Tuesday, July 26, 2016

Nabasa ko 'yung 'Bumasa at Lumaya II'

Ang Bumasa at Lumaya II ay isang aklat tungkol sa Panitikang Pambata ng Pilipinas (o Filipinas?). Tinipon nina Ani Rosa Almario, Neni Sta. Romana, at Ramon C. Sunico; at nilimbag ng Anvil ang mga sanaysay, interbyu, artikulo, tungkol sa mga aklat at pagsusulat para sa kabataang Pinoy mula sa mayayamang karanasan ng mga kilalang manunulat.

Isang chapter review lang muna ang ibabahagi ko dahil makapal ang aklat at kahapon ko lang ito natanggap.

Book cover ng Bumasa at Lumaya 2


How I Write (ni: Lin A. Flores, pp.137-143)

Ibinahagi ni Lola Lin kung paanong madali s'yang nakakatha ng mga kuwentong pambata dahil "pini-plagiarize" n'ya raw ang ideya at imahinasyon ng kanyang mga apo noon. Ginagamit n'ya ang malikot nilang mga ideya sa kanyang mga kuwento.

Tipikal na sa kanilang maglo-lola ang magdugsungan ng kuwento kada nasa dulang. Kinukulit din raw kasi s'yang magkuwento ng mga bata. Pero nang magsilakihan na ang kanyang mga apo, nahirapan na s'yang kumatha ng kuwento. Siguro ay dahil nawala na rin sa kanyang poder ang kanyang makukulit na editors.

Ito ang ilang tips ni Lola Lin sa pagkatha ng kuwentong pambata:

1. Alamin ang form ng iyong kuwento at manatili sa mga limitasyon nito. Siguraduhin kung nobela ba o maikling kuwento ang isusulat.

2. Freshen Up! Kailangan may laging bagong paraan ng pagkukuwento ng mga luma nang mga bagay o paksain.

3. Start strong! Marami ka nga namang kaagaw ng atensyon ngayon kaya dapat sa umpisa pa lang ay hindi na bibitawan ng mambabasa ang kuwento mo.

4. Lumubog sa mundo ng 'yong kuwento. Dapat buhay sa isip ng manunulat ang mga tauhan sa kanyang kuwento.

5. Edit. Edit. Edit. Mahalaga ang paulit-ulit na pagtingin muli sa iyong akda bago ipasa sa 'yong editor. Maging handa sakaling kailangang katayin ang ilang bahagi ng 'yong istorya. Pagpahingahin muna ang kuwento bago muling basahin at tingnan kung ano pa ang dapat baguhin o pagandahin pa.

Marami pang helpful tips si Lola Lin sa pagsusulat ng kuwento pero alam mo ba kung ano ang isa pang nagtutulak sa kanyang magsulat at magkuwento pa? 'yung maka-inspire ng mga bata para kumatha rin ng sariling kuwento!

Hindi ko kilala si Lola Lin. Hindi ko rin alam kahit isa sa mga aklat n'ya pero isa si Lola Lin sa to-be-read-list ko. Napakagaan ng pagbabahagi n'ya ng kanyang proseso ng pagkatha ng kuwento. 

Marami pang mahuhusay, batikan, award-winning, [at iba pang magagandang adjectives] na mga manunulat na nagbigay ng mga insights, tips, facts and figures, at payong kaibigan tungkol sa pagsusulat para sa kabataang Pilipino sa loob ng 'Bumasa at Lumaya II'.

No comments: