Friday, June 17, 2016

Lugaw lang pala

Minsang umuwi ako ng isang Miyerkules ng hapon.

Parang may bulate sa utak ko na kislot nang kislot. Ang dami ko pang kulang na participants sa mga programang pinapalakad ko. Sa 325 na tao na hinahanap ko, ay nakaka-17 pa lang ako. Sobrang nakaka-frustrate lang kasi. Hindi ba nila gusto o kailangan 'yung programa? E bakit mukhang gandang-ganda sila sa programa, kukuha pa ng forms sa akin para fill-upan. Tapos, wala namang magpapasa ng rekusitos. Huuuy! 'yung papel kayang binigay ko ay ako ang gumastos kahit sa pagpapapotokapi. Hindi sa utang na loob pa ng mga tao 'yun sa'kin, sana man lang seryosohin nila. Ang laki ng ginastos ko na at gagastusin ko pa para makagalaw sa mga baranggay at makakalap ng mga sasali sa programa. E dalawang buwan daw kami bago maka suweldo.

Baka wala na silang tiwala sa gobyerno dahil sa mga hindi natuloy o matagal maproseso na mga proyeto at ayuda. Baka hindi nila naiintindihan ang mga rekusitos kahit ipapapotokapi lang yung isang valid I.D. ng 5 kopya. Baka kahit police clearance ay walang maipang-asikaso. Baka tinatamad lang talaga sila at gusto lang ng mabilis na perang darating sa kamay. Baka naman nasa tao ang problema at wala sa'kin. Kaya lang trabaho kong ayusin kung anomang 'problema' na 'yun.

Baka walang maipamasahe papuntang opisina. E bakit hindi dumadalo kapag nagpapameeting ako sa baranggay. Minsan wala talaga akong nadadatnan sa baranggay kahit na inabisuhan ko naman. Nakaka-frustrate. Nakaka-depress. Nakakasakit din sa puso. Nakakalugaw na ng utak ang pag-aalala na hindi ko maabot ang target ko sa nalalabing dalawang araw. Nakakalugaw mag-isip ng mga paraan para maabot ang target. Nakakawalang kwenta rin sa sarili na bumabangon ako araw-araw dahil parang sinusundot ng ting-ting ang puso ko sa laki pa ng bilang ng tao na dapat isali sa programa. 

Hindi na social intervention ang pinaggagagawa ko sa araw-araw, kundi paghahabol sa target para ma-empty namin ang funds. Hindi na social work ang ginagawa ko. Ayokong maging apathetic bureaucrat. Ito na yung kinatatakutan kong mangyari sa'kin, ang maging disorganized at unplanned ang mga kilos dahil lang sa mga hindi inaasahang pangyayari: 'yung 150 participants na target ko,  tinawaran ko na ng 100 na lang sana dahil mas realistic; pero bago ako umuwi ay nakatanggap ako ng text na dapat ay 225 participants na kada bayan at ang meron pa lang ako ay 17 na participants. Meron lang akong 17 participants. Kung hindi ka naman bulatehin ang utak n'yan. Bago matulog, paggising sa umaga, at maging pagnagmumuni-muni sa dyip, iniisip-isip ko 'yan.


Noong Miyerkules ng hapon, pagkagaling ko sa trabaho, naisip kong gusto kong maglugaw. Wala na kong pambaon bukas pero gusto ko pa ring maglugaw. Pinuntahan ko si Alvin sa Maligaya St. pero wala na pala sila ron. Lumipat na raw sabi ng kapit-bahay nila sa tapat ng Recto, 'yung may tindahan. Nakita ko nga roon si Marvin, ang bulinggit n'yang kapatid at ipinatawag ko si Alvin. Nagkakuwentuhan kami ng nanay ni Alvin. Umuupa rin daw sila doon sa inalisan nila kaya dito na lang daw muna sila sa tiyahin nila.

Pagkababa ni Alvin, niyaya ko s'yang maglugaw. Na-miss naming maglugaw talaga. Umorder ako ng dalawang limampisong lugaw, tatlong lumpia, at isang chicharong bulaklak; trenta pesos lahat. Wala raw palang dalang pera si Alvin. Buti naman at umabot naman ang pera ko. 

Pinagkuwento ko s'ya matapos akong maglitanya ng maiksi. Pinagtataga daw yung bahay nila ng asawa ng tito n'ya kaya lumipat sila. Sinira raw 'yung hagdan nila at wasak ang kubeta. Hindi na raw nagkaayos yung asawa ng tiyo n'ya at nanay n'ya. Baka raw bumalik na lang sila sa bahay nila sa Puri. Kailangan pa raw n'yang magbigay ng 6,000 pesos para sa pagkain ng baboy nila, para sa microproject nila sa university. Tapos, pinili raw sila ni Mam Mabel kasama nina Utoy at Allyson na mag-OJT sa Philippine Carabao Center sa Laguna. Wow! Ibig sabihin kako, pinagtitiwalaan kayo ni Mam Mabel na hindi n'yo ipapahiya ang pangalan ng university sa institusyon na 'yan. Galingan n'yo, kako.

Iniisip daw n'ya kapag ka-graduate n'ya. May mapapasukan ba raw s'yang trabaho. "Ano kayang mangyayari sa'kin?" Sabi ko, magtrabaho ka sa mga development sector, 'wag kang maghangad ng opisina, dapat ay 'yung magdadala ng pagbabago sa komunidad. Parang ang husay-husay kong development worker sa mga sinasabi ko kay Alvin. 

Pinagpawisan naman ako sa lugaw na kinain namin. Parang isang dekada na nang huli akong makapaglugaw. Minsan nagpapasarap talaga ay 'yung may kaunting asim, alat, at anghang ang timpla. Parang nawala ang mga bulate sa isip ko, gutom lang pala kami. Lugaw lang pala.



Luuuuuuuugaw lang palaaaaa.
Luuuuuugaw lang palaaa.


No comments: