Wednesday, January 18, 2017

Parang Lumang Pinoy Comedy Film


Napadaan ‘yung dalawang nanay na masahista na kalahok sa programa nito lang bago magsara ang taon. Si Ate Tere at Ate Roschelle. Kumikita na raw sila ngayon mula Php 250- Php 300 kada oras. Bukod pa ‘yung tip. Sabay talaga silang nagkukuwento kasabay ng pag-aayos ko ng payroll.

Si Ate Tere, gusto nang iakyat ng massage therapist ang kanyang lisensya para makapagtayo na raw kami ng Hilot Hub sa Padre Garcia. Intay ka lang po at wala pang panibagong pondo para sa taong ito, ‘ka ko. Praktisin n’yo muna. Nagsisisi nga raw ‘yung kapit-bahay n’yang hindi nakasali nang malaman na may ekstrang raket na s’ya. “Ikaw kasi di ka nagtiyagang mag-training, e nakaungkot lang naman sa kanila Ser.”

Nahalit na nga yata ang litid ko na parang propetang nag-aalok ng kabuhayan sa baranggay. Hindi kasi talaga sila naniniwalang may mangyayaring proyekto. Hindi naniniwalang may kikitain kung hahaplos ng pagal na kalamnan.

Si Ate Roschelle naman, ang pinaka maraming raket sa kanila. S’ya ang nag-aalok sa kapwa trainees ng raket. Hindi n’ya raw kasi kaya lahat hilutin. “Para tatlong daan lang ang singil ko Ser, pero binigyan ako ng isang libo na tip!” Ang laki raw talaga ng kinita n’ya ngayong Pasko. Nakapagpapasko pa nga raw s’ya sa kanyang mga kamag-anak ng bigas.

Meron daw s’yang kliyente, ‘yung pinaka mayaman sa Banay-Banay na ang taba-taba. Tatlong oras kung magpahilot pero pagkatapos ay may wampayb (P1,500) na s’ya! Minsan pa nga raw sa isang kliyente n’ya, dun sa bahagi na kailangang higitin ang paa at dahil may club foot si Ate Roschelle ay na-out balance s’ya at napadapa sa kliyenteng lalaki sabay pasok ng misis nito. Hindi raw n’ya alam kung paano magpapaliwanag. Parang eksena sa isang lumang Pinoy comedy film sa pagkakakuwento n’ya. Umaabot na sila ng paghihilot hanggang Malarayat Hotel sa Lipa.

Isa sa mga nabanggit ni Ate Roschelle na kliyente n’ya ay ang mag-asawa ni Vice Mayor. Naalala ko ang sinabi ni Vice noong ipini-present ko ang proyekto sa Sangguniang Bayan. Naalala ko ang una kong araw sa Sanggunian. Naalala ko ang mga araw na walang naniniwala sa proyekto ng programa.


Napangiting Cherry Gil naman ako.

No comments: