Tuesday, February 28, 2017

Pagtingin ng Project PAGbASA

 Pagtingin ng Project PAGbASA sa taong 2017

Si Cervin habang nagkukuwento sa mga bata sa Sta. Maria, Isabela


Nakatingin at nilalayon ng Project ngayon ang pakikipag-ugnayan sa mga komunidad. Ang mga sumusunod na komunidad ang gustong tutukan ng Project:

1.       Aeta Community sa Brgy. PutingKahoy, Rosario, Batangas

Hindi pa namin alam kung paano pero sana sa lalong madaling panahon ay makapag-conduct muli kami ng storytelling tungkol naman sa pangangalaga sa ngipin at personal hygiene. Sana makapag-raise na rin kami ng 50 hygiene kits(sabon, shampoo, toothpastes, and toothbruhes) para sa mga kabataan na naninirahan sa PutngKahoy. Sana rin ay makapag-conduct ng isang medical-dental mission sa kanilang komunidad.

2.      Gawad-Kalinga Village sa Brgy. Banay-Banay, Padre Garcia, Batangas

Ayun, in partnership with Batch 71 at GK Village Community; ay maglulunsad kami ng Aral, Agad-Agad na isang early literacy summer class program para sa mga 4-6 years old na may kasama pang disaster preparedness. Mag-iinvite kami ng mga totoong bumbero at pulis! Nangungumbida rin kami ng volunteer storytellers. May kakausapin din kami na isang foundation para sumagot sa foods. Pagkatapos ng event, magbibigay ang Project PAGbASA ng aklat sa mga 6 years old at magbibigay naman ng school supplies ang Batch 71 sa mga magiging mag-aaral ng Aral, Agad-Agad!

Balak din naming mag-conduct ng storytelling session sa mga bata tungkol naman sa farming at environment. Meron din kasi kaming communal vegetable garden sa GK Village sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program. Nakikita na rin kasi naming isang family bonding ang farming doon lalo na kung Sabado at Linggo. Naghahanap din kami ng storytellers na willing mag-farming-farming sa umaga. Tara?!

3.      Eco-Trail sa Brgy. Bawi, Padre Garcia, Batangas

Inaayos din kasi ng Sustainable Livelihood Program ang Eco-Trail sa  Brgy. Bawi. Ngayon, ang nakita naming problema, kada magsasagawa ng tree planting activity doon at malilipasan ng tag-ulan ay nadadawagan ng makapal. Edi, ipapatabas ng baranggay, hindi naman ma-identify ng mananabas alin ang sapling at alin ang weeds; so tabas lahat. Walang lumalaki na puno. L

Kaya naman naisip namin, kasama ng Baranggay Government at Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Padre Garcia na ilunsad ang 3Ps o Punuin ng Puno Program sa Bawi Eco-Trail. Paano ito mangyayari? Storytelling sessions sa Bawi Elementary School para himukin ang mga mag-aaral na magtanim ng isang puno kada grupo o kada klase; papaltakan ng MENRO ang mga site kung saan makakalaki ang puno, at ito ang babalikan ng klase para dawagan pagkalipas ng isang buwan.


Kaya kailangan namin ng mga aklat tungkol sa pagtatanim ng puno at gayundin ng volunteer storytellers! Mga bandang Hulyo pa ang target implementation namin para salo ang tubig ng tag-ulan. Sana kahit isa man lang ay matupad dito. Sana makatulong ka namin!

Saturday, February 25, 2017

Ang Tanging Barahang Wala Ako

Mataas na raw ang kolesterol ni Tita Nel kaya naglakad na lang kami papuntang Gawad Kalinga, para ehersisyo na rin. Pero ang totoo nagtitipid lang talaga ako sa pamasahe. Naisipan kong tawagan si Tsang Lorie para kumustahin. Unang dial ko; walang sumagot. Ikalawang dial ko; wala pa rin. Ikatlo, ayan uubo-ubong sumagot, “Ginoo.”

“May sakit ka?!” bungad ko. Patanong na pagulat. Siya raw ay yata’y may trangkaso.  Hindi nga raw s’ya pumasok ng opisina. Hindi raw n’ya sinabi kay Ser Donards. Pano, wala kaming sick leave. Kapag absent ka, wala ring sasahurin ng araw na ‘yun. Nanghinayang din siguro sa isang libong kaltas. Nakakaawa naman si Tsang, matatambakan ng trabaho. Ang dami-dami pa namang dapat matapusan.

Kinahuwebesan, nakasama na namin si Tsang Lorie sa isang meeting. Nagpumilit nang pumasok.  Nakakatawa ang pagao n’yang boses. Lalo na kapag lalaksan ang sinasabi. Para lang naghihingalo  sa teleserye. Makakapagpahinga naman s’ya ngayong weekends pero nangulit pa rin ako nitong weekends dahil sa mga problema sa proyekto. Pulpol ang supp-liar. Pangit ang kalidad ng mga ibibigay sa’ming mga baboy kaya isinumbong ko kay Tsang. Bumalik pala ulit ang sama ng kanyang pakilasa.

Lumipas muli ang isang linggo; nasa Quezon City ako nang tawagan ko ulit si Tsang para sabihing nagpapatawag ng pulong si Mam Galela tungkol sa proyekto. Uubo-ubo na naman. Galing daw sila ng baranggay ni Mildred pero s’ya’y papunta nang ospital para magpatingin at di na raw n’ya kaya. Ako na lang daw ang umattend ng gradweysyon ng mga batang nag-aral ng manufacturing tech sa Cavite. “Uwo,”  ‘kako’t balitaan na lang ako kung anong advise ng duktor.

Nagpa-admit na nga si Tsang sa Doctor’s nang mag-isa.  Maraming tests daw ang ginawa sa kanya. ‘sin dami rin ng aming work load ang findings: over fatigue, UTI , hypertension, may sa baga, at may sa puso rin yata.  Malaki rin ang bill sa ospital, isang buwang sweldo. Nakatulong naman ang PhilHealth na makabawas ng ilang libo. “May health card ka?”, ‘ka ko. “Linsyak! Wala nga!” sabay tawa ni Tsang.

Nagsabi na rin si Mama na inoobserbahan s’ya ng duktor bago pa lumala ang sakit n’ya. Nag-iisip na rin akong magpadentista bago pa masira ahat ng ngipin ko at maging sakit ng ulo. Nagre-research na ang mga katrabaho ko ng mga abot-kayang health card. Nasa bente-kwatro mil kapag may dependent na isa. Parang lalo akong magkakasakit sa presyo. May dumating na e-mail mula sa Region, magkaka-health card na kami ‘yung ikalawa sa pinakamababang package pero kami rin ang magbabayad. Self-employed kasi kami by category.


May dumaan na nag-alok ng isang taong membership card sa isang Spa. Hindi ako interesado noong una. Pero nang nasabing may free na body massage at diamond peel + discount coupons sa halagang 399 pesos; kumuha na agad ako ng isa. 

Thursday, February 23, 2017

Iwas-Puso

Mga ilang linggo na ring bukambibig ang #Pag-ibig sa Sunday School.

Mga ilang Linggo na rin akong late. Nitong minsang nahuli ako ay walang pagpipilian kundi umupo sa unahan. Literal na nahuhuling nauuna. Nag-aadjust pa lang ang body temp ko mula sa init sa labas, at nagno-normalize pa lang ang heartbeat ko, ay na-ambush question na ako ni Mrs. D:

“Jord, ilang taon ka na?”

“Uhh..tweni-three?” Parang taga-call sener lang ang aksent ko na may bahagyang pagtaas ng makapal kong kilay dahil may inaasahan na kong isa pang tanong.

“Anong age mo ipinagpe-pray magka-girlfriend?”

“Tsss...”  Para lang akong sumingaw na gulong.

“May ipinagpe-pray ka ba?”

“Scholarship po” kako.

Biglang kambyo si Mrs. D. Bilib naman daw sa amin si Mrs. D dahil nakatingin kami sa malayo. Malayo talaga. Malayong magka-girlfriend sa buhay ko ngayon. “Kung wala, ay di wala” na nga rin yata ang binigay sa’king life verse. Hindi ko naman feels na kulang ako. Hindi ko rin nakikitang it’s a must-have. Hindi na nga rin ako minsan nagpe-pray sa sobrang pagod.

Umawas ako kena Mrs. P. para sabay-sabay na mananghalian nina Nikabrik, Alquin, at E-boy. Naririnig kong nag-uusap ng mahina sina Pastor Abner at Mrs. P. Maya-maya pa ay nagsalita na si Mrs.  P. Ibilin na lang daw muna ni E-boy ang growth group n’ya kay Kerstine at umattend daw kami ng Heart’s Day ng mga Singles. Hindi naman na raw kami hayskul.

Naku, ang salitang nasa isip namin. Hindi raw puwedeng ihabilin ni E-boy ang grwoth group n’ya. Hindi rin ako puwede kako’t pagkatapos ng service ay may partnership meeting ako. Hindi rin puwede si Nikabrik at magde-debut ang kapatid. Hindi ko alam kung anong naging alibi ni Alquin. Siguro kung ibang hugis ng araw. Pero seryosong may partnership meeting ako.

Dumalaw naman ako sa simbahan nina Roy nung hapon. Napangiti ako sa tinalakay na mukha ng pag-ibig sa maliit na kapulungang ito sa Maligaya St.- pag-ibig sa tinubuang lupa. Malinaw ang mensahe: igalang ang mga nasa kapangyarihan ngunti panindigan ang katuwiran! Nagkaroon pa ng small group discussions kung paano maipapakita ang pagmamahal sa bayan. Sasabihin ko sana na taas kamao para sa Scarborough! May mga bisita nga palang Intsik , so ano na lang; pakikibahagi at pakikialam sa mga proyekto ng pamahalaan ang sinabi kong halimbawa ng pagmamalasakit sa bayan.

Pagkatapos ng ikatlo kong simba nang Linggong iyon, kumain kami nina Nikabrik, Alquin, at Roy, ng isaw, siomai,  at pagkatapos ay  nag-kape sa 7-11. Nag-usap tungkol sa investments, projects, at career paths. Mas maigsi na nga lang ang kuwetuhan ngayon kasi kailangan na ring maghiwa-hiwalay para maghandang muli para sa isang linggo na namang work of heart.


Tuesday, February 21, 2017

Kahit Isang Araw lang



Kahit isang araw lang
Gigising ako ng pasado alas-nuwebe
Hindi magkukumahog
Mas makapag-iin-in pa ng tulog
Walang kailangang linising bahay
Walang kailangang labhang tubal
Walang baranggay na bababaan
Walang komunidad na kakausapin
Sarili ko lang
muna.

Mamaluktot sa higaan 
ng kungsino.
Manlamig sa simoy ng Mabitac
Magtalukbong ng kumot
Na di kilala ang salat at samyo
Bumangon lang kung kumakalam na
Magdiwang kasama ng tsokolate't kape
Tanawin ang abalang palayan
Mula sa nahahamugang bintana
Bumasa ng hindi panakaw
Sumulat nang walang nadaramang diin.

Ako lang
sa ikalawang palapag
ng bahay sa itaas ng burol.
Kahit isang araw lang.


#





Monday, February 13, 2017

Mula Boarding House hanggang sa Apartment

Kakabawi ko lang ng Sabado mula sa gobyerno, at ang sarap maglinis ng bahay. Ihinalwas ko lahat ng gamit mula sa sala at sa kwarto, dun sa daanan papuntang kusina. Naglalampaso kasi ako ng sahig at nagwawalayway ng mga agiw sa kisame. Habang tinitingnan ko yung kalat-kalat kong mga gamit na para akong ninakawan at di alam kung san mag-uumpisa, tumunog ang cellphone ko. Mariah Keri Lang...Calling...

Napabuntong-hininga lang ako. Ano ka ga?! Bakit di ka man lang nagsabing uuwi ka kahit kagabi man lang! Ang dami kong linisin! Ang konti lang ng pera ko! Pero naisip ko rin na Setyembre ng nakalipas na taon pa kami nagpaplanong magkita-kita. Kapag uuwi siya, lagi rin akong walang pera. Kapag may pera naman ako, di naman siya nauwi. Siya ka na! Siya ka na! Anong oras?! Sa  Chowking, mga 11 ng tanghali. Magkikita-kita kami para dalawin ang bagong panganak na si Rosanna. Sige na, alang-alang sa bata.

Mula Padre Garcia, Batangas ay pinilit kong makarating ng Candelaria, Quezon nang mas maaga sa takdang oras. Apat na sakay ako pero nauna pa rin ako kay Ara at Ate Tin na taga-roon lang. Galeng, hindi na ako natutuo. Mga 11 minutes before 12 dumating si Ara, nakakain na 'ko ng tanghalian. Mas magaling si Ate Tin. Dumating siya ng mga 11 minutes before 2. Walang nagbago.

Si Rosanna pala ay nangungupahan sa isang baranggay din sa Candelaria. Kaklase't kaibigan din naman namin, si Hawen, ang may kagagawan sa batang si Sky. Mga isang buwan pa lang pala si Sky at babae pala s'ya. Nagtatrabaho si Hawen sa Kagawaran ng Pagsasaka sa lokal ng Candelaria.

Si Ara naman ay nagtatrabaho pa rin sa Quezon City, sa Central Office ng Kagawaran ng Pangkahayupan. Akmang-akma. Minsan, tumatama ang sweldo pero madalas, sumasala. Job-order siya sa Communications Department pero hindi man lang ako cinommunicate na uuwi pala para makapag-budgeting naman ako. Minsan lang din tuloy s'ya makauwi ng probinsya.

Si Ate Tin, isang instructor sa Southern Luzon State University sa Tiaong, contractual position. Madalas sumasala ang sweldo at talagang bumabaon sa utang. Mga tatlong buwan ang pinakamatagal na walang susuwelduhin. Kakakuha lang niya ng scholarship grant for Masteral, at kakaresign lang din pala niya kaya di alam kung maitutuloy ang pag-aaral o babalik sa paaralan sa susunod na sem. Napuno na siguro sa palakad ng aming Inang Paaralan.

Namili kami ng panregalo. Nahirapan kaming mag-isip ng peg e. Hindi akmang tatlong haring mago. Hindi rin bagay na tatlong fairy godmother, hindi kasi kami papayag na sleeping beauty si Anna. Wala akong alam na klasik na kuwento o alamat na magkakaibigan na may babae't lalaki, lahat puro babae o puro lalaki. Tatlong kawani ng gobyernong martir, 'yun na lang. 

Bumili ako ng saging para may ma-convert naman na gatas si Anna. Ang tanong: Gatas kaya lumalabas dun? Sosyal si Anna e kaya baka Barako Brew ang dinedede ni Sky. Bumili si Ara ng mga baby bath at lotion. Ang tanong: di kaya si Anna ang gumamit n'yan? Ano ka ba, bihira maligo 'yun. Nagkansasamid na siguro si Anna ngayon. Habang namimili, paulit-ulit si Ara na gusto na rin n'yang magka-baby. Ang tanong: babae ka ba? 

Nagkukuwento si Ate Tin na nag-away daw sila ng asawa n'ya bago siya nakaalis. Kami na lang daw dalawa ni Ara ang wala pang asawa. Wala naman akong nararamdamang pressure, sa totoo lang. Si Ara ay may Tito, ay boypren pala. "Ano ba yan, sa naririnig ko sa inyo, parang ayoko na tuloy mag-asawa", malungkot na sinabi ni Ara. Ang tanong: mahal ka ba? Ang tanong: may balak bang pakasalan ka? Ang tanong: baka ikaw lang ang may gustong mag-asawa?

Ngayon na lang ulit ako humalakhak nang matagal. Iba ang tapon ng mga punchlines pag sila ang kasama ko. Solid. Hindi ako nangingimi. Hinubad ko muna ang logo ng Kagawaran ngayong araw. Baby Sky, 'wag gagayahin ang mga Tito at Tita na bully sa isa't isa.

May kakainin kaya tayo kena Anna? Ano ka ba? Ano bang alam lutuin ni Anna? Pagdating kena Anna, ang daming mga pangbabae at pangnanay na tanong na sinagot ni Anna. Ipinalangin namin ang pinagsalu-saluhang litsong manok at pati na rin ang may bahay. Halos maitaob namin ang isang rice cooker sa pinagsanib-pwersa naming lakas ng mga kawani ng gobyernong matagal bago makasuweldo. 

Ang bilis ng panahon, dati si Hawen at si Emma ngayon si Hawen at Anna na! Ang bilis ng panahon, may love life na rin si Emma. Ang bilis kako ng panahon, dati nangungupahan lang kayo sa boarding house, ngayon sa apartment na. Ang bilis na nakakagulat na ganito na pala ang nangyari matapos ang tatlong taon pagkatapos ng graduation.

Hanggang sa muli mga kaibigang kulisap, matatagalan siguro ang susunod na pagkikita pero mabilis lang din naman ang panahon. 


Thursday, February 9, 2017

Pebrero 09, 2017

Nakakainiiiiiiiiiishh!

Iritang-irita ako sa siste ng admin namin. Si Ate Cars tuloy ang napag-abutan ng mga hinapong ko sa buhol-buhol, mali-mali, pangit-pangit, nilang mga direktiba. Mga admin concerns na walang concern sa ginagalawan naming kalindaryo. Deadline ng bagong update ng PDS. Dealine ng BIR forms. Deadline ng IPC. Kasabay ng deadline ng proposals. Patayin nyo na lang ako, see attach file for the kutsilyo. 'yung mga forms na ngayon mo lang nakita, tas ipa-fill up at 'yung instruction ay tila magde-decode ka pa ancient texts. 

Niremind ako ni Ate Cars ng magic word "Ganun talaga." Nakakairita lang ganun na lang lagi? Bago matapos ang taon sinabi nilang aayusin nila ang admin nila. Bakit lalong gumugulo? Ganun talaga, kahit lumipat pa 'ko ng opisina, ng posisyon, ng designasyon. Nagtiya-tiyaga naman kami, pero ayusin n'yo naman minsan.

Nag-aaupdate na'ko ng Resume.

Dyord
MSWDO
Pebrero 09, 2017

Wednesday, February 8, 2017

Haberdey Roy!

Oi,

Ano?

Ano na?!

Maligaya naman ako't naranasan mo na yung kalayaan mula sa inayawan mong trabaho. Tuturuan kita ng magic. Kapag may nakita kang mali sa siste at labas sa maliit at kabyos mong kapangyarihan, sabihin mo lang ang magic word na "Ganun talaga." At wala ngang mangyayari sa siste.

May self-inflicting damage yang magic na yan. Laging may nagsasabing hindi puwedeng "Ganun talaga" na lang lagi. Laging may pagaw na tinig na sumisigaw ng katarungan. Laging may sumisigaw para sa pantay na karapatan. Laging may aktibistang kulay-atsuete at lagablab ng labuyong nagpupuyos sa loob natin. Kapag narinig mo 'yun, sigawan mo siya pabalik ng "puro ka sigaw, may sagot ka ba?." Ngayon, kung hindi na siya sumigaw pabalik, sabihin mo ulit sa kanya yung magic word.

Maligaya ako at malaya ka na. Sana makita mo na yung para sa'yo talaga. 'yung hindi ka masasaktan. 'yung hindi lang ikaw yung nagbibigay importansya. Pero alam mo tama si Ms. Uge sa Ang Babae sa Septic Tank 2 e, "Walang nagmahal nang hindi nasaktan. Walang nasaktan nang hindi nagmahal." Ganun talaga kapag mahal mo 'yung trabaho mo. Sana makakita ka na nang trabahong handa kang masaktan pa.

Kung anoman ang gusto mong tahakin sa buhay, mapa-pulis man kahit na sing taba mo lang yung batuta, mapa-bumbero man kahit tarantahin ka pa, mapa-gobyerno o pribado man, mapa-presidente man, susuportahan ka namin at magiging masaya kami basta mahal mo. 

Basta no to EJK ha. JK.

Sana magbawas ng gastos kung hindi talaga kailangan. Sana makapag-isip para sa mas malapit nang bukas. Sana mas maging disiplinado. Actually, tayo. Maligaya ako dahil inuutay mo na ang ating Korean Dream, daan tungo sa disiplina na nga ang tinatahak mo. Balita ko masidhing manalangin ang mga kapatid nating Koreano kaya sana pagdating mo ron ay 'wag kaligtaang ipanalangin kami at gayundin naman kami sa'yo. Mas sipagan mo ang pananalangin kaysa sa games. Actually, tayo.

Uunahan na pala kita, hindi ka namin ihahatid sa airport. Mabilis ka kasing maka-move on, baka oks na oks ka na sa Korea samantalang kami nami-miss ka. Kaya dapat yung vibes ng pag-alis mo parang nasa pabrika sa Batangas ka lang. Iba-block muna kita sa Facebook. Saka na lang ulit kita ia-add kapag malapit ka nang umuwi.

Baka pagbalik mo, marami nang magbago. Alam mo naman kayang gawain ng oras at espasyo. Pero sana magkaibigan pa rin naman tayo. Maligaya ako at kaarawan mo kapatid!

Nagpapasalamat sa'yong pagiging ikaw, 

Kuya Dyord
White House
Pebrero 06, 2017



P.S. 

Kung naghahanap ka ng memory verse, edi magbuklat ka ng Bible.


Monday, February 6, 2017

Pebrero 03, 2017

Biyernes ng gabi. Kalamig ng hangin ng bagong pasok na Pebrero. Naka-shorts at sando ako, niyayapos ng alampay. Pinapainit ng kape.

Nasa harap ng White House. Nagmumuni sa gitna ng dalawang puting haligi. Kakatapos lang manood ng Ponyo, isang pelikula ni Hayao Miyazaki. Nag-iisip lang how humanity can be both disgusting and amazing. Sandaling iisiping "sana love" na nga lang. Na walang kinikilalang panahon. Na walang kinakahon. Na kayang magpahupa sa alon.

Salamat sa regalong buhay. Na kahit Ilang beses nang binuksan, marami pa ring misteryong laman.

Dyord
Pebrero 03, 2017
White House

Friday, February 3, 2017

Saling Kits



Maigsing kuwento lang.

Maganda ang sikat ng araw ngayon, binasag ang sunud-sunod na araw na makulimlim at maulan. Tamang-tama para sa awarding ceremony namin ng mga starter kits sa samahan ng mga manininda sa bulante at palengke.

Ang proyektong inilunsad ay pagsasanay ng mga manininda tungkol sa food handling and sanitation para siguraduhing malinis ang kanilang mga paninda lalo na kung pagkain, sa basic accounting at financial literacy para sa kanilang pananalapi. Makakatanggap din sila ng starter kits kung saan ay huhulugan nila ito nang paunti-unti at ang matitipong salapi ay magiging pondo ng kanilang samahan na maari namang ipahiram na puhunan sa mga kasapi. Nakatanaw ang Programa na mababawasan ang mga gumagalang may bitbit na notbuk sa palengke dahil kaya nang suportahan ng magiging pondo ng samahan ang kanilang mga kasapi.

Medyo matagal nag-umpisa ang awarding. Ang dami pang hinintay. Nakaupong humilera sa unahan ang mga konsehales ng bayan, kahilera ni Mayor at ni Vice. May mga dumating pa na ikinagulat ko ang kanilang presensya. Hindi ko alam kung anong ganap nila sa proyekto. Bottom-Up budget ito, mula sa baba-pataas; ang proyekto ay dapat inisyatiba ng mamamayan at pinondohan ng Pambansang pamahalaan.

Ang daming binabati ng nagpapatakbo ng awarding. Kada may hahawak sa mikropono, uuliting babatiin ang mga nakaupo sa unahan kahit nabati na nung unang nagsalita. Humawak din ako ng mikropono bilang kinatawan ng Programa. Sinabi kong tapos na ang panahon ng mga benepisyaryo. “Hindi kayo benepisyaryo lang, kabahagi kayo.” Ang benepisyaryo ay tagatanggap lang; ang kabahagi ay may kaakibat na responsibilidad. Kapag pumalpak ang proyeto, palpak din kayo. Kapag nagtagumpay, edi tagumpay din ng gobyerno; dahil proyekto natin ito, 'ka ko.

‘yung mga nagsalita, lahat papuri kay Mayor. Kesyo mabait si Mayor. Kesyo guwapo si Mayor. Kesyo magaling si Mayor. Ang mga tao palakpak lang nang palakpak. Hinahanap ko ‘yung mga nagtrabaho talaga para sa proyekto. Hindi man lang sila nakahawak ng mikropono. Dumating pa ang lokal na media. “Ser, parini ka, tumabi ka kay Mayor,” sabi ni Ate Fe at magpipiktyuran na. Halos natabunan na ang mga starter kits sa dami ng nagpapiktyur. Hindi ako makangiti ng maayos kahit pilitin ko pa. Parang nag-lock ang panga ko. Parang ayaw sumunod ng pisngi ko. 

Pagkatapos ng seremonyas, ang patuloy na tatrabaho naman nito ay ‘yung hindi naman nakakahawak ng mikropono. Kinabukasan, may ilang bumalik para sa kanilang mga hinaing. Kesyo nababasa ang kanilang paninda kapag naulan. Kesyo mabigat daw ang araw-araw na hulog. Kesyo pahirap daw sa mga manininda. 

Sila rin 'yung mga taong pumalakpak nang pumalakpak.

#



Thursday, February 2, 2017

Naka-Leave Ako, Sori.

Pasahan na ulit ng project proposals ngayong ikalawang linggo ng Pebrero.

Dapat makapagsumite na kami ng mga mungkahing proyekto para sa taong 2017 na nagkakahalaga ng mga isang milyong piso. Wala pa akong naisusulat. Puro nasa isip at puso ko pa. Wala pang nasa papel. Ang mantra ko, "mag-invest naman kayo ng time para sa research at consultation."

Bago kasi maibaba ang pera ng gobyerno, kailangan talaga may katapat na itong mungkahing papel. Ang daming ek-ek na attachments na kailangan. Sa akin na lang walang naa-attach, bes! Sabi ni Tsang, mag-cluster meeting daw kami ng Feb.14 para sa technical coaching sa pagsusulat ng proposal. "Ay, naka-leave ako, sori."

Napangiwi si Tsang. Kulang na lang sabihin na "Weh?"

Wala nga pala akong lover. Wala rin nga pala kaming leave. Lahat kami sa cluster ay single and ready to...

Work. 

(*Rihanna music plays)



Dyord
MSWDO
Pebrero 02, 2017