Saturday, June 11, 2016

Bes Titser si Ate Regjs


A Project PAGbASA Update



Minsan nang magpa-medikal ako, dumaan ako sa isang kaklase noong college, si Emma. Malapit lang kasi bahay nila sa may ospital sa Nursery kung san dati kami tumatambay.

Surprise! Walang pasabi ay nakitambay uli ako at nakikain pa!

Nakapagkuwentuhan kami ni Emma pati na ng ate n'yang si Ate Regine na all of a sudden ay 'Bes' ang tawag sa'kin. Nakiki-laptop kami kay Ate Regj kapag may mga group projects-gala kami nina Emma kaya kilala ko na s'ya noon pa.

Guro si Ate Regs ngayon sa San Francisco, Quezon. Medyo ilang taon na rin siyang nagtuturo ro'n ay marami na raw s'yang pa-iskolar. Grade 3 ang hawak n'ya ngayon at sa 60 na estudyante na kailangang singilan ng 'fees' (ng boys scout, athletics, atbp.) ay 40 halos ang hindi kayang magbayad, kaya siya na raw ang sumasagot. Naglalaro lang daw sa pangingisda at pagbubukid ang trabaho ng mga tao ron. Mapalad na ang may mga magulang na nakakapaghabal-habal.

Minsan nga raw ay inalok s'ya ng mga estudyante n'ya: "Mam! Kaun na Mam!" Gumora naman daw siya sa alok kaya lang biglang itinago ng mga bata ang pagkain. Nahiya raw. "Way sud-an," wala raw silang ulam. Hugot na naman s'ya ng bente para maghati-hati sa isang sardinas ang mga bata.

"Bes! Alam mo ga minsa'y may tinanong ako kung anong lasa ng apple. Aba'y hindi naimik." Hindi pa raw pala sila nakakatikim ng apol pati na ng ubas. Ang ginawa n'ya binilhan n'ya ng ubas at apol ang mga bata. Tig kakalhati nga lang sila.

Ang isa raw problema roon ay minsan ay Grade 6 na, hirap pang bumasa. Bukod sa kulang na sa aklat sa eskuwela ay wala rin namang aklat sa bahay. Pagod na rin daw ang mga ito dahil nilalakad lang ang pauwi. Minsan nag-home visit daw s'ya at umupa ng habal-habal. Tanong s'ya ng tanong sa drayber kung malapit na raw, e malapit na raw konti na lang. "E ilang bundok na Bes yung inahon namen! May dalawang ilog pang tinawid, malapit pa rin?"

Nagho-home visit daw pala talaga sila kapag hindi na nagpapasok ang mga bata. Inaalam ang problema. "Na-guilty nga ako Bes". Napagalitan nya raw kasi yung magkapatid minsan dahil alas-nuebe na napasok. Yun pala alas-kuwatro pa lang ay gising na para maghanda sa pagpasok sa iskul. Nilalakad lang nila. Mapalad kung may tsinelas at kung may bago man daw tsinelas e hindi nila sinusot sa paa kundi sa kamay lang muna. Ayaw maluma agad. Parang naka-Nike at Prada na sila kapag may bagong tsinelas.

Noong nasa Grade 6 pa raw si Ate Regjs.Minsan daw ansaya-saya n'ya pang nagtuturo ano. Lively talaga. Talagang tuwa rin ang mga bata. May isang bata raw duon sa klase n'ya na ansaya-saya ring nakikinig. E habang nagtuturo ay napauli raw s'ya ng klasrum, at napatingin dun sa bata. Putol pala ang dalawang paa. "Bes, ako'y napaiyak." Binababa ng pinsan yung batang 'yun pagpasok ng iskul. Lakad laang.

Naabot naman daw sila ng programa ng gobyerno at mga NGOs. May feeding at mga namimigay ng school supplies at groceries minsan. Pero nais n'yang magtayo ng mini-library sa kanilang eskuwelahan.

Si Ate Regjs hawak ang mga aklat.


 Mahaba ang itinambay ko kaya bukod sa meryenda ay inabot na rin ako ng tanghalian. Walang kamalay-malay si Ate Regjs na ako'y asset ng Wish ko lang...joke...sa Project PAGbASA. Sabi ko babalik ako bukas at bibigyan kita ng 10 aklat para mailaman sa mini-library at kung merong mga kahanga-hangang mga kabataan na nagsusumikap mag-aral kahit may pagsubok, bigyan ng aklat.

Abot pasalamat si Ate Regjs na parang binigyan ng jacket ni Kuya Wil.

No comments: