Tuesday, July 26, 2016

Second Sweldo

Second Sweldo
Mula sa PhilStar.com

Siyempre, makukuha mo ang second sweldo sa pangalawa mong trabaho. 

Bale, unang sweldo ko ulit s'ya, sa pangalawa kong trabaho. Sabi ko noon kay Bo, nung mga panahon na nanalangin kami para sa mga dapat naming gawin sa buhay; dapat ang sunod kong trabaho ay hindi na sa Maynila. Hinding-hindi na! Kung sa Maynila ay dapat minimum na 18K na ang ide-demand ko. Pero ayun, sa kabutihang palad ay isang bayan lang ang layo sa amin at mas mataas pa sa 18K ang pa-sweldo. Winnie the Pooh!

PERO magdadalawang buwan na bago ako pinasuweldo ng gobyerno. Imagine the self pity at disrespect to my human dignity dahil lubog na ko sa utang kung kangi-kangino; at kalat ang paa ko kada maglulunes para lang may maipambaon sa buong isang linggo na bibili ako ng pagkain, mamamasahe sa pagbabaranggay, bibili ng papel, tape, fastener, at kape. Buti na nga lang at uwian ako, siyempre torture pa d'yan 'yung mga pangangailangan sa hindi mo matugunan kahit may trabaho ka; at mga lakad ng magkakaibigan na hindi ka makasama dahil wala kang pang-Chowfan man lang. At hindi ako binabayaran ng gobyerno sa mga pscyho-psychiatrical na danyos.

Kung magrereklamo lang ako sa kinauukulang hindi naman nakadarama kung paano magtrabaho sa baba; e wala. Puro reklamo lang ang magiging deliverables ko. Puro reklamo na nga ako sa blog ko. Puro reklamo kapag nakikipagkuwentuhan kay Bo at Uloy. Kaya nilulunok ko lang lahat ng hinanakit, lagi kong iniisip na bahagi ito ng paghubog sa'kin bilang kawani ng gobyerno. Mas mahirap pa ang mga darating na pagsubok; kako, pag di ko nakaya 'to, pano yung mas mahihirap pa?

Tsaka I also keep in mind na Memorandum of Agreement lang kami ng gobyerno. Ibig sabihin ay parang hindi talaga kami empleyado ng gobyerno. Wala kaming benefits at job security. Wala kaming employer-employee relationship. Let us say it this way: wala kaming relasyon, bakit siya magke-care? (Hugot successfully inserted!)


Dumating na ang sweldo ko. Tumugtog ang kanta ni Yeng Constantino; "Ikaw ang pag-ibig na hinintay", habang lumalabas sa makina ang resibo ng withdrawal. Puso ko'y nalumbay ng kay tagal, pramis. Kaya prinamis ko rin sa sarili ko na magiging matalino ako sa paggamit ng kaperahan ko.

So, saan ko ngayon gagamitin ang sinuweldo kong pera?

First things. Inuna ko yung dapat unahin at ayokong i-elaborate pa ito. Nauna ang first things.

Utangs. Nagbayad ako kay Alquin, Mrs. Pampolina, at Jeuel ng aking mga kautangan. Nag-uutay na rin ako ng pambayad sa aking 24K-sana-na-laptop-kaso-28K-na-dahil-hindi-naman-legit-creditor-ang-nagpautang. Mag-uutay na rin ako ng mga UTANGS ni Mama.

Me-Time. Umorder ako ng chicken joy super meal. Nag-Jolibee at nag-malling ako. Gusto ko sanang isama si Jeuel, kaya lang marami raw s'yang gagawin. Si Alquin, hapon pa ang uwi. Si Nikabrik, may review. Kaya naman Me-Time- Me-Time rin kapag may Time. Bumili rin ako ng essentials.

Essentials. Mga makamundong bagay gaya ng pabango, hair fix, deo, shampoo, sabon, tsinelas, payong and the like. Namili na rin ako ng filer at box para sa aking tuma-tower level nang mga papeles. Bumili na rin ako ng correction tapes, bolpen, notbuk, gunting, at toiletries kit.

Groseri. Sinamahan ko lang si Jeuel mag-groseri ng kailangan n'ya sa seminaryo pero pagdating ko sa kahera ay umabot pala ng P700 ang nadampot kong pang-ulam namin.
Survival Funds. Pondo ko ito para mabuhay hanggang susunod n suweldo; pamasahe, pagkain, pangkape, pambiling papel, at fasteners, panload, at pang-ambag sa mga emergency na ambag.

Friendsters. Kumain kami sa labas nina E-boy, Uloy, at Nikabrik. Kumain din kami ni Corvs na madalas pa ang leap year kaysa sa pag-uwi n'ya from Tarlac. Marami pa kong balak ikain sa labas na naging bahagi ng aking thick and thin.

Investment. Nag-invest na rin ako sa isang financial store-insurance-company. College ko pa pangarap 'to. Kaya isang malaking check sa TODO list ko ang naguhit ko. Parang kinilig talaga ako habang finifill-upan ko yung forms mula sa financial advisor. Parang isang romantic date tungo sa financial freedom someday!!! <3

Savings. Bukod sa investment, meron pa rin naman akong savings para sa mga di inaasahang pagkakataon like kunwari may isang book akong nakita na matagal ko nang hinahanap o kaya ni-release na ang Pokemon Sun and Moon. 'Yan emergency yan na legit paggastusan ng savings. Sa tingin mo kung susulat ako ng financial literacy book, may papatol?

Salamat kay Emre sa Kanyang dakilang biyaya! Sa wakas, naka luwag-luwag din. Mahirap kasing mag-angat ng mga nasa laylayan kung ikaw mismo ay nakalubog na. Nakatingin ako ngayon sa mas mainam at mas may dangal nang serbisyo publiko.

No comments: