Unang provincial meeting namin sa MataasnaKahoy, Batangas.
Ang taas din noong baranggay hall ng Nangkaaan. Ang banayad sa paningin ng lawa ng Taal mula sa veranda. Ang aliwalas ng ihip ng hangin. Ang ganda ng pakislap ng tubig na nasisinagan ng sikat ng araw. Mayroon pang matikas na malayang lumilipad na Lawin.
Ang toxic ng mga sinasabi ni boss. Kesyo mali ang numbering sa payroll. Kesyo may uulitin sa mga pahina ng payroll. Kesyo kulang sa pirma. Kesyo mga walang petsa. Aminado naman s’yang pinolusyon n’ya ang kalikasan ng Taal.
Maraming pinag-usapan ngayong unang pagpupulong sa pagbubukas ng taon. Isa sa mga nabanggit ay ang pagkumusta sa sweldo. Wala pa raw balita. Alam naman naming made-delay talaga. Naiintindihan namin ‘yun. Hindi naman namin nakakalimutan ang magic word na: “Ganun talaga.”
Tapos, may nagpakilalang kumpanya na baka maari naming maging partner sa mga employment facilitation projects namin. May paulit-ulit sa mga sinasabi nila. “Maganda sa kumpanya namin.” Kesyo ‘yung isa sa kanila nga ay nag-uuwian pa ng Laguna-Batangas, araw-araw. Magaling daw kasing mag-alaga ang kumpanya nila. Hindi alintana ang pagod sa araw-araw na pagbiyahe.
Tahimik lang ang lahat. Siguro, nakikinig nang mabuti.
Kesyo ‘yung isa pa ay naibahaging nasa ika-labing-limang taon na n’ya sa kumpanya. Magaling daw kasing mag-alaga ang kumpanya nila at kung paano sila inalagaan ng kumpanya ay ganoong pag-aalaga rin daw ang ibibigay nila mga magiging empleyado nila. Kung puwede nga raw hindi magretiro ay hindi s’ya magreretiro. Parang kalinga ng Taal sa Lawin.
Ipinakita nila sa dala nilang monitor ang high-end nilang opisina. Ibinahagi din nila na kung anong hinihingi ng gobyernong compliance tungkol sa CEA, night differential pay, double pay, COLA, sick, maternity at vacation leave, at separation pay ay meron lahat sa kanila. Sa’min suweldo lang.
Hanggang sa nabasag ni Lovely ang katahimikan: “Mam, may contact number po kaya kayo?”
Pag-uwi ko sa bahay, kinilabutan ako pagsapit sa may pinto. May nakasipit na papel, at tama ang hinala ko; bill ng kuryente. Nung isang linggo pa dumating ang bill ko naman sa tubig na hindi ko pa rin nababayaran. Sa Lunes, due ko na sa postpaid plan. Makikitulog/makikitira rin daw si Roy for the weekends. Nag-iingay na ang gatangan ko. Kahit relief goods man lang sana.
Nakakatakot nga pala talaga ang Friday the 13th.
No comments:
Post a Comment