Friday, February 3, 2017

Saling Kits



Maigsing kuwento lang.

Maganda ang sikat ng araw ngayon, binasag ang sunud-sunod na araw na makulimlim at maulan. Tamang-tama para sa awarding ceremony namin ng mga starter kits sa samahan ng mga manininda sa bulante at palengke.

Ang proyektong inilunsad ay pagsasanay ng mga manininda tungkol sa food handling and sanitation para siguraduhing malinis ang kanilang mga paninda lalo na kung pagkain, sa basic accounting at financial literacy para sa kanilang pananalapi. Makakatanggap din sila ng starter kits kung saan ay huhulugan nila ito nang paunti-unti at ang matitipong salapi ay magiging pondo ng kanilang samahan na maari namang ipahiram na puhunan sa mga kasapi. Nakatanaw ang Programa na mababawasan ang mga gumagalang may bitbit na notbuk sa palengke dahil kaya nang suportahan ng magiging pondo ng samahan ang kanilang mga kasapi.

Medyo matagal nag-umpisa ang awarding. Ang dami pang hinintay. Nakaupong humilera sa unahan ang mga konsehales ng bayan, kahilera ni Mayor at ni Vice. May mga dumating pa na ikinagulat ko ang kanilang presensya. Hindi ko alam kung anong ganap nila sa proyekto. Bottom-Up budget ito, mula sa baba-pataas; ang proyekto ay dapat inisyatiba ng mamamayan at pinondohan ng Pambansang pamahalaan.

Ang daming binabati ng nagpapatakbo ng awarding. Kada may hahawak sa mikropono, uuliting babatiin ang mga nakaupo sa unahan kahit nabati na nung unang nagsalita. Humawak din ako ng mikropono bilang kinatawan ng Programa. Sinabi kong tapos na ang panahon ng mga benepisyaryo. “Hindi kayo benepisyaryo lang, kabahagi kayo.” Ang benepisyaryo ay tagatanggap lang; ang kabahagi ay may kaakibat na responsibilidad. Kapag pumalpak ang proyeto, palpak din kayo. Kapag nagtagumpay, edi tagumpay din ng gobyerno; dahil proyekto natin ito, 'ka ko.

‘yung mga nagsalita, lahat papuri kay Mayor. Kesyo mabait si Mayor. Kesyo guwapo si Mayor. Kesyo magaling si Mayor. Ang mga tao palakpak lang nang palakpak. Hinahanap ko ‘yung mga nagtrabaho talaga para sa proyekto. Hindi man lang sila nakahawak ng mikropono. Dumating pa ang lokal na media. “Ser, parini ka, tumabi ka kay Mayor,” sabi ni Ate Fe at magpipiktyuran na. Halos natabunan na ang mga starter kits sa dami ng nagpapiktyur. Hindi ako makangiti ng maayos kahit pilitin ko pa. Parang nag-lock ang panga ko. Parang ayaw sumunod ng pisngi ko. 

Pagkatapos ng seremonyas, ang patuloy na tatrabaho naman nito ay ‘yung hindi naman nakakahawak ng mikropono. Kinabukasan, may ilang bumalik para sa kanilang mga hinaing. Kesyo nababasa ang kanilang paninda kapag naulan. Kesyo mabigat daw ang araw-araw na hulog. Kesyo pahirap daw sa mga manininda. 

Sila rin 'yung mga taong pumalakpak nang pumalakpak.

#



No comments: