Saturday, February 25, 2017

Ang Tanging Barahang Wala Ako

Mataas na raw ang kolesterol ni Tita Nel kaya naglakad na lang kami papuntang Gawad Kalinga, para ehersisyo na rin. Pero ang totoo nagtitipid lang talaga ako sa pamasahe. Naisipan kong tawagan si Tsang Lorie para kumustahin. Unang dial ko; walang sumagot. Ikalawang dial ko; wala pa rin. Ikatlo, ayan uubo-ubong sumagot, “Ginoo.”

“May sakit ka?!” bungad ko. Patanong na pagulat. Siya raw ay yata’y may trangkaso.  Hindi nga raw s’ya pumasok ng opisina. Hindi raw n’ya sinabi kay Ser Donards. Pano, wala kaming sick leave. Kapag absent ka, wala ring sasahurin ng araw na ‘yun. Nanghinayang din siguro sa isang libong kaltas. Nakakaawa naman si Tsang, matatambakan ng trabaho. Ang dami-dami pa namang dapat matapusan.

Kinahuwebesan, nakasama na namin si Tsang Lorie sa isang meeting. Nagpumilit nang pumasok.  Nakakatawa ang pagao n’yang boses. Lalo na kapag lalaksan ang sinasabi. Para lang naghihingalo  sa teleserye. Makakapagpahinga naman s’ya ngayong weekends pero nangulit pa rin ako nitong weekends dahil sa mga problema sa proyekto. Pulpol ang supp-liar. Pangit ang kalidad ng mga ibibigay sa’ming mga baboy kaya isinumbong ko kay Tsang. Bumalik pala ulit ang sama ng kanyang pakilasa.

Lumipas muli ang isang linggo; nasa Quezon City ako nang tawagan ko ulit si Tsang para sabihing nagpapatawag ng pulong si Mam Galela tungkol sa proyekto. Uubo-ubo na naman. Galing daw sila ng baranggay ni Mildred pero s’ya’y papunta nang ospital para magpatingin at di na raw n’ya kaya. Ako na lang daw ang umattend ng gradweysyon ng mga batang nag-aral ng manufacturing tech sa Cavite. “Uwo,”  ‘kako’t balitaan na lang ako kung anong advise ng duktor.

Nagpa-admit na nga si Tsang sa Doctor’s nang mag-isa.  Maraming tests daw ang ginawa sa kanya. ‘sin dami rin ng aming work load ang findings: over fatigue, UTI , hypertension, may sa baga, at may sa puso rin yata.  Malaki rin ang bill sa ospital, isang buwang sweldo. Nakatulong naman ang PhilHealth na makabawas ng ilang libo. “May health card ka?”, ‘ka ko. “Linsyak! Wala nga!” sabay tawa ni Tsang.

Nagsabi na rin si Mama na inoobserbahan s’ya ng duktor bago pa lumala ang sakit n’ya. Nag-iisip na rin akong magpadentista bago pa masira ahat ng ngipin ko at maging sakit ng ulo. Nagre-research na ang mga katrabaho ko ng mga abot-kayang health card. Nasa bente-kwatro mil kapag may dependent na isa. Parang lalo akong magkakasakit sa presyo. May dumating na e-mail mula sa Region, magkaka-health card na kami ‘yung ikalawa sa pinakamababang package pero kami rin ang magbabayad. Self-employed kasi kami by category.


May dumaan na nag-alok ng isang taong membership card sa isang Spa. Hindi ako interesado noong una. Pero nang nasabing may free na body massage at diamond peel + discount coupons sa halagang 399 pesos; kumuha na agad ako ng isa. 

No comments: