Minsan nag-volunteer ako na sumama sa pagtuturo nina Ate Anj at Pastor Kris ng mga bata sa Candelaria. Kasama namin ang dalawang MJ - si MJ girl at si MJ boy. Baka kasi hindi nako makasama sa kanila kapag nagtrabaho na ulit ako.
Hindi ako nagtuturo sa mga bata kaya pansining volunteer taga-sama lang ako. Nag-obserba lang ako sa kanila. Tuwang-tuwa ang mga bata sa pa-kanta ni Ate MJ na paglubog ng arko ni Noe. Mas natuwa naman ang mga bata sa palaro ni Kuya MJ na lulubog ang arko ni Noe. Mekaniks: magsasama-sama ang mga bata sa bilang na sasabihin ni Kuya MJ. Parang group yourselves. Nabubuhay na talaga tayo sa kultura ng kalamidad at hindi magandang disaster response ang dibisyon at pagkakanya-kanya.
Tinuro ni Ate Anj ang classic na Tore ni Babel- ang government project na di natapos. Pano naman kasi yung mga politiko nun, nagyayabang na kaagad nang wala pang natatapos. Hindi rin nagkaintindihan ang mga tao noon. Nagkaroon din ng group yourselves; ng dibisyon. Parang hindi pa rin tayo natututo mula sa kuwento ng Tore ni Babel.
Maya-maya pa ay nagtanong na si Ate Anj. Napatawa at nagulat ako kay Ate Anj. Ito ang tanong n'ya: "Minsan naisip mo na ba kung bakit ka isinilang sa mundong ito?" Existential naman masyado kako para sa mga batang nasa edad na 5-8 years old. "Alam kong masyadong malalim pa ang tanong para sa inyo", bawi ni Ate Anj na tatawa-tawa rin.
"Purpose-Driven Life" sabi ng isang bata. Nawala ang pagtatawa ko. At bago ko pa matanong kung bata ba talaga si Bradley ay sumagot ulit siya. "Para sa layunin ng Diyos." Hindi ko pa nga nababasa ang totoong aklat ni Rick Warren na 'Purpose-Driven Life'; yung parang summary book lang nito ang nabasa ko. Super iksi lang. Nagulantang ako dahil parang noong walong taong gulang pa lang ako, ni wala pa yata akong common sense, samantalang si Bradley may nalalaman nang sense of purpose. Palabasa at palaging nasa honor roll pala si Bradley.
Ano bang layunin ko sa mga ginagawa ko? Kung hindi kasi layunin ng Diyos ang mga toreng tinatayo ko; e kahit anong pukpok ko hindi rin ako makatatapos.
Salamat Brad sa pagpapaalala!
No comments:
Post a Comment