Bumabalik na naman s’ya,
o bumabalik na naman ito?
Nagkaroon na’ko nito noong 3rd year high
school. Nagkukulong ako noon sa lumang banyo ng room
namin. Kebs na sa di umano’y masamang espiritu na namamalagi doon. Mas masama
ang nakakulubong sa’kin. Nawala rin ito nang mahiwalay ako ng section
noong 4th year. Ang naging solusyon ko lang: ‘wag masyadong
makipagkaibigan. Pero meron pa rin naman akong naging kaibigan. Nawala na lang
‘yung masamang espiritu na lumulukob sa’kin.
Nagkaroon na’ko nito noong 1st year college
ako. Kada alas-tres ng hapon sa dyip pauwi sa bahay ay bumibilis ag tibok ng
puso ko. Ang bagal ng pasok ng oxygen at ang tagal ng
paglabas, parang nanggagaling pa sa talampakan ko ‘yung hininga ko. Hirap din
akong makatulog noon at nagigising sa madaling araw. Nang bigla-bigla talaga,
parang ‘yung sa mga palabas sa t.v. pero hindi naman o.a. na parang
hinahapo-hapo pagkagising. Kung hindi alas-tres ng hapon ay alas-nuebe ng gabi
(9:12pm) ang pinaka matinding atake ng pagsisikip ng paghinga sa’kin.
May mga panahon pang nararamdaman kong parang
may malalagot sa loob ng puso ko. Nakipagkaibigan na naman kasi ako masyado
nito. Naging problema ko ang academics ng isang kaibigan at naging problema ko
rin ang problema n’ya sa pamilya. Naiisyu pa kaming may relasyon noong
kaibigang ‘yon na lalaki rin. Nagselos naman ‘yung isang kaibigan kong babae.
You know jeje days. Parang laging may hinihila kang baka papasok sa university
kaya lagi akong late. Dalawang subjects ang hindi ko napapasukan pero hindi
bumaba sa dos ‘yung grado ko sa mga subjects na ‘yun. Hindi dahil genius ako o
straw ako; niraraffle lang nung mga propesor ang grades.
Masalimuot ang mga araw at mga gabi na ‘yun.
Sobra. Sobrang dilim kahit may araw pa. Itinago ko ang scholarship grant sa’kin
na tri-seben-pipti (P 3,750) para utay-utayin ko sa pagmo-malling at pagsisine
mag-isa. Ako lang. Me time. Magse-senti ako sa bintana ng erkon na bus. Hindi
naman ako maiyak. Basta malungkot lang. Habang umiiyak ang bintana dahil sa
buhos ng ulan at pawis ng lamig ng erkon. Makailang beses akong naglakwatsa
mag-isa at pinipili ko talagang may pasok kapag nagsisine ako para solo ko lang
ang buong sinehan. Mag-isa akong tumawa sa Alvin and the Chipmunk. Mag-isa ring
naiyak sa Never Say Never film ni Justin Bieber at napabili pa ako ng gitara
pagkalabas ng sinehan. You know jeje days.
Isa sa nagpaalpas sa hila kong baka ay ang
librong nabili ko: Overcoming Depression. Medyo hardcore medical at counseling
book tungkol sa depresyon, na ‘yun pala ‘yung meron ako. Depresyon pala yung
hila-hila kong dambuhalang imbisibol na baka, ‘yung masamang espiritu na
nagpapalungkot at iritable sa’kin, ‘yung nagpapakabog ng dibdid ko, ‘yung
gumigising sa’kin sa madaling araw.
Nalaman ko na it’s all in the mind, wala pala
sa dibdib kahit parang andun ‘yung sakit. Nalaman ko na hindi pala ‘yun
simpleng insomia, o kaya ay mood swing dahil sa adolescence. Nang mawala sa
klase ang dalawang kaibigan, nalungkot din naman ako kasi may mga pinagsamahan
din naman kami. Pero masaya rin dahil tuluyan ko nang naalpasan ang baka.Hindi
ko na rin sineryoso ang academics noon dahil nalulong naman ako sa pagsusulat
sa campus paper. Simula noon hindi ko na alam kung saan at paano naka-alpas ang
higanteng baka na hila-hila ko noon kada papasok at uuwi mula sa university.
Masaya ako dahil sa ngayon ay parehong may
pamilya na ang dalawang kaibigan noong jeje days, meron na rin silang mga
trophies. Buti hindi ako kinukuhang ninong, hindi rin naman ako nagpaparamdam.
Pero matapos ang lima o anim na taon,
nagising na lang ako; and’yan na ulit ‘yung baka. Madaling araw na ako
tinatantanan ng imbisibol na baka na parang mas mabigat at maitim pa ngayon.