paano ako makakapagplano at mapagaaralan ang proyekto kung palagi akong naghahabol sa lightning-speed na deadline? Paano ako makakapunta ng maraming baranggay kung wala na akong pamasahe at suweldo at magdadalawang buwan na? Pero maganda ang sagot ni Mam Galela;

“We’ll take notes of all of your suggestions.”


Mukhang magkakaroon pa kami ng maraming cooking shows sa hinaharap. Mas magigisa pa ako kapag naghain na ako ng totoong full-course meal; I mean project proposal.

No comments: