Kasama ako sa cluster 6 na technically hanggang
cluster 5 lang sa workplace. Galing kami sa iba't ibang clusters tapos madalas
lumabas together, ayon friends na. Ang diverse nga eh, mula age, gender,
interests, field of expertise; iba-iba.
As in, lagi-lagi na lang lumalabas. Magkasama na sa
trabaho, sa kain sa labas, sa mga okasyon, sa mga tambayan, minsan pati na rin
sa simbahan. Saulo mo na ang amoy ng isa. Kaya mo nang iimpersonate ‘yung isa.
Kaya mo nang asarin in less than 3 mins ‘yung isa.
Kina-classify ko yung mga lakad ng cluster 6 sa
dalawang category lang. Either loud or silent lang. Kapag silent ang lakad,
madalas naman sumasama ako. Kapag loud ang lakad, lagi akong tumatanggi. Kapag
kain sa labas, silent 'yan kaya madalas akong sumama. Kapag piyestahan, hindi
ako sasama kasi loud ang category n'yan. Kapag tambay lang at kape with cookies,
mabilis ako kasi silent 'yan. Kapag scrabble at halo-halo, sama rin ako kasi
silent yan dahil nag-iisip ka ng mga salita para maabot ang triple word score
bago matunaw ang halo-halo mo. Kapag sine, silent din yan. G lang.
Nang paalis na si Jaze papuntang UK para magpraktis
na ulit ng kanyang pagka nars, nagyaya silang maghapunan. Siyempre, despedida
naman 'yun kaya pupunta ako pero ang tindi ng hawak ni Tita Digna sa uniporme
ko pagkatapos ng meeting namin. Uuwi lang naman muna ako para tumae muna't
maligo. "Kilala mo ko," sabi ko pa sa kanya.
"’yun na nga e!" pinandilatan ako ng mata
ni Tita. Bumitaw lang s'ya nung nagpaalam ako kay Jaze na tatae lang talaga ako
sa bahay at maliligo tapos sunod na'ko sa SM. Hihintayin daw nila ako sa may
GPC, na halos ikalawa na naming opisina kapag may blackout trip ang Batelec.
Pinagaan ko lang ang tiyan ko para hindi naman ako
mahirapan. Pupunta rin talaga ako kasi sa isang araw pa ang suweldo at dry
dessert na naman ang grocery cabinet ko. Wala na rin akong bigas. Baka nga
mag-uwi pa ako ng matitira namin sa despidida.
Sagot naman ni Jaze pero di ba dapat sagot namin
dahil paalis na s'ya? May bitbit silang regalo, ako wala. Kailangan bang may
regalo sa mga padespidida? Hindi ko alam ang despedida rules kasi ngayon lang
naman ako nagkaroon ng kaibigang magtatrabaho sa abroad. Mabuti at may dala akong
maliit na aklat na sinulatan ko ng mga notes sa iba't ibang pahina. Naisip ko
lang na bagay kay Jaze 'yung aklat at maliit lang at hindi magpapabigat sa
kanyang bagahe.
Sabay-sabay kaming umalis ng GPC, nasa may food
court lang daw sina Ate Cars. Sa food court kaya kami, ang loud pero oks lang
marunong pa ko kay Jaze. Pero meeting point lang pala iyon at bumaba rin kami
at lumabas pa kami ng mall. Nang umakyat na kami ng overpass, biniro ko si
Jaze, "Sa La Corona (Hotel) ba ang pa-event mo?" Sumagot s'ya ng
"Oo" at sinagot ko rin ng "Wow" kasi hindi ako naniniwala.
Hanggang pumasok na nga kami ng La Corona. Sa KTV room pala kami malapit sa bar
and lounge ng hotel. Naghanda na ako sa loudness ng dinner namin.
Amoy sigarilyo pa ang KTV room pagpasok namin. Kami
nina Tita Digs, pumili na sa menu. Sila Mam Mildred at Alvin, pumili na sa
songbook. "Yey, kasama natin si Kuya Jord." Kuya kahit mas matanda
sa'kin si Jason. Ngayon lang din kami nakumpleto ulit na cluster 6. Si Tita
Digs, madalas masakit na ang tuhod. Si Ate Ruma, minsan umuuwi ng Mindoro para
kay Tin. Ako naman madalas subsob sa trabaho. Baka mag-comment si Tita Digs na
fake news ang previous sentences dahil hindi naman masakit ang tuhod n'ya at
hindi naman ako nagtatrabaho. Lagi raw kasi akong drawing, literally.
Dino-drawing nila 'yung mga wala tapos isasama sa groufie ‘yung drawing.
Pero bakit ako lang ang may reputasyon ng
"laging drawing"? Dapat kasi may guidelines kami sa eligibility para
matawag na "drawing". Dapat ang drawing ay 'yung umoo sa lakad pero
hindi naman sumama. Humihindi naman ako madalas ah. T'saka, kapag nagsisine ako
nang mag-isa, dino-drawing ko ba kayong lahat? Hindi naman ah. Pero hindi ko
naman sila masisisi, kasi may reputasyon naman talaga ako na laging wala at
bigla na lang nawawala.
(Nakalimutan kong isulat talaga si Popshie, ngayon
ko lang naalala after 2 years na binalikan ko ‘yung unfinished blogpost. Late batch
na s’ya pumasok sa Kagawaran. Kinaibigan lang nina Jaze tapos isama na ‘yan sa
cluster 6. May mga kabarkada tayo na hindi naman natin masyadong friend, hindi
naman sa ayaw natin sa kanila pero hindi lang talaga. For the sake of
inclusivity na lang talaga. Anyways, andun din pala s’ya sa loob ng KTV room.
At ka-power ballad ni Tita Cars.)
Fast forward. Matapos ang mahigit isang taon. Bumalik si Jaze
sa Pilipinas para magbakasyon yata. Marami nang wala sa work namin sa Kagawaran.
Nasa non-profit na ako. Si Tita Digs nasa corpo na. Sina Titas of Batangas
(Mildred, Cars, Ruma) nasa Kagawaran pa rin that time at totoong may cluster 6
na. At nasa KTV na naman kami ng La Corona getting louder than ever at wala
nang kaagaw sa mikropono sina Tita Mildred dahil nasa Australia na si Alvin. Nagbigayan
uli sila ng regalo, wala na naman akong dala. Constantly consistent ako.
Nagkuwento si Jaze ng mga bagay na dapat hindi kinukwento ng nars na galing sa
UK. Nauna akong umuwi dahil hinahabol ko pa ‘yung last trip.
Hindi na kami madalas nagkikita-kita nagyon,
siyempre. Wala na kong pagpili between loud or silent. May bago na rin akong
circle of friends. Sila rin naman at kailangan nila ‘yun para umusad. Ganun
talaga, hindi lahat ng cast nakakatawid sa susunod na season. May bagong
characters sa next chapters. Pero hindi ba sobrang bilis pala ng mga pagpapalit
na hindi mo namalayan may bago ka nang kasamang lumabas, iba na ‘yung kasama
mong magkape, iba na ‘yung kinapupuyatan mo; pero ikaw pa rin naman ‘yun at
sila pa rin ‘yung kaibigan mo kahit nasaang chapter or season man sila na hindi
ka na kasali.
Parang nangongolekta lang kayo ng pagkukuwentuhan.