Pipirma lang ako ng kontrata sa unang araw ng pagbabalik ko sa Kagawaran.
After lunch pa ang pasok namin. At dahil gustong magluto-luto ni Ate Cars, inaya n’ya kami na nina Ate Digna, Jayson, at Alvin to eat their house. Dahil gusto ko namang kumain-kain ay walang anu-ano’y pumayag naman ako. Para narin makatipid ako mula sa paglamon sa’kin ng komersyalismo nung Pasko.
Bandang alad diyes, nag-abang na’ko ng dyip pa’ Lipa. Lahat ng dumadaan ay punuan na. Ang dami ring nakaabang sa kanto ng Abbey Road; mas marami pa sa dumadaang mga dyip. Anong meron? Alas diyes na ga ang rush hour sa Lipa? Pagkakabanas pa naman. Bagong ligo pa ako pero pinagpapawisan na agad. Tapos, dumaan pa sa harap ko ang isang trak ng mga 31-days chicken. Nadaanan ako ng masamang hangin.
“May reklamo? Itawag sa LTFRB”, sabi ng karatulang nasa likod nung trak.
Hinintay naman nila kong makarating bago kami nagsalu-salo sa tira pa noong Bagong Taon. Wala pala si Alvin pero nandito kena Ate Karen ang regalo n’ya sa’kin. Pangitang pinabalot at pinasulat kay Ate Cars ang kard kung san nakasulat ang kumikintab-kintab na pangalan ko in a caligraphical way. P’rehas silang may regalo sa’kin. P’rehas din si Ate Cars at Alvin na walang regalo sa’kin kundi pagmamahal at pagiging mabait. Effort na ‘yun.
Kumain na kami ng tanghalian na fried galungong at homemade embutido with soup bago tumungo ng Lipa Provincial Office for Operations para pumirma ng kontrata. Parang artista lang. Nagre-renew at project-based.
jjj
Magiging magaan lang ang unang araw dahil pipirma na lang talaga ako ng Memorandum of Agreement (MOA). Pinag-print na’ko ni Jayson. Nakakatuwa dahil tinanggal na raw yung “no employer-employee relationship” sa kontrata. May relationship na kami sa gobyerno. PERO self-employed pa rin kami ayon sa nasasaad. So ‘yung relationship ko sa gobyerno ay “It’s complicated.”
Nag-pictorial pala kami para sa organizational chart at business card namin. Pilit akong pinangingiti ni Ser Donards kahit gusto kong imahen ay seryoso. Mukha kasi akong trapo kapag nakangiti. Seryoso naman talaga ako sa maraming pagkakataon. Pero dahil kailangang magiliw ang projection, pinilit kong ngumiti. Pinilit ko na ring ngumiti ng maliit tulad ng aming salary increase.
Nagkaroon din kami ng soft meeting tungkol sa direksyon ng Programa sa unang buwan ng taon. May dagdag akong ganap at si Ate Cars sa social marketing and advocacy, na gusto ko naman pero di lang ako sure kung kaya ko pa. Medyo ginagawa na namin ‘to last year, ngayon lang nagkaroon ng opisyal na deklarasyon. May tatlo akong proyektong paparating ngayong buwan para sa 103 Garcianos. May 1.7 million-peso project akong dapat ko palang i-liquidate. At ngayon lang sumuot sa kautakan ko ‘yan. Note: I-liquidate sa loob ng 3 days. Pagsama-samahin mo ‘yung lahat ng horror ng bawat episodes ng Cinco, nakapanghihilakbot.
Natutulala na lang ako.
Naamoy ko na naman ang masamang hangin.
Gusto kong tumawag sa LTFRB.
Pinipilit ko na namang ngumiti.
jjj
Naglakad ako sa night market para sana bumili ng siomai pang-ulam sa hapunan. Mapalad na nakasalubong ko sina Alquin at Alfie na may dala-dalang litsong manok. Nauwi ako sa pagbili ng isang kilong Maharlika. Sa bahay na sila kumain ng hapunan. Pagkatapos, nagbukas kami ng mga regalo na parang muli ay Pasko.
No comments:
Post a Comment