Sunday, January 29, 2017

2017 Goals

2017 Goals

Inabot na naman ako ng Chinese New Year bago makapagtakda ng mga layunin ngayong taon. Nakorner agad kasi ako ng taon. Napagdikdik agad ako hindi pa man ako nakakapag-footwork ng maigi. 

Isang mabilis na rebyu sa mga layunin noong 2016. Ang mga sumusunod ang nagkaroon ng katuparan:

-Makapag-volunteer ulit (4 volunteer works)
-Natapos ang research assistant work (Marso)
-Ma-implement ang Project PAGbASA (Php 4,800 remaining funds)
-Makapagpasa ng tula at iba pang submission calls
-Makatanggap ng rejection e-mails
-Matanggap ng mga busilak ang kalooban na mga editors (OMF Lit, SpokenWord PH, Operation Blessing PH, Saranggola Blog Awards)
-Makapagtrabaho sa gobyerno (DSWD)
-Makapag-blog ng 'sing dalas ng pagligo (121 posts?)
-Tumaba-taba pa ng kaunti (Jun-Dec 2016 +4kgs)
-Makabili ng laptop, notbuk, bolpen, at iba pang makamundong bagay pero kailangang-kailangan.
-Makapanood ng magandang anime at pelikula
-Bumoto ng mas matalino

Masaya naman ang nakalipas na taon kahit maraming nangyari sa bansa at sa daigdig na mga di kaaya-aya at katanggap-tanggap. Parang mapapa-request ka talaga ng "God ha, qoumota na ang evil noong 2016, resbak naman sana ang good ngayong 2017." 

Spiritual Goals: (can't be seen by the naked eye, nasa notebook ko kasi)

Financial Goals:
-Makakuha ng insurance!
-Makapag-build pa rin ng mutual funds
-Makapagsimula ng day trading
-Magakaroon ng iba't ibang savings (emergency, travel, study, helps)
-Maturuan sina Mama (and friends) ng financial literacy
-Magkaroon ng ibang avenues ng pera
-Magtipid sa konsumo
-Makapagbayad pa rin ng utang ni Mama

Writing and Reading Goals:
-Ma-publish kahit saang publication kahit salamat pang ulit ang bayad
-Makapag-edit ng scientific book project
-Mapalakas ng social marketing ng mga projects sa Padre Garcia
-Makapagsulat sa journal at blog
-Maka-attend ng Komikon at iba pang book fairs
-Makakilala pa ng ibang manunulat
-Makapagbasa ng mas maraming-marami
-Makapag-umpisa na ng manuscript

Career Goals:
-Makagawa ng maayos na proyekto
-Work-life balance
-Organized local office admin at additional office supplies
-Ma-renew ang kontrata

Volunteer Goals:
-Makalabas para mag-volunteer sa iba-ibang grupo na may advocacy
-Makapag-organize ng volunteer works
-Project PAGbASA serves 99 children

Friendster Goals:
-Sumubok ng bago from time to time
-Lumikha ng sandali para sa masinsinang usapan
-Magkaroon ng mas maraming kaibigan
-Paunlarin pa ang mga dati nang pagkakaibigan

Makamundong Pagnanasa sa Makalupang mga Bagay Goals:
-SLR/mirrorless
-Masteral scholarship
-3 bagong polo at 1 barong
-3 black pants
-2 black shoes (akin at kay Papa)
-1 rubber shoes (RR)
-1 dress (Mama)





Tuesday, January 24, 2017

Nami-miss ang Bible Study,

Dear Bo,

Kumusta ka na sa bible school?

Ako, okay naman. Nakakautay pa rin sa pagbabasa. Marami nang paso dahil sa apoy ng gobyerno. 'yung nagkanda paso-paso ka buong linggo, tas pagdating mo ng Sunday School love life ang usapan. Medyo nakakapakunot ng noo.

Nabanggit mo palang nagpatahi ka ng jersey para sa sportsfest n'yo ngayong linggo, tumapat talaga ng National Bible Week. Ayon sa Memorandum Circular ng DILG, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1027, maaring makiisa ang lokal na pamahalaan sa bible week sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga banners at posters, pagsasagawa ng public readings, pamimigay ng bibliya; at ang medyo napakunot ako ay ang pagsasagawa ng sportsfest.

Pero Bo, nabababawan ako.

Para saan ba talaga ang National Bible Week? If we are a Christian nation, the Bible should be our staple food. Hindi ba dapat given na 'yung mga nabanggit na aktibidad? Hindi ba parang nag-promote ka ng ice tubig sa mga eskimo? Kailangan talagang may pambansang proklamasyon pa?

Seryoso ako Bo, di ko gets.

Sa panahong mahirap nang sabihin kung sino ang bayani at hindi, panahong ang pagkakaiba-iba ng 'kulay' ay pagkakahiwalay, panahong mahal ang bigas at mura na ang buhay, at panahong mas naririnig ng mga tao ang kumakalam nilang sikmura kaysa sa ispiritwal na pangangailangan. Sa totoo lang Bo, ang hirap mag-Bible-Bible sa panahon ngayon.

Wala namang tanong sa kapakinabangan ng Bibliya lalo na sa buhay na darating. Wala namang tanong sa dulot nitong radikal na pagbabago sa masugid nitong mambabasa. Ang tanong ko lang Bo: "If it could radically change us personally, could it solve down the pressing needs of our society, today?"

Nakakalungkot lang kasi kung naghahanapan tayo. Hindi lang sa kaso ng Biblya, malamang sa iba pang aklat. Hinahanap lagi ng mambabasa sa aklat ang sagot at hinahanap naman ng aklat sa mambabasa ang pagkilos.

Siguro Bo, ang pagtingin na lang ay dapat paalala at panawagan ang proklamasyon na muling magbigay panahon sa mas seryoso at mas malalim na pagbabasa, lalo na sa panahon na tila ang ating bayan ay nabubuhay nang taliwas sa mga prinsipyo ng aklat na itinataas nito.

Nami-miss ang bible study,
Kuya Dyord


Saturday, January 21, 2017

Till Next Time

Till Next Time

Tapos na ‘yung Christmas break nina E-boy sa seminaryo. Tapos na rin ang Sabbatical ko sa gobyerno. Maghihiwa-hiwalay na ulit kami ng landasin; pabalik sa tinatawag naming “totoong buhay”.

Nag-text sa’kin si Bo pagkauwi ko: “Till next time.”

Natawa ako. Hindi naman ‘to madalas mag-text e. Ako pa nga lagi ang unang nagte-text. Minsan na nga lang mag-text; nakita ko pa agad ay ang maling ispeling. Until dapat. Until next time. Kung papaiksiin ay dapat ‘til imbes na till. Ang ibig kasing sabihin ng till ay bungkalin.

Natawa ulit ako.

Ganun naman kasi talaga. Binubungkal ang susunod na oras na magkakasama muli. Kailangan pagpaguran. Kailangan na naman n’yang makipagsiksikan sa limpak-limpak na nagtatrabaho sa Maynila. Kailangang tumayo sa bus at mapalad na kung makakaupo sa may Turbina. Kailangang mas piliin kong umuwi kapag Sabado imbes na magtrabaho. Ang pagbubungkal ng susunod na magkasama ay hindi biro. Kailangang magpagod muna. Kailangang durugin ang puwang sa ginagalawan naming oras at espasyo.

Ang pagbubungkal ay paghahanda. Siguro dahil kailangang maghanda muli sa paghahasik ng mga munting butil ng mga kanya-kanyang mithiin ngayong taon. Kailangang magpagod ulit. Ang paghahanda ng susunod na magkasama ay hindi biro. Palagi akong pagod para lumabas. Palagi kasi kaming biglaan ngayon. ‘yun din kasi ang natutuloy. Palagi rin kasing busy si Bo, lalo na sa simbahan. Kaya nakakatamad maghanda sa pupuntahan kung alam mo namang hindi aari at may mga mahalagang gampanin.

Minsan ang hirap lang ispelengin.


Ni Bo. Ng oras. At ako.

Wednesday, January 18, 2017

Parang Lumang Pinoy Comedy Film


Napadaan ‘yung dalawang nanay na masahista na kalahok sa programa nito lang bago magsara ang taon. Si Ate Tere at Ate Roschelle. Kumikita na raw sila ngayon mula Php 250- Php 300 kada oras. Bukod pa ‘yung tip. Sabay talaga silang nagkukuwento kasabay ng pag-aayos ko ng payroll.

Si Ate Tere, gusto nang iakyat ng massage therapist ang kanyang lisensya para makapagtayo na raw kami ng Hilot Hub sa Padre Garcia. Intay ka lang po at wala pang panibagong pondo para sa taong ito, ‘ka ko. Praktisin n’yo muna. Nagsisisi nga raw ‘yung kapit-bahay n’yang hindi nakasali nang malaman na may ekstrang raket na s’ya. “Ikaw kasi di ka nagtiyagang mag-training, e nakaungkot lang naman sa kanila Ser.”

Nahalit na nga yata ang litid ko na parang propetang nag-aalok ng kabuhayan sa baranggay. Hindi kasi talaga sila naniniwalang may mangyayaring proyekto. Hindi naniniwalang may kikitain kung hahaplos ng pagal na kalamnan.

Si Ate Roschelle naman, ang pinaka maraming raket sa kanila. S’ya ang nag-aalok sa kapwa trainees ng raket. Hindi n’ya raw kasi kaya lahat hilutin. “Para tatlong daan lang ang singil ko Ser, pero binigyan ako ng isang libo na tip!” Ang laki raw talaga ng kinita n’ya ngayong Pasko. Nakapagpapasko pa nga raw s’ya sa kanyang mga kamag-anak ng bigas.

Meron daw s’yang kliyente, ‘yung pinaka mayaman sa Banay-Banay na ang taba-taba. Tatlong oras kung magpahilot pero pagkatapos ay may wampayb (P1,500) na s’ya! Minsan pa nga raw sa isang kliyente n’ya, dun sa bahagi na kailangang higitin ang paa at dahil may club foot si Ate Roschelle ay na-out balance s’ya at napadapa sa kliyenteng lalaki sabay pasok ng misis nito. Hindi raw n’ya alam kung paano magpapaliwanag. Parang eksena sa isang lumang Pinoy comedy film sa pagkakakuwento n’ya. Umaabot na sila ng paghihilot hanggang Malarayat Hotel sa Lipa.

Isa sa mga nabanggit ni Ate Roschelle na kliyente n’ya ay ang mag-asawa ni Vice Mayor. Naalala ko ang sinabi ni Vice noong ipini-present ko ang proyekto sa Sangguniang Bayan. Naalala ko ang una kong araw sa Sanggunian. Naalala ko ang mga araw na walang naniniwala sa proyekto ng programa.


Napangiting Cherry Gil naman ako.

Monday, January 16, 2017

Friday the 13th


Unang provincial meeting namin sa MataasnaKahoy, Batangas.

Ang taas din noong baranggay hall ng Nangkaaan. Ang banayad sa paningin ng lawa ng Taal mula sa veranda. Ang aliwalas ng ihip ng hangin. Ang ganda ng pakislap ng tubig na nasisinagan ng sikat ng araw. Mayroon pang matikas na malayang lumilipad na Lawin.

Ang toxic ng mga sinasabi ni boss. Kesyo mali ang numbering sa payroll. Kesyo may uulitin sa mga pahina ng payroll. Kesyo kulang sa pirma. Kesyo mga walang petsa. Aminado naman s’yang pinolusyon n’ya ang kalikasan ng Taal.

Maraming pinag-usapan ngayong unang pagpupulong sa pagbubukas ng taon. Isa sa mga nabanggit ay ang pagkumusta sa sweldo. Wala pa raw balita. Alam naman naming made-delay talaga. Naiintindihan namin ‘yun. Hindi naman namin nakakalimutan ang magic word na: “Ganun talaga.”

Tapos, may nagpakilalang kumpanya na baka maari naming maging partner sa mga employment facilitation projects namin. May paulit-ulit sa mga sinasabi nila. “Maganda sa kumpanya namin.” Kesyo ‘yung isa sa kanila nga ay nag-uuwian pa ng Laguna-Batangas, araw-araw. Magaling daw kasing mag-alaga ang kumpanya nila. Hindi alintana ang pagod sa araw-araw na pagbiyahe.

Tahimik lang ang lahat. Siguro, nakikinig nang mabuti.

Kesyo ‘yung isa pa ay naibahaging nasa ika-labing-limang taon na n’ya sa kumpanya. Magaling daw kasing mag-alaga ang kumpanya nila at kung paano sila inalagaan ng kumpanya ay ganoong pag-aalaga rin daw ang ibibigay nila mga magiging empleyado nila. Kung puwede nga raw hindi magretiro ay hindi s’ya magreretiro. Parang kalinga ng Taal sa Lawin.

Ipinakita nila sa dala nilang monitor ang high-end nilang opisina. Ibinahagi din nila na kung anong hinihingi ng gobyernong compliance tungkol sa CEA, night differential pay, double pay, COLA, sick, maternity at vacation leave, at separation pay ay meron lahat sa kanila. Sa’min suweldo lang.

Hanggang sa nabasag ni Lovely ang katahimikan: “Mam, may contact number po kaya kayo?”



Pag-uwi ko sa bahay, kinilabutan ako pagsapit sa may pinto. May nakasipit na papel, at tama ang hinala ko; bill ng kuryente. Nung isang linggo pa dumating ang bill ko naman sa tubig na hindi ko pa rin nababayaran. Sa Lunes, due ko na sa postpaid plan. Makikitulog/makikitira rin daw si Roy for the weekends. Nag-iingay na ang gatangan ko. Kahit relief goods man lang sana.

Nakakatakot nga pala talaga ang Friday the 13th.



Wednesday, January 11, 2017

Achievement Unlocked: Extra Plates

Problema ko ito lagi kapag may bisita ako. Dati, nung wala pa akong mga lalagyang plastic food containers (reusable) sa mga plastik labo talaga kumakain ang mga bisita ko sa bahay. Siyempre, ako ang gagamit ng pinggan ko. Hanggang sa nagkaroon ako ng mga lalagyan ng ulam at lalagyan ng 1.3 L ice cream, pero mukhang pakainan ng pusa o kaya aso. Lagi akong nasasabihan ng ang laki-laki ng sweldo mo bumili ka naman ng plato!

Kaya kapag may mga bisita ako na grupo, binibilin ko na nang magdala ng plato at kobyertos. Lagi. Para hindi sila nagkakamay at kumakain sa plastik labo o pakainan ng aso. Natuwa nga ako dahil nitong bagong taon ay may regalo akong natanggap mula sa Bokal ng Batangas. No gift policy kami pero bakit ko naman tatanggihan ang dalawang sulyao na babasagin. May lalagyan na ko ng ulam!

Nito lang nang bumisita ang #OplanSavingJord na binubuo ng mga katrabaho para tulungan ako sa liquidation; ay nag-donate si Ate Cars ng mga plastik na pinggan. Tinanggihan ko pa nga nung una kasi ayoko ‘ka ko ng disposable na plastik, reusable naman pala ‘yung ibibigay n’ya. Mga free lang naman daw yun sa sigarilyo kaya di naman magagalit ang nanay n’ya. Mga ilang piraso rin ‘yun.

Tamad akong maghugas, kaya matatambakan ako. Kapag isa lang ang pinggan ko, obligado akong maghugas kasi wala akong ibang gagamitin. Dapat siguro itago ko na muna ‘yung mga ekstrang plato sa kahon. Hindi ko naman problema ‘yung palaging ipagsisigawan sa’kin ng mga ekstrang plato kapag umuwi na lahat ng bisita ko na mag-isa na lang ulit ako. Sanay na kong naglilinis ng kalat ng iba.

Dyord
Enero 10, 2017
White House




Sunday, January 8, 2017

Liquidated Life

Naiwan ako ngayon sa veranda ng opisina.

Mag-isa.

Ito ang back story: Binanggit ni Ser Donards lahat ng mga proyekto na dapat i-liquidate ngayong unang linggo ng Enero. Panatag ako dahil nagawa ko na ‘to bago pa ang mahabang bakasyon. Kumbaga,  malinis na ang konsensya ko. Akala ko lang ‘pala yun.

Meron pala akong isang proyekto (swine raising o pag-aalaga ng baboy) na dapat pang-i-liquidate. Hindi pala ito nakasama sa Procurement kundi sa Cash Advance. Nasa Procurement pa,” ang palaging sinasabi sa’kin sa loob ng pitong buwan ko sa Kagawaran. Ito  rin ang binabanggit ko sa mga tao kapag ina-ambush interview nila ako kada lalabas ako sa mga baranggay. “Nasa Procurement pa raw ho,” ang lagi ko rin naming sinasabi sa mga tao na parang sirang plaka. Paanong nalipat?! Ng di ko alam?! Wala akong payroll at attachments na nakahanda tuloy.

Nakasulat daw sa e-mail na nilipat ito sa Cash Advance. Sa e-mail lang nakasulat. Sana sinabi sa mukha ko na kailangan na nito ng payroll dahil inilipat sa Cash Advance. Kasi 1.7 million peso-worth ang proyektong ito. Kasi 88 katao ang hahabulin ko para magpapirma. Walumpu’t walong katao na maliligalig at mapagduda na sa gobyerno at sa mga pinapipirmahan. At sabit ang pirma ko sa 1.7 million peso-worth na proyekto. ‘pag nagkataon baka makuha ko ang title ng pinaka batang nakasuhan ng COA at 23 years old!

Napatulala na lang ako.

Kailangang matapos ang liquidation ng Lunes! Limang araw na lang. Nakasalalay dito ang pagbaba ng susunod na 20 million-worth na mga proyekto sa buong probinsya ng Batangas. Ayoko namang maging cause of delay ng mga operasyon ng Programa. Marami nang taong nakaabang sa mga proyektong nakapila noon pang isang taon. Galit na si Assistant Regional Directress for Operations at Regional Project Coordinator. Kaya pinagmamadali ako ni Provincial Coordinator. Pasahan lang ng pressure kasi pangalan din nila ang dawit sa unliquidated funds.

Hindi naman ako pwedeng mag-lord over basta-basta sa baba. May dalawang puwedeng mangyari: (1) maburyot ang mga tao (2) maburyot ako. Worst case scenario: Maburyot kaming lahat! At hindi namin matapos ang payroll. Kaya si Ate Lorie ang pinakausap ko sa mga katatayan na may kaligaligan sa Padre Garcia.

Ipinaliwanag n’ya kung bakit kailangan ng payroll. Para po sa katunayan na may pinuntahang mga benepisyaryo ang pera ng bayan. Para po sa katunayan na bawat isa sa kanila ay nakatanggap ng ganitong halaga na serbisyo at panimulang puhunan (in terms of biik at feeds). Para po maibaba na ang susunod na 20 milyong pisong cash advance kung saan nakasalalay ang tatlo na namang payak na proyekto para sa bayan ng Garcia. Kaya po sana ay makipagtulungan na po tayo sa ikabibilis ng proseso ng liquidation.

Ang naging pagsubok sa prosesong ito ay ang kawalan ng marami ng valid ID na tinatanggap bilang payroll attachments at medyo kahinaan ng ilan sa pag-pick up ng panuto. Hindi kasi nagsusulat.

Hinihintay ko kasi ‘yung valid IDs ng mga kalahok sa proyektong pagbababuyan mula sa Quilo-Quilo North. Mag-a-ala sais na. Hindi ko pa nalulubusang i-encode ang mga pangalan sa payroll. Ibig sabihin, wala pa rin akong napapapirmahan at tatlong araw na lang ang nalalabi.

Jjj


Biyernes. Muling nagbalik si Ate Lorie para tulungan ako sa pagpapapirma ng payroll. Pero hindi pa rin nagsisidatingan lahat ng IDs. Kailangan ko yuon para masigurado ang ispeling ng bawat tatanggap. So, hindi ko alam kung paano ako matutulungan ni Ate Lorie. Dala-dala pa n’ya si Ser Donards na nampe-pressure pa lalo.

Anong gusto mong kanta, Jord? Sabay tugtog ng gitara ni Ser Donards. Kung wala ka nang maintindihan…lalala. Sinabi ko naman kay Ate Lorie na lalo akong nape-pressure kapag nariyan ‘yan, tumatawag nga lang hindi ko na alam ang isasagot. Hindi naman daw n’ya alam na sasama sa kanya yuon. Hanggang sa bumaba na sila sa baranggay para magpapirma. Ako naiwan para asikasuhin ang natitirang pages ng payroll.

Dumating din si Alvin at Ate Digs para tumulong sa pagbabaranggay at pagpapapirma. Nag-abot na lang ako ng pang-pamasahe sa trayk. May iba na nagsasadya na sa opisina para abangan ang printing ng payroll at pumirma. Dumating din si Leanne, “bes, kapag kailangan mo ng tulong ha,” tapos umalis din kasama ni Ate Lorie pauwi ng Quezon. Ngumiti lang ako nang pressured na medyo graceful pero hindi ako grace under pressure.

Ang dali kong mairita kapag pressured ako, kahit konting pang-aasar lang, naiirita na’ko. Nakatapos Nagpasalamat naman ako sa kanila bago sila umuwi. Si Alvin at Ate Digna, babalik daw kinabukasan.

Jjj


Sabado. Dumating si Alvin, Ate Digna, Ate Cars, Ate Ruma, at our very own na si Tita Nel. Nag-aayos pa rin ako ng payroll. May mga dumadating pa rin na mga valid IDs. Si Tita Nel ang pinaka nasa coordinating; siya ang taga-contact sa mga ERPAT leaders ng 10 baranggay na kalahok sa proyektong pagbababuyan. Sina Alvin, Ate Digs, Ate Cars, at Ate Ruma; ang tagababa sa baranggay at taga-double check ng mga kulang na pirma at kopya ng valid IDs. Ako, clerk mode. Nasa malamig na opisina, naghihintay ng clients at nagpi-print ng payroll na s’yang ibababa.

Iritang-irita ako kay Alvin, of all the helpers. Hinihintay kasi nila ang payroll na ma-print bago bumaba. Kailangan maka-sampong valid IDs muna ako bago maka-print ng isang page. So, ang pagpi-print ng page depende sa dating ng valid IDs. Tapos, madaling-madali s’ya. “Nasa’n na ang bababaan?! Para makausad ka n’yan.” Tapos, nang maka-print ako ng isang page para mapababa na s’ya ng baranggay. Sabay-sabay na raw kaming bumaba. Meron kasi ‘yang facial expression na ayaw na ayaw kong makita. Lalo na kapag hindi mo na malaman kung anong istratehiya ang gagawin mo para mapabilis lang ‘yung trabaho.

Napababa ko na silang lahat bago ako naiwan ulit. Para naman magsaing at bumili ng litsong manok para pagsalu-saluhan ng #OplanSavingJord. Bumili rin ako ng isang kilong Maharlika. Tinawagan ko ang Team 1: Tita Nel, Ate Cars, at Ate Ruma na nasa Maugat West-Bukal para sabihing medyo tagalan nila at matagal maluto ang sinaing. Tinawagan ko rin ang Team 2: Ate Digs at Alvin na nasa Banay-Banay para kumustahin at sabihing sa kusina na sa opisina kami kakain. Nag-teksbak si Ate Digs na kumain na raw sila.

Pagbalik ko ng opisina; hinanda ko na ‘yung huling apat na pages ng payroll. Isang baba na lang after lunch at tapos na kami kung makakapirma lahat. Dumating na sina Alvin at Ate Digs. Kumain na yata sina Tita Nel doon; kain na tayo? Kumain na nga raw sila. Umuna na ako sa baba. Maya-maya dumating na rin sina Tita Nel at di pa pala nakain, kaya sinabayan na ako.

Maya-maya bumaba naman sina Alvin at Ate Digs. Nakikain si Alvin. Hindi raw ako nang-aalok. Para raw may maipang-ulam pa ako mamayang gabi. Hinayblad ako ng pailalim lang. Ilang beses ko s’yang inalok? Parang ewan lang di ba? ‘yung naghalong-kalamay na ‘yung pressure mo at gutom tapos binudburan pa n’ya ng irita at asar. “Ang dami mong alam, mag-print ka na lang sa taas.” Hindi ko alam kung dahil lang ba sa gutom kaya balat-sibuyas ako pero asar na asar ako.

Isang baba na lang na magkahiwalay ang ginawa namin. Bukas, ‘yung mga kulang-kulang na lang na pirma ang  pupunta sa opisina. Oo, papasok ulit ako bukas kahit Linggo na. Wala na akong katulong, ako na lang. Nag-ice cream kami sa bahay pagkatapos ng buong araw para ipagdiwang ang natapos nang weekend liquidation bonding namin. 

Jjj


Linggo. Nagsimba muna ako sa CCF d’yan sa may tapat lang. Naalala ko naman na may utos nga pala ang Diyos bukod sa mga utos ni Direktor. Mga pasado alas diyes na ako nagtungo ng opisina mga mag-print ng natitirang attachments at hintayin ang iilan na lang na pipirma. At si Ser Walther pala. May meeting kami dapat sa Tiaong kaya lang hindi na ako nakauwi.

Dapat daw nagpapahinga naman ako. Kesa naman makulong ako kako. Mabuti na ‘yung magtrabaho ng isang Linggo. Sa bagay, rare occurrence lang ba? Aaaaahhhh… Sana. At dapat. Parag nakalimutan ko na kasi ang work-life balance. Naalala ko nung nasa research pa kami may mga araw na hindi talaga ako papasok kahit weekday kasi makikipagkuwentuhan lang ako kay ganito o kaya kay ganyan; para maka-spend talaga ng quality time.

Na-text naman si Alvin. Nangangamusta tungkol sa payroll. Natapos ko rin naman bago humapon.

Nakapag-meeting pa kami ni Ser Walther sa Cafe de Lipa tungkol sa pagsasalin ng nosebleed n’yang research funded by University of Copenhagen into more digestible reference book. Tapos, nag-field trip kami sa National Bookstore para mamula ng iba pang medyo scientific book na na-publish. ‘wag naman ganito ‘yung maging output natin. ‘wag ganitong cover design. ‘wag ganitong font. Ito nga na-publish oh? Ampangit-angit.

Kulang kasi talaga tayo sa mga agricultural reference materials. Danas ko ‘yun nung college pa ‘ko. Google-Google lang. Ang problema, palagi namang temperate-country conducted ‘yung mga studies. Palaging researches ng mga foreigner. Hindi kasi ganun ka-accessible ang Filipino research outputs. Sabi ko, baka mga Pebrero ko pa matutukan dahil may tatlo pa akong proyekto ngayong buwan.

Sabi nga, eat your frogs first.

Pero parang posion-dart frog ‘yung una kong nakain.


Dyord
Enero 08, 2017
White House



Ingkris!


Maliit lang ‘yung salary increase namin kung ikukumpara sa inflation rate.

Pero ang mahalaga may salary increase kami na parang nasa 1K at pumapalo na ng 27K ang gross income ko. Binanggit ko na rin para sa transparency. Pero nasa 30K+ ang nakalagay sa kontrata. N’yare?

Ganito raw kasi ang kuwento d’yan. Inilaban ni Manay Judy ang cash gift na 10K para sa mga MOA workers/job orders ng gobyerno para kilalanin ang kanilang ambag sa napangyari ng gobyerno sa taong 2016. Pero sa huling meeting pala ng Kabinete ay 2K lang ang inaprubahan ni Presidente Digong. Salamat na rin sana kaya lang hanggang ngayon ay wala pa ring balita sa cash gift na ‘yun kung maibibigay nga.

Mahigit sa majority ng Kagawaran (o baka nga ng buong gobyerno) ay binubuo ng MOA, job orders, at casual workers. At ang mga kawaning ito ay wala man lang vacation leave o kahit man lang sick leave. Wala rin silang bonuses at 13th month pay, o kahit over-time pay. Alam naman ng marami ‘yan bago sila pumasok ng Kagawaran. Anong pagpipilian nila, kailangan nila ng trabaho.

Bilang pagkilala sa ambag ng mga kawaning hindi regular at kontraktuwal, ibinaba ang mga salita ng pangako tungkol sa tinatawag na Gratuity Pay. Nagtanungan pa kami kung anong ispeling. Sinaliksik ko ang ispeling at ibig sabihin ng salitang gratuity at ito ang nakuha kong kahulugan: “a tip given to waiter, taxicab driver, etc” sabi ng Google. Pasasalamat kumbaga. Pero kasama na yatang pumutok sa ere noong bagong taon ang salitang pay. Gratuity na lang. Hindi inaprubahan ng Tagatuos.

Nariringgan ko na lang ang mga rally ng Social Welfare Employees Association of the Philippines o unyon ng mga empleyado ng Kagawaran. Hindi naman kami kasali ro’n. Isang libo rin ang kaltas kapag umabsent kami para mag-rally. Baka di pa ma-renew ‘pag nalamang kasali sa unyon. Siguro bilang tugon sa mga hinaing ng mga kawaning di regular o kontraktuwal, o di nga yatang maituturing na kawani; sa loob ng anim na buwan ay may additional na tatlong libong piso sa aming mga sweldo!

May bonus naman kami na non-monetary in nature: taga-tanggap ng reklamong mga tao, taga-tanggap ng mura ng nag-aalburutong politiko, taga-tiis ng ka-opisinang madamot sa printer, taga-tiis ng pananabon ng mga taga-taas, taga-lamay ng mga direktiba di mapagkasya sa buong araw, atbp.


Kahit delayed ang unang suweldo; salamat pa rin. Pinaka ramdam kasi talaga ang pagbabago kapag nakikita ito sa suweldo!

Good Graces :)



Nag-groseri ako.

Hindi para sa akin kundi para kay Ate Felly, ‘yung focal person namin sa senior citizen sector. Siya kasi ‘yung nabunot ko sa monito-monita kaya lang hindi na ako naka-attend ng Christmas party namin sa lokal na opisina ng Kagawaran kaya Enero ko na mabibigay ang regalo kong 300+-peso worth of grocery pak na package!

May dala akong isang libong piso, buo. Wala sa wallet, hawak ko lang. Tsinek ko pa kung hawak ko nga bago ako pumasok ng Ultra Mega. Tapos, namili na ako. Pagdating ko sa counter at pina-punch na ‘yung mga items. Kinapa ko na ang bulsa ko para ibayad ang isang libong piso. Wala sa kanang bulsa. Wala sa kaliwang bulsa. Wala sa likod. Wala sa harap. Wala rin sa baon kong eco-bag.

Babalikan ko po ha, hahanapin ko lang ‘yung pera ko, ‘ka ko. Pumunta ako sa asukalan, sa sabunan, sa biskwitan; pero tanggap ko na na mawawala na talaga ‘yun. I’ve lost my faith in humanity, matagal na. Isang libo, maraming grocery package na ang maiuuwi mo nu’n. Pero naghanap pa rin ako, malay mo walang nakapansin sa sahig. Mahirap din kitain ‘yung isang libo. Hanggang sa kawayan na’ko ni kuya guard. Sinenyasan ako na nakuha ko naman agad ang ibig sabihin. Kung nawawalan ba raw ako ng pera, sabi ng senyas n’ya. Opo, opo, opo; ‘ka ko.

Hanggang sa nakalapit na’ko sa kanya at sinabi na nawawalan ako ng isang libo. Isang libo nga ‘yung isinauli ng isa pang mamimili sa kanya. Si kuyang naka-bughaw na gaya ng kalangitan ang nagsoli ng pera ko. Sinaluduhan ko s’ya ng aking hintuturo at kilay. Meron pa palang katulad n’ya. Gusto ko sanang lapitan at sabihing “Am’ bait mo naman, sana kunin... I mean, sana pagpalain ka pa!

Salamat po!

Friday, January 6, 2017

Salubong!

Pipirma lang ako ng kontrata sa unang araw  ng pagbabalik ko sa Kagawaran.

After lunch pa ang pasok namin. At dahil gustong magluto-luto ni Ate Cars, inaya n’ya kami na nina Ate Digna, Jayson, at Alvin to eat their house. Dahil gusto ko namang kumain-kain ay walang anu-ano’y pumayag naman ako. Para narin makatipid ako mula sa paglamon sa’kin ng komersyalismo nung Pasko.

Bandang alad diyes, nag-abang na’ko ng dyip pa’ Lipa. Lahat ng dumadaan ay punuan na. Ang dami ring nakaabang sa kanto ng Abbey Road; mas marami pa sa dumadaang mga dyip. Anong meron? Alas diyes na ga ang rush hour sa Lipa? Pagkakabanas pa naman. Bagong ligo pa ako pero pinagpapawisan na agad. Tapos, dumaan pa sa harap ko ang isang trak ng mga 31-days chicken. Nadaanan ako ng masamang hangin.

“May reklamo? Itawag sa LTFRB”, sabi ng karatulang nasa likod nung trak.

Hinintay naman nila kong makarating bago kami nagsalu-salo sa tira pa noong Bagong Taon. Wala pala  si Alvin pero nandito kena Ate Karen ang regalo n’ya sa’kin. Pangitang pinabalot at pinasulat kay Ate Cars ang kard kung san nakasulat ang kumikintab-kintab na pangalan ko in a caligraphical way. P’rehas silang may regalo sa’kin. P’rehas din si Ate Cars at Alvin na walang regalo sa’kin kundi pagmamahal at pagiging mabait. Effort na ‘yun.

Kumain na kami ng tanghalian na fried galungong at homemade embutido with soup bago tumungo ng Lipa Provincial Office for Operations para pumirma ng kontrata. Parang artista lang. Nagre-renew at project-based.

jjj


Magiging magaan lang ang unang araw dahil pipirma na lang talaga ako ng Memorandum of Agreement (MOA). Pinag-print na’ko ni Jayson. Nakakatuwa dahil tinanggal na raw yung “no employer-employee relationship” sa kontrata. May relationship na kami sa gobyerno. PERO self-employed pa rin kami ayon sa nasasaad. So ‘yung relationship ko sa gobyerno ay “It’s complicated.”
Nag-pictorial pala kami para sa organizational chart at business card namin. Pilit akong pinangingiti ni Ser Donards kahit gusto kong imahen ay seryoso. Mukha kasi akong trapo kapag nakangiti. Seryoso naman talaga ako sa maraming pagkakataon. Pero dahil kailangang magiliw ang projection, pinilit kong ngumiti. Pinilit ko na ring ngumiti ng maliit tulad ng aming salary increase.

Nagkaroon din kami ng soft meeting tungkol sa direksyon ng Programa sa unang buwan ng taon. May dagdag akong ganap at si Ate Cars sa social marketing and advocacy, na gusto ko naman pero di lang ako sure kung kaya ko pa. Medyo ginagawa na namin  ‘to last year, ngayon lang nagkaroon ng opisyal na deklarasyon. May tatlo akong proyektong paparating ngayong buwan para sa 103 Garcianos. May 1.7 million-peso project akong dapat ko palang i-liquidate. At ngayon lang sumuot sa kautakan ko ‘yan. Note: I-liquidate sa loob ng 3 days. Pagsama-samahin mo ‘yung lahat ng horror ng bawat episodes ng Cinco, nakapanghihilakbot.

Natutulala na lang ako.
Naamoy ko na naman ang masamang hangin.
Gusto kong tumawag sa LTFRB.
Pinipilit ko na namang ngumiti.

jjj


Naglakad ako sa night market para sana bumili ng siomai pang-ulam sa hapunan. Mapalad na nakasalubong ko sina Alquin at Alfie na may dala-dalang litsong manok. Nauwi ako sa pagbili ng isang kilong Maharlika. Sa bahay na sila kumain ng hapunan. Pagkatapos, nagbukas kami ng mga regalo na parang muli ay Pasko.

Thursday, January 5, 2017

Enero 1, 2017

Enero 1, 2017

Hindi rin ako sa amin nag-Bagong Taon.

Naisip ko na sa apartment ko na lang ako mag-Bagong Taon. Maglaro ng Pokemon. Matulog. Magbasa. Magbukas ng de lata. Kaya lang parang may mali e. Hindi ako mapakali. Kaya umuwi ako sa’min. Hindi sa Lalig,  kundi sa Lusacan. Sabi ni Lola Nitz at Mrs. Pampolina, doon na raw ako mag-Bagong Taon. Sabi ni E-boy, bukas naman daw palagi ang pamilya nila. Masarap pa namang magluto ng ispageti si Mrs. P.

Hindi rin naman nag-text ang nanay ko na umuwi ako sa’min. Lalong hindi magte-text ang tatay o ang kapatid ko.

Nag-text lang si Mama dahil kulang daw ang apat na libo na inabot ko. Halos, sakto lang sa pambayad sa huling hulog ko sa laptop ko. Wala na raw s’yang maipambibili ng gulay na paninda kung kelan naman kalakasan ng benta. Paano naman kasi, ang alam ko nasa apat na libo na lang ang kulang ko sa hulog ‘yun pala, hindi hinuhulog ni Mama lahat ng inaabot ko kaya nasa pitong libo pa ang binuno ko ngayong huling buwan ng 2016.

Bago matapos ang taon lumabas naman ako kasama ang mga kaibigan. Si Alfie at si Alquin kasama kong namili ng bag pan-travel at kumain sa Prosperity ng malasa nitong Chicken BBQ at kapurat na atchara. Tapos, nag-spa kami ni Alquin at kumain sa Chowking. Si E-boy naman kasama kong nag-sine with BFF Fries kahit bawal daw sa pinapasukan n’yang bible school. ‘wag daw kaming mag-picture. Nangako kasi ako noon na Disyembre nalang kami lalabas dahil bakasyon n’ya ‘yon kaso ako naman ang sobrang abala sa mga proyekto ko. Kaya nitong huling linggo na lang talaga ako nakabawi. Next year busy na naman kaming lahat at napapagod na nga ako kaagad.

Hinintay ko ang pagpapalit ng taon na nagsusulat habang kinukulit nina E-boy at ni Uloy na naghaharutan. Pakudlit-kudlit lang ako sa laptop ko dahil sa dalawa. Tapos, para medyo matigil ay nag-aya akong mag-ice cream. Ambagan siyempre, 200 sa’kin. Nagtalo pa kami sa flavor. Gusto nila ‘yung chipipay na apat na flavors, ako ‘yung Hersheys chocolate. Pinaparatangan nila ko na RK, sabi ko dapat next year makatikim na tayo ng Magnum! Balik ako sa pagsusulat ng pasasalamat. Balik sila sa pagkukulitan.

Ang dami ko palang napuntahan ngayong taon na hindi ko naman inaasahan. Malayo rin ang naabot ng Project PAGbASA. Nabatak talaga ang mga kalamnan ko kaya parang ayaw ko nang kumilos ngayong patapos na ang taon. Naalala ko ‘yung panalangin ni Roy na sana maging fruitful daw ‘yung mga natitira naming mga araw sa 2016. Sa isip-isip ko; ayoko na po dahil magpapahinga na’ko kung habambuhay Kayo pong bahala.

Nagpasalamat din ako sa ilang mga kaibigan para sa buong taon. May mga kaibigan pala ako na ngayong taon ko lang nakilala. At ang dami pala nila. ‘yung iba ay humabol lang sa second half ng taon pero ibang bond na ‘yung meron kami. Kung kaya ko lang gumugol ng dekalidad na oras kasama silang lahat nang hindi napapagod, nais ko talaga. Gayunpaman, mahal ko naman lahat ng kaibigan ko luma man o bago pa lang at ipinagpapasalamat ko sila.

Sinalubong namin ang taon sa maiksing family altar. Nakaikot kami nina Lola Nitz, Tay Noli, Mrs. Pampolina, Bo, Jet-jet, Ate Ivy, Babes, at Pastor Abner sa dulang. Napapalibutan namin ang ispageti, bbq, puto plan, litsong manok, at mga prutas na bilog. Nagpaalala muna si Pastor Abner na sa darating na bagong taon ay ilayon namin na lumago sa kayamanan, kaalaman, kaugnayan, at kabanalan. Ugaliing linangin ang sariling kakayahan at kasanayan lalo na sa aming kanya-kanyang area of service. Kailangan daw sa pamilya laging bukas ang komunikasyon at laging transparent na parang good government. Napalunok naman ako. Nagtapos kami sa isang panalangin ng pagpapasalamat sa nakalipas na taon. Pagka-Amen ni Tay Noli ay saktong alas dose na.

HAPPY NEW YEAR!!! Sigaw nilang lahat.

Nakangiti lang ako.

“Happy New Year, anak” sabi ni Mrs. P sabay yakap.
“Happy New Year, Jord” sabi ni Pastor Abner sabay yakap.
“Happy New Year, bro” sabi ni Jet-jet sabay yakap.
“Happy New Year, ” sabi ni Ate Ivy sabay shake hands.
“Happy New Year, ” sabi ni Tay Noli at Lola Nitz sabay yakap din.
“Oi, happy new year!” sabi ni E-boy sabay fist bump.

Hindi naman kami nagpaputok kahit lusis pero parang may mga bumubulusok na makukulay na fireworks sa loob ng dibdib ko.