Monday, February 13, 2017

Mula Boarding House hanggang sa Apartment

Kakabawi ko lang ng Sabado mula sa gobyerno, at ang sarap maglinis ng bahay. Ihinalwas ko lahat ng gamit mula sa sala at sa kwarto, dun sa daanan papuntang kusina. Naglalampaso kasi ako ng sahig at nagwawalayway ng mga agiw sa kisame. Habang tinitingnan ko yung kalat-kalat kong mga gamit na para akong ninakawan at di alam kung san mag-uumpisa, tumunog ang cellphone ko. Mariah Keri Lang...Calling...

Napabuntong-hininga lang ako. Ano ka ga?! Bakit di ka man lang nagsabing uuwi ka kahit kagabi man lang! Ang dami kong linisin! Ang konti lang ng pera ko! Pero naisip ko rin na Setyembre ng nakalipas na taon pa kami nagpaplanong magkita-kita. Kapag uuwi siya, lagi rin akong walang pera. Kapag may pera naman ako, di naman siya nauwi. Siya ka na! Siya ka na! Anong oras?! Sa  Chowking, mga 11 ng tanghali. Magkikita-kita kami para dalawin ang bagong panganak na si Rosanna. Sige na, alang-alang sa bata.

Mula Padre Garcia, Batangas ay pinilit kong makarating ng Candelaria, Quezon nang mas maaga sa takdang oras. Apat na sakay ako pero nauna pa rin ako kay Ara at Ate Tin na taga-roon lang. Galeng, hindi na ako natutuo. Mga 11 minutes before 12 dumating si Ara, nakakain na 'ko ng tanghalian. Mas magaling si Ate Tin. Dumating siya ng mga 11 minutes before 2. Walang nagbago.

Si Rosanna pala ay nangungupahan sa isang baranggay din sa Candelaria. Kaklase't kaibigan din naman namin, si Hawen, ang may kagagawan sa batang si Sky. Mga isang buwan pa lang pala si Sky at babae pala s'ya. Nagtatrabaho si Hawen sa Kagawaran ng Pagsasaka sa lokal ng Candelaria.

Si Ara naman ay nagtatrabaho pa rin sa Quezon City, sa Central Office ng Kagawaran ng Pangkahayupan. Akmang-akma. Minsan, tumatama ang sweldo pero madalas, sumasala. Job-order siya sa Communications Department pero hindi man lang ako cinommunicate na uuwi pala para makapag-budgeting naman ako. Minsan lang din tuloy s'ya makauwi ng probinsya.

Si Ate Tin, isang instructor sa Southern Luzon State University sa Tiaong, contractual position. Madalas sumasala ang sweldo at talagang bumabaon sa utang. Mga tatlong buwan ang pinakamatagal na walang susuwelduhin. Kakakuha lang niya ng scholarship grant for Masteral, at kakaresign lang din pala niya kaya di alam kung maitutuloy ang pag-aaral o babalik sa paaralan sa susunod na sem. Napuno na siguro sa palakad ng aming Inang Paaralan.

Namili kami ng panregalo. Nahirapan kaming mag-isip ng peg e. Hindi akmang tatlong haring mago. Hindi rin bagay na tatlong fairy godmother, hindi kasi kami papayag na sleeping beauty si Anna. Wala akong alam na klasik na kuwento o alamat na magkakaibigan na may babae't lalaki, lahat puro babae o puro lalaki. Tatlong kawani ng gobyernong martir, 'yun na lang. 

Bumili ako ng saging para may ma-convert naman na gatas si Anna. Ang tanong: Gatas kaya lumalabas dun? Sosyal si Anna e kaya baka Barako Brew ang dinedede ni Sky. Bumili si Ara ng mga baby bath at lotion. Ang tanong: di kaya si Anna ang gumamit n'yan? Ano ka ba, bihira maligo 'yun. Nagkansasamid na siguro si Anna ngayon. Habang namimili, paulit-ulit si Ara na gusto na rin n'yang magka-baby. Ang tanong: babae ka ba? 

Nagkukuwento si Ate Tin na nag-away daw sila ng asawa n'ya bago siya nakaalis. Kami na lang daw dalawa ni Ara ang wala pang asawa. Wala naman akong nararamdamang pressure, sa totoo lang. Si Ara ay may Tito, ay boypren pala. "Ano ba yan, sa naririnig ko sa inyo, parang ayoko na tuloy mag-asawa", malungkot na sinabi ni Ara. Ang tanong: mahal ka ba? Ang tanong: may balak bang pakasalan ka? Ang tanong: baka ikaw lang ang may gustong mag-asawa?

Ngayon na lang ulit ako humalakhak nang matagal. Iba ang tapon ng mga punchlines pag sila ang kasama ko. Solid. Hindi ako nangingimi. Hinubad ko muna ang logo ng Kagawaran ngayong araw. Baby Sky, 'wag gagayahin ang mga Tito at Tita na bully sa isa't isa.

May kakainin kaya tayo kena Anna? Ano ka ba? Ano bang alam lutuin ni Anna? Pagdating kena Anna, ang daming mga pangbabae at pangnanay na tanong na sinagot ni Anna. Ipinalangin namin ang pinagsalu-saluhang litsong manok at pati na rin ang may bahay. Halos maitaob namin ang isang rice cooker sa pinagsanib-pwersa naming lakas ng mga kawani ng gobyernong matagal bago makasuweldo. 

Ang bilis ng panahon, dati si Hawen at si Emma ngayon si Hawen at Anna na! Ang bilis ng panahon, may love life na rin si Emma. Ang bilis kako ng panahon, dati nangungupahan lang kayo sa boarding house, ngayon sa apartment na. Ang bilis na nakakagulat na ganito na pala ang nangyari matapos ang tatlong taon pagkatapos ng graduation.

Hanggang sa muli mga kaibigang kulisap, matatagalan siguro ang susunod na pagkikita pero mabilis lang din naman ang panahon. 


No comments: