Kumusta?
Wala akong
balita sa’yo ni ho, ni ha. Hindi ko alam kung nasa Cabuyao, San Pablo, Calamba,
o Lipa ka. Nasa Pilipinas ka ba? O baka sa Middle Earth at binubuhos lahat ng
sama ng loob sa pagpaslang sa mga ogres at hobgoblins? Isama mo naman ako kung
ganun nga.
Noong basta
ka na lang nawala ang presensya mo sa social media at sa Tiaong, may mga
kaibigan kang nag-pm sa’kin at tinatanong kung nasa’n ka. Ano isasagot ko? E di
hindi ko alam kasi basta ka na lang dumagos. Pa’no kung may nangyaring masama
sa’yo? E di person of interest agad ako ng pulisya. Suspek agad ako.
Madudumihan ang record ko sa NBI. Pa’no kung kumuha ako ng clearance? For sure,
tatagal na naman ang pagpoproseso nun. Pero sana nasa mabuti kang kalagayan
ngayon.
Miyerkules
ng umaga ng huli kang nag-pm sa’kin bago ka nawala. Alam ko namang may problema
ka. Natakot ako na wala akong maitulong kundi mga Christian classic encouraging
cliches. Hindi mo naman gustong marinig na “sige bro, pag-pray natin”. Kaya
sabi ko sa’yo magkuwento ka. Ayaw mo dahil...ahhh...ahhh.. Hindi ko ulit alam
kung bakit ayaw mong ikuwento. Natatakot ka ba na hindi ko maintindihan? Bakit
sa Nihonggo, Hangul, Afrikaans, mo ba ikukuwento sa’kin ‘yung problema?
I-Google translate natin para lang maintindihan ko.
Sabi mo
kaibigan mo kami nina Gino, Mils, at pamilya mo na ang Tiaong Baptist Church;
pero ambilis mong iniwan lahat. Ano 'yun mema lang? Kaya hindi ako naghabol o naghanap sa’yo kasi
nainis at nairita talaga ako. Gusto lang kitang awayin kung ano bang problema
mo! Ilang beses pa kaming nagpabalik-balik sa bahay n’yo sa Maligaya St. para
tanungin kung nasaan ka kaya. Umuuwi ka naman pala. Hindi ka naman pala talaga
naglayas. Bakit hindi ka man lang mangamusta o magparamdam?
Hindi ko
alam sino ang mga kasama mo ngayon. Hindi ko alam anong kinakain mo. Hindi ko alam
kung anong trabaho mo. Hindi ko alam kung saan ka nakatira. Hindi ko alam kung
hanggang kailan kita maalala. ‘yung tinext mo kay Mil na may nagbago na sa’yo
napaka general. Anong nagbago? Body temperature, blood pressure, complete blood
count, body mass index, anong nagbago?!
Umuwi ka na.
Sumusweldo na ako ng maayos. Mas kaya na kitang ilibre ng halo-halo, banana
cue, siomai, at isaw. Umuwi ka na dahil hinahanap ka na ng ma batang tinuturuan
mo dati. Umuwi ka na kasi dahil kailangan ko rin ng kausap.
Dahil
malapit na rin kitang maintindihan;
Dyord
10:45pm,
E-boy’s Haus
Hulyo 26,
2016
No comments:
Post a Comment