Maliit lang ‘yung salary increase namin
kung ikukumpara sa inflation rate.
Pero ang mahalaga may salary increase kami na parang nasa 1K at
pumapalo na ng 27K ang gross income ko. Binanggit ko na rin para sa
transparency. Pero nasa 30K+ ang nakalagay sa kontrata. N’yare?
Ganito raw kasi ang kuwento d’yan.
Inilaban ni Manay Judy ang cash gift na 10K para sa mga MOA workers/job orders ng gobyerno para kilalanin
ang kanilang ambag sa napangyari ng gobyerno sa taong 2016. Pero sa huling
meeting pala ng Kabinete ay 2K lang ang inaprubahan ni Presidente Digong.
Salamat na rin sana kaya lang hanggang ngayon ay wala pa ring balita sa cash
gift na ‘yun kung maibibigay nga.
Mahigit sa majority ng Kagawaran (o baka
nga ng buong gobyerno)
ay binubuo ng MOA, job orders,
at casual workers.
At ang mga kawaning ito ay wala man lang vacation leave o kahit man lang sick
leave. Wala rin silang bonuses at 13th month pay, o kahit over-time pay. Alam
naman ng marami
‘yan bago sila pumasok ng Kagawaran. Anong pagpipilian nila, kailangan nila
ng trabaho.
Bilang pagkilala sa ambag ng mga kawaning
hindi regular at kontraktuwal, ibinaba ang mga salita ng pangako tungkol sa
tinatawag na Gratuity Pay. Nagtanungan pa kami kung anong ispeling. Sinaliksik
ko ang ispeling at ibig sabihin ng salitang gratuity at ito ang nakuha kong
kahulugan: “a tip given to waiter, taxicab
driver, etc” sabi ng Google. Pasasalamat kumbaga. Pero kasama na yatang pumutok sa ere
noong bagong taon ang salitang pay. Gratuity na lang. Hindi inaprubahan ng
Tagatuos.
Nariringgan ko na lang ang mga rally ng
Social Welfare Employees Association of the Philippines o unyon ng mga
empleyado ng Kagawaran. Hindi naman kami kasali ro’n. Isang libo rin ang kaltas
kapag umabsent kami para mag-rally. Baka di pa ma-renew ‘pag nalamang
kasali sa unyon.
Siguro bilang tugon sa mga hinaing ng mga kawaning di regular o kontraktuwal, o
di nga yatang
maituturing na kawani; sa loob ng anim na buwan ay may additional na tatlong
libong piso sa aming mga sweldo!
May bonus naman kami na non-monetary
in nature:
taga-tanggap ng reklamong mga tao, taga-tanggap ng mura ng nag-aalburutong
politiko, taga-tiis ng ka-opisinang madamot sa printer, taga-tiis ng pananabon
ng mga taga-taas, taga-lamay ng mga direktiba di mapagkasya sa buong araw, atbp.
Kahit delayed ang unang suweldo; salamat pa rin. Pinaka ramdam kasi talaga ang pagbabago kapag nakikita ito sa suweldo!
No comments:
Post a Comment