Sunday, January 8, 2017

Good Graces :)



Nag-groseri ako.

Hindi para sa akin kundi para kay Ate Felly, ‘yung focal person namin sa senior citizen sector. Siya kasi ‘yung nabunot ko sa monito-monita kaya lang hindi na ako naka-attend ng Christmas party namin sa lokal na opisina ng Kagawaran kaya Enero ko na mabibigay ang regalo kong 300+-peso worth of grocery pak na package!

May dala akong isang libong piso, buo. Wala sa wallet, hawak ko lang. Tsinek ko pa kung hawak ko nga bago ako pumasok ng Ultra Mega. Tapos, namili na ako. Pagdating ko sa counter at pina-punch na ‘yung mga items. Kinapa ko na ang bulsa ko para ibayad ang isang libong piso. Wala sa kanang bulsa. Wala sa kaliwang bulsa. Wala sa likod. Wala sa harap. Wala rin sa baon kong eco-bag.

Babalikan ko po ha, hahanapin ko lang ‘yung pera ko, ‘ka ko. Pumunta ako sa asukalan, sa sabunan, sa biskwitan; pero tanggap ko na na mawawala na talaga ‘yun. I’ve lost my faith in humanity, matagal na. Isang libo, maraming grocery package na ang maiuuwi mo nu’n. Pero naghanap pa rin ako, malay mo walang nakapansin sa sahig. Mahirap din kitain ‘yung isang libo. Hanggang sa kawayan na’ko ni kuya guard. Sinenyasan ako na nakuha ko naman agad ang ibig sabihin. Kung nawawalan ba raw ako ng pera, sabi ng senyas n’ya. Opo, opo, opo; ‘ka ko.

Hanggang sa nakalapit na’ko sa kanya at sinabi na nawawalan ako ng isang libo. Isang libo nga ‘yung isinauli ng isa pang mamimili sa kanya. Si kuyang naka-bughaw na gaya ng kalangitan ang nagsoli ng pera ko. Sinaluduhan ko s’ya ng aking hintuturo at kilay. Meron pa palang katulad n’ya. Gusto ko sanang lapitan at sabihing “Am’ bait mo naman, sana kunin... I mean, sana pagpalain ka pa!

Salamat po!

No comments: