Saturday, June 25, 2016

Itaga Mo sa Bituin

Teka lang, wait.
Masyado nang mabilis
At pabilis pa ng pablis
Hanggang sa maging mabilis pa sa alas kuwatro
Lahat may hinihinging rekusitos, mula sa bahay
Sa simbahan, sa kaibigan; lalo na sa trabaho.


Baka bumitaw na’ko. Tumigil sa pagtakbo.
Tuluyang iwasan ang pagkahapong tila stay-in na sa dibdib ko
Mali, mali pala; 
Tuluyang tumigil sa paghabol sa di maabot-abot na wakas
At baka makatisod pa ng maraming pakalat-kalat pang pagkakamali
Baka huminto na’ko at humabol ng hininga
Hiningang bumaho na sa sobrang abala
Hindi na makapaghiso kaya amoy bangkay
Kebs lang, hindi ko na naman nararamdamang meron pa 'kong buhay


Abala? 
Maraming pinupuntahan pero parang wala namang naabot
Maraming nakakain pero hindi naman nabubusog
Maraming sinusulat pero walang natatala
Maraming inaawit pero walang naririnig
Maraming bagong nakikilala pero walang nanatili
Maraming tinutulungan pero hindi mapag-pisbol ang sarili
Maraming-marami na nga ang mali kaysa medalya
Nakakahapo na, baka nga ako'y tumigil na.


Kasi nagmamadali.
Kasi nagkukumahog.
Kasi rush hour. Kasi deadline
Kasi aligaga na. Sooobra.
Kailangan nang BU-MA-GAL.
Umupo...

E humiga kaya?
Sa damuhan a
Sabay tumingala sa langit
Anak ng tokwa’t baboy! nNaka-leave rin ang mga tanglaw
Ang lagay ba’y lagi na lang silang makikinig sa mga kakornihan
Ng buhay pag-ibig mo at mga kapalpakan mo sa pag-abot ng mga bituin?
Na di miminsang itinaga mo pang masungkit-sungkit
Nakakapagod din namang hintaying bumagsak na lang sila


Isa-isa,
Sabay-sabay,
O kahit isa man lang
Para samahan ka sa madilim,
Malamig, at mapanglaw mong mga gabi.
Kaya lang absent nga sila ngayon, kaya kakayanin kong ako lang.


Matuto rin pala dapat na kausapin ang karimlan ng langit
Makiusap sa mga ulap kung pwede ay time out muna
Mangapa lang kung walang mga tanglaw
Parang isang malalim na balon ngayon ang tinitingala ko.
Kahit na parang nagmamadaling bulateng gumuguhit sa itim na papel,
Hindi naman pala talaga nakakatakot ang kidlat;
Kung wala namang kulog
Kislap lang nang kislap ang langit
Kahit mga tanglaw may panahong bumagal
Huminto, at magpahinga.
Para sa pagbabalik nila mas makislap na sila
Mas makapagbibigay ng liwanag sa maraming nangangapa na lang
Napapagod ng tumaga at hindi na nangangarap.


Dyord
Hunyo 25, 2016






No comments: