Saturday, January 21, 2017

Till Next Time

Till Next Time

Tapos na ‘yung Christmas break nina E-boy sa seminaryo. Tapos na rin ang Sabbatical ko sa gobyerno. Maghihiwa-hiwalay na ulit kami ng landasin; pabalik sa tinatawag naming “totoong buhay”.

Nag-text sa’kin si Bo pagkauwi ko: “Till next time.”

Natawa ako. Hindi naman ‘to madalas mag-text e. Ako pa nga lagi ang unang nagte-text. Minsan na nga lang mag-text; nakita ko pa agad ay ang maling ispeling. Until dapat. Until next time. Kung papaiksiin ay dapat ‘til imbes na till. Ang ibig kasing sabihin ng till ay bungkalin.

Natawa ulit ako.

Ganun naman kasi talaga. Binubungkal ang susunod na oras na magkakasama muli. Kailangan pagpaguran. Kailangan na naman n’yang makipagsiksikan sa limpak-limpak na nagtatrabaho sa Maynila. Kailangang tumayo sa bus at mapalad na kung makakaupo sa may Turbina. Kailangang mas piliin kong umuwi kapag Sabado imbes na magtrabaho. Ang pagbubungkal ng susunod na magkasama ay hindi biro. Kailangang magpagod muna. Kailangang durugin ang puwang sa ginagalawan naming oras at espasyo.

Ang pagbubungkal ay paghahanda. Siguro dahil kailangang maghanda muli sa paghahasik ng mga munting butil ng mga kanya-kanyang mithiin ngayong taon. Kailangang magpagod ulit. Ang paghahanda ng susunod na magkasama ay hindi biro. Palagi akong pagod para lumabas. Palagi kasi kaming biglaan ngayon. ‘yun din kasi ang natutuloy. Palagi rin kasing busy si Bo, lalo na sa simbahan. Kaya nakakatamad maghanda sa pupuntahan kung alam mo namang hindi aari at may mga mahalagang gampanin.

Minsan ang hirap lang ispelengin.


Ni Bo. Ng oras. At ako.

No comments: