Tuesday, January 24, 2017

Nami-miss ang Bible Study,

Dear Bo,

Kumusta ka na sa bible school?

Ako, okay naman. Nakakautay pa rin sa pagbabasa. Marami nang paso dahil sa apoy ng gobyerno. 'yung nagkanda paso-paso ka buong linggo, tas pagdating mo ng Sunday School love life ang usapan. Medyo nakakapakunot ng noo.

Nabanggit mo palang nagpatahi ka ng jersey para sa sportsfest n'yo ngayong linggo, tumapat talaga ng National Bible Week. Ayon sa Memorandum Circular ng DILG, alinsunod sa Presidential Proclamation No. 1027, maaring makiisa ang lokal na pamahalaan sa bible week sa pamamagitan ng pagpapaskil ng mga banners at posters, pagsasagawa ng public readings, pamimigay ng bibliya; at ang medyo napakunot ako ay ang pagsasagawa ng sportsfest.

Pero Bo, nabababawan ako.

Para saan ba talaga ang National Bible Week? If we are a Christian nation, the Bible should be our staple food. Hindi ba dapat given na 'yung mga nabanggit na aktibidad? Hindi ba parang nag-promote ka ng ice tubig sa mga eskimo? Kailangan talagang may pambansang proklamasyon pa?

Seryoso ako Bo, di ko gets.

Sa panahong mahirap nang sabihin kung sino ang bayani at hindi, panahong ang pagkakaiba-iba ng 'kulay' ay pagkakahiwalay, panahong mahal ang bigas at mura na ang buhay, at panahong mas naririnig ng mga tao ang kumakalam nilang sikmura kaysa sa ispiritwal na pangangailangan. Sa totoo lang Bo, ang hirap mag-Bible-Bible sa panahon ngayon.

Wala namang tanong sa kapakinabangan ng Bibliya lalo na sa buhay na darating. Wala namang tanong sa dulot nitong radikal na pagbabago sa masugid nitong mambabasa. Ang tanong ko lang Bo: "If it could radically change us personally, could it solve down the pressing needs of our society, today?"

Nakakalungkot lang kasi kung naghahanapan tayo. Hindi lang sa kaso ng Biblya, malamang sa iba pang aklat. Hinahanap lagi ng mambabasa sa aklat ang sagot at hinahanap naman ng aklat sa mambabasa ang pagkilos.

Siguro Bo, ang pagtingin na lang ay dapat paalala at panawagan ang proklamasyon na muling magbigay panahon sa mas seryoso at mas malalim na pagbabasa, lalo na sa panahon na tila ang ating bayan ay nabubuhay nang taliwas sa mga prinsipyo ng aklat na itinataas nito.

Nami-miss ang bible study,
Kuya Dyord


No comments: