Noong Lunes, sinabihan ako ni Tita Nel na ang flag raising ay gaganapin sa boundary ng Brgy. Castillo, Padre Garcia, Batangas at San Antonio, Quezon. Kahit mag-iisang buwan na ako ay unang beses ko pa lamang makakadalo ng flag raising sa Padre Garcia, huling flag raising na raw ito ni Mayor Baham dahil sa June 30 ng alas-dose ay iba nang Alkalde ang uupo. Pamamaalam na rin kumbaga.
Medyo kulang sa upuan na nakahanda pero oks lang dahil nakatayo naman talaga dapat kapag flag ceremony kaya mabigat ang bag at laptop kong biyabit. Medyo masigla pero hindi naman balahura ang host mula sa bayan ng Padre garcia at bayan ng San Antonio, joint-flag ceremony pala ito. Ang okasyon pala talaga ay ang pagpapasinaya sa 'Arko ng Pagkakaibigan ng Padre Garcia at San Antonio' na worth P4 million pesos. Wala pang built-in Wi-fi, arko lang talaga.
Bunsod daw ito sa sisterhood agreement ng dalawang bayan. Napaisip at napalaki naman ang mata ko, bakit sisterhood? E masculine naman ang pangalan ng mga bayan ng Padre Garcia at San Antonio? Ewan. Basta sisterhood agreement ng kapatirn ng dalawang bayan pati na ng dalawang lalawigan ng Batangas at Quezon. Sa Calauag daw kasi, ay may nangyayaring agawan sa boundary ng Quezon at Bicol.
Kinanta ang imno ng dalawang bayan. Ang ganda parehas, talagang makakapukaw ng pagiging makabayan. Gusto ko tuloy malaman yung kuwento sa likod ng imno ng Padre Garcia dahil may hibik sa melodiya ng awit. Sino ang sumulat? Kailan at bakit sinulat? Sinong may soft copy? Assignment ko lahat iyan. "Tunay ngang makasaysayan ang araw na'to" sabi ng tagapagsalita.
Makasaysayan nga. Nalaman ko na naghahati rin sa mga ninuno ang magkalapit na bayan. Makasaysayan nga dahil sila-sila lang din ang nasa pamahalaan. Iilang apelyido lang ang nagpapasa-pasa sa upuan. Dahil ito sa paulit-ulit na pagkukuwento at pagbabatian ng mga politikong naroon."Sa mga baranggay captain ng Padre Garcia at San Antion, sa kinatawan ng gobernador, sa kongresman, sa adminisrador, sa mga konsehales, sa mga kagawad, sa mga department heads, sa lahat ng empleyado; isang magandang umaga/ sa inyong/ lahat." 'Yan ang paulit-ulit mong maririnig sa bawat politikong tatayo sa maliit na etabladot sinasayang ang oras para sana sa serbisyo publiko. Dahil ang pagbati lang naman ng mga politiko ang nagpaabot sa pasinaya ng arko hanggang alas-nuebe pasado. Ni hindi nga namin kilala yung isang libong pangalang binabanggit nila ng paulit-ulit para batiin ng magandang umaga.
Lunes na Lunes ay trapong-trapo.
No comments:
Post a Comment