Enero 1, 2017
Hindi rin ako sa amin nag-Bagong Taon.
Naisip ko na sa apartment ko na lang ako mag-Bagong Taon. Maglaro ng Pokemon. Matulog. Magbasa. Magbukas ng de lata. Kaya lang parang may mali e. Hindi ako mapakali. Kaya umuwi ako sa’min. Hindi sa Lalig, kundi sa Lusacan. Sabi ni Lola Nitz at Mrs. Pampolina, doon na raw ako mag-Bagong Taon. Sabi ni E-boy, bukas naman daw palagi ang pamilya nila. Masarap pa namang magluto ng ispageti si Mrs. P.
Hindi rin naman nag-text ang nanay ko na umuwi ako sa’min. Lalong hindi magte-text ang tatay o ang kapatid ko.
Nag-text lang si Mama dahil kulang daw ang apat na libo na inabot ko. Halos, sakto lang sa pambayad sa huling hulog ko sa laptop ko. Wala na raw s’yang maipambibili ng gulay na paninda kung kelan naman kalakasan ng benta. Paano naman kasi, ang alam ko nasa apat na libo na lang ang kulang ko sa hulog ‘yun pala, hindi hinuhulog ni Mama lahat ng inaabot ko kaya nasa pitong libo pa ang binuno ko ngayong huling buwan ng 2016.
Bago matapos ang taon lumabas naman ako kasama ang mga kaibigan. Si Alfie at si Alquin kasama kong namili ng bag pan-travel at kumain sa Prosperity ng malasa nitong Chicken BBQ at kapurat na atchara. Tapos, nag-spa kami ni Alquin at kumain sa Chowking. Si E-boy naman kasama kong nag-sine with BFF Fries kahit bawal daw sa pinapasukan n’yang bible school. ‘wag daw kaming mag-picture. Nangako kasi ako noon na Disyembre nalang kami lalabas dahil bakasyon n’ya ‘yon kaso ako naman ang sobrang abala sa mga proyekto ko. Kaya nitong huling linggo na lang talaga ako nakabawi. Next year busy na naman kaming lahat at napapagod na nga ako kaagad.
Hinintay ko ang pagpapalit ng taon na nagsusulat habang kinukulit nina E-boy at ni Uloy na naghaharutan. Pakudlit-kudlit lang ako sa laptop ko dahil sa dalawa. Tapos, para medyo matigil ay nag-aya akong mag-ice cream. Ambagan siyempre, 200 sa’kin. Nagtalo pa kami sa flavor. Gusto nila ‘yung chipipay na apat na flavors, ako ‘yung Hersheys chocolate. Pinaparatangan nila ko na RK, sabi ko dapat next year makatikim na tayo ng Magnum! Balik ako sa pagsusulat ng pasasalamat. Balik sila sa pagkukulitan.
Ang dami ko palang napuntahan ngayong taon na hindi ko naman inaasahan. Malayo rin ang naabot ng Project PAGbASA. Nabatak talaga ang mga kalamnan ko kaya parang ayaw ko nang kumilos ngayong patapos na ang taon. Naalala ko ‘yung panalangin ni Roy na sana maging fruitful daw ‘yung mga natitira naming mga araw sa 2016. Sa isip-isip ko; ayoko na po dahil magpapahinga na’ko kung habambuhay Kayo pong bahala.
Nagpasalamat din ako sa ilang mga kaibigan para sa buong taon. May mga kaibigan pala ako na ngayong taon ko lang nakilala. At ang dami pala nila. ‘yung iba ay humabol lang sa second half ng taon pero ibang bond na ‘yung meron kami. Kung kaya ko lang gumugol ng dekalidad na oras kasama silang lahat nang hindi napapagod, nais ko talaga. Gayunpaman, mahal ko naman lahat ng kaibigan ko luma man o bago pa lang at ipinagpapasalamat ko sila.
Sinalubong namin ang taon sa maiksing family altar. Nakaikot kami nina Lola Nitz, Tay Noli, Mrs. Pampolina, Bo, Jet-jet, Ate Ivy, Babes, at Pastor Abner sa dulang. Napapalibutan namin ang ispageti, bbq, puto plan, litsong manok, at mga prutas na bilog. Nagpaalala muna si Pastor Abner na sa darating na bagong taon ay ilayon namin na lumago sa kayamanan, kaalaman, kaugnayan, at kabanalan. Ugaliing linangin ang sariling kakayahan at kasanayan lalo na sa aming kanya-kanyang area of service. Kailangan daw sa pamilya laging bukas ang komunikasyon at laging transparent na parang good government. Napalunok naman ako. Nagtapos kami sa isang panalangin ng pagpapasalamat sa nakalipas na taon. Pagka-Amen ni Tay Noli ay saktong alas dose na.
HAPPY NEW YEAR!!! Sigaw nilang lahat.
Nakangiti lang ako.
“Happy New Year, anak” sabi ni Mrs. P sabay yakap.
“Happy New Year, Jord” sabi ni Pastor Abner sabay yakap.
“Happy New Year, bro” sabi ni Jet-jet sabay yakap.
“Happy New Year, ” sabi ni Ate Ivy sabay shake hands.
“Happy New Year, ” sabi ni Tay Noli at Lola Nitz sabay yakap din.
“Oi, happy new year!” sabi ni E-boy sabay fist bump.
Hindi naman kami nagpaputok kahit lusis pero parang may mga bumubulusok na makukulay na fireworks sa loob ng dibdib ko.
No comments:
Post a Comment