Thursday, September 28, 2017

Mas Nakakatakot

Kanina nag-overtime kami.

Ang epic ng moment na ‘yan. Baka dahil may planetary alignments sa ibang solar systems kaya kami nag-overtime. Kinulang na kasi talaga ‘yung 8 hrs. Everyone shout: Paano 9 am ka na pumasok?!

May mga tinapos din kasi kaming mga reportorial kundi ay walang suweldo. Sinubukan ko namang tumawad kay boss na baka puwedeng sa Lunes na lang ‘yung report kasi punong-puno ‘yung araw ko bukas. Non-negotiable, reply n’ya. Sumabay pa ang notice of disconnection mula sa Batelec at due ng subscription ko sa Smart, ang hassel magbayad ng bills. Ang demanding ng adulting.

We decided na mag-overtime sa saliw ng mainit na chicken sotanghon at apas. Nakihingi lang ako kay Mam Sol. Na kundangan namang kumakain ng sotanghon ay nakakutsara. Ang talino ng mga kawani ng gobyerno, mapa-proud ka talaga sa’min minsan.

Nagkakuwentuhan pa ng nakakatakot. Umuulan-ulan pa naman. Sa munisipyo raw ng Malvar may nanunulak na babae sa hagdan. Ilang beses nang namataana ang ghost pusher sa hagdan. Una, tinulak daw ay matanda. Pangalawa, itinulak daw ay estudyante. Parehong nagke-claim ng financial assistance mulsa MSWD. Kaya inilipat sa 1st floor ang MSWD office ng Malvar para wala nang hagdan. Nakaka-proud yung aksyon ng lokal na pamahalaan.

“Pahiram ng stapler,” sabi ni Mam Sol. Andun sa unang drawer ng table ko sa kabilang kwarto. Laban-bawi si Mam Sol sa pagpunta sa mesa ko. Nang makatapos ako ng report at prints ko, yaya na ako nang yayang umuwi. Kaya naaligaga naman sina Mam Brenda. Nang makatapos si Mam Sol, dalawa na kaming yaya nang yaya umuwi. “Pisti!” sabi ni Mam Brenda na parang sinapian ng duwende. Basag ang katahimikan ng nagpapahinga na naming MSWD office sa ingay namin.

“Uy,
Wala nang liwanag,
Napapaligiran na tayo ng karimlan
Nababalot na tayo ng walang katiyakan”

Hinugot ko ‘yan sa kanila nang makita kong gabi na nga pala sa labas. Pagkapatay ng overtime na rin na erkon, ay una-unahan kami sa pinto kahit kilik-kilik ni Mam Brenda ang printer. Mahuli, magpapatay ng ilaw! Takutang-takutan pero tawanang tawanan habang nag-uunahan ng pagbaba sa hagdan.

Pero ang mas nakakatakot, ‘yung hindi ako makatapos ng report at ma-delay ang sweldo ko ng isang buwan.

At lalo namang hindi ‘yun nakakatawa. 

Tuesday, September 26, 2017

Setyembre 26, 2017

Setyembre 26,2017

Nagising ako ng alas dos ng madaling araw.

Akala ko umaga na. Ibig kong sabihin ay akala ko’y alas-otso na at papasok na ng opisina. Agad akong bumangon at umihi. Madilim pa pala pero naka otso oras na’ko ng tulog. Nakatulog pala ako nang dere-deretso pagkadating ko ng bahay. Sobrang rough ng Monday kahit sinabi naman namin ni Mam Mildred na “Monday, be good to us”.

Nahirapan kaming kausapin ang supplier ng feeds, lgu para sa sasakyan ng benggala, baranggay para sa sasakyan ng feeds, at mga taong tatanggap ng aalagain. Masakit sa ulong magtawag nang magtawag. Late na tuloy kami dumating. Nakakahiya. Hindi ko pa alam kung maitatawid ko ang marketing ng mga ibong ito. Makalipad kaya ang proyekto? Nagpatas din ako ng maraming kapapelan sa opisina. Hindi ko na nga tinapos at ako’y hilo-hilo na. Napagod siguro ako sa kakaisip.

Pagkatapos umihi, nagsaing ako. Pero naghugas naman yata ako ng kamay. Pinulot ko ‘yung tira kong dinuguan nina Ate Rosy na tinanghalian ko pa kanina sa Bukal. Nakabalot naman sa plastik labo at nakalapag sa sahig. Inamoy ko, hindi pa naman panis. Siguro’y napreserba ng malamig na tiles. Nagpainit din ako ng tubig para magkape.

Pagkatapos kumain nakasulat pa ako ng isang tula sa Ingles bago ulit ako humiga. Habang hindi pa ako ginugulo masyado ng mga dapat gawin at dapat ayusin na mga proyekto, inunahan ko na sila. Humabol ulit ako ng tulog. “Bukas na lang ulit” na ang professional tagline ko ngayon.

#

Dyord
Setyembre 26, 2017
White House



Monday, September 18, 2017

Disyembre 25, 2017?

Si Sir Butch Dalisay habang si Lualhati ay na-traffic yata


Hindi pa naman. Pero parang Pasko na rin dahil galing ako sa 38th Manila International Book Fair na magkasing dami yata ang mga libro at mga tao. Ang saya lang nang buong araw kahit nakakapagod pumila, magbuklat ng aklat at makinig sa mga talks dahil sa ingay ng paligid. Parang palengke ng mga aklat.

Ang dami kong nauwing mga aklat. Mostly from Visprint Publishing dahil sa inani kong premyo mula sa Santinakpan. Mga 20 titles lahat at bumukol na nga yung pila sa likod ko sa tagal naming nag-compute sa counter. Napasobra din kasi ‘yung nakuha ko, e wala na akong cash. May Ricky Lee-authored books din akong nauwi. At dalawa na lang kulang ko sa Bob Ong books! Meron din akong tungkol sa tula mula sa Komisyon sa Wikang Filipino. Pasko na sa puso ko.

Sir Egay sa launch ng ikatlo sa Janus Silang Series

Tanghalang Ateneo nagbigay ng excerpt ng kanilang stage adaptation
 ng Janus Silang at Ang Labanang Mananaggal-Mambabarang



Medyo nalungkot lang ako dahil hindi ko natupad ‘yung missions ko ng mga pabili. Sobrang tumukod ang cash ko sa pamasahe at pagkain. Akala ko ang daming pera ng wallet ko kaya dampot ako nang dampot ng mga murang titles. Less than 600 pesos lang pala dala ko dahil nagpahilot din ako bago ‘yung event. Sa dami ng tao at dami ng librong gumagalaw sa paligid mo, wala ka nang maalalang kaibigang may gintong bilin. Pasensya na, next year ako naman magpapabili sa inyo tapos kalimutan n’yo rin.

Pero sabi ko, isang taon akong hindi bibili ng kahit anong aklat. O baka isang taong walang pagpunta sa mga literati events. Nang ipatas ko ang lahat ng nauwi ko, may tore ni babel na dapat kong basahin, ilan siguro mabibigyan ng reviews, ilan ay magagabukan bago mabasa. May nabili rin ako noong 37th MIBF pa na hindi ko pa rin nababasa. Covetousness at its best!

Ilan sa mga best loots ko ay 1972 Constitution @ Php10, Inventing Myself ni Miriam Defensor Santiago @ Php55, at Fiesta People @ Php95 ni Josefina Protacio na tubong Tiaong, Quezon! Taga-amin pero di ko kilala! Walang libro n’ya sa public library namin! Sa tindahan ng mga lumang libro ko ‘yan nabili.

Matatagalan at dapat matagalan bago ulit ako bumili ng mga aklat.
Tama na! Sobra na!
Saka na ulit.

Ang aking 38th MIBF Loots.


Pasasalamat:

Sean and Co. – Salamat sa pagpapasingit sa pila! Salamat sa libreng tiket at nakalimutan kong mag-print. Sayang din ang bente pesos. Next time, wag ka nang makikinig sa suggestion kong magdala ng food sa book fair para hindi tayo nade-delay. Ok?

Walther & Bettina – Sa walks and talks throughout the book fair. Especially kay Ate Bettina Lim na kuntodo high heels at nagsilbing navigator namin dahil mahirap tumingin nang tumingin sa mapa dahil makakabunggo ka ng mga tao. Salamat sa ating unplanned exchange books! To Ate Bettina, makikita mo rin si Kuya Crush mo somewhere, or baka sa 39th MIBF!

Sa Santinakpan – pati na rin sa mga sponsors, ‘yung ibang napanalunan ko mga tipong hindi ko talaga bibilhin, pero dahil napanalunan ko na kaya babasahin ko na rin. Sobrang salamat! Wala akong mapaglagyan ng pasasalamat at ng mga napanalunan ko sa dami!


Sa Panginoon ng Panitikan -  Salasalabid na salamat dahil parang isang malaking hug at isang linggong bakasyon ang buong araw ngayon. 

Friday, September 15, 2017

Peach at Coconut



Pinasilip ni Ser Walther 'yung gallery ng pamilya nila sa isang artist na friend na nakasama n'ya sa Lit. Folio noon sa Areneyo. Pagagawan kasi nila ng parang catalouge bilang bahagi ng decluterring program ng kanilang bahay ngayong taon.

Mas marami yata kaming napag-usapan sa loob ng kotse kaysa sa loob ng resto. Napag-usapan namin na ma-traffic na rin kahit sa Lipa, Batangas. Napag-usapan namin 'yung kaklase nilang ghost writer ni PNoy. Napag-usapan namin 'yung faith kay Queen Pia.  Napag-usapan namin 'yung mga kalye na may nakabulagta na kinaumagahan. Napag-usapan namin na kahit ganitong oras, mga alas diyes ng umaga, may binabaril. 

Nakailang topics na kami pero hindi pa rin kami nakakalabas ng UP. Bakit ang luma nung mga roomss? Anong college 'yun? Bakit may masukal na part? Ang dami kong bakit. Unang beses ko kasing masilayan ang UP, pero mula lang sa bintana ng Fortuner ni Ser Walther. 

Sa loob ng kotse habang hinihintay naming umusad ang trapik dahil umuulan nang malakas sa UP, napag-usapan din nila kung paano mamuhay sa ibang bansa. Parehas kasi silang nakapag-graduate studies overseas. Si Ser Walther sa Denmark, kung saan nag-assist nga ako sa thesis n'ya sa Quezon. Tapos, si artist na friend ay sa Aussie universitey.

'yung mga Kanluranin daw ay medyo hard-shelled sa umpisa pero lumalabas din ang kalog kapag tumagal nang pagkakilala. 'yung mga Kanluranin daw parang coconut, hard sa labas pero soft sa loob. Kabaligtaran daw ng mga Asyano, tayo raw kasi ay peach, soft sa labas pero hard sa loob. Mukhang friendly sa labas pero hindi talaga fully trusting in the inside. 

"Kaya siguro nilagay yung peach sa West at yung coconuts sa Asia, for us to understand each other," sabi ni artist na friend. May point. Napa-“Oooh” kami.

Fact checking: May peach species sa Japan at China.




Thursday, September 14, 2017

Pamayanihan



     Medyo hirap akong bumangon nitong mga nakaraang araw. Hirapan akong pumasok sa trabaho. Minsan pasado alas-otso. Minsan pasado alas-nuwebe. Mga oras na makakarating ako ng opisina matapos mag-almusal ng anumang silog at magptimpla ng kape sa kantin.

     Hindi ko alam kung gaano magiging magaspang ‘yung araw ko. Mula sa praktis ko na walang almusal - deretso trabaho, madalas inaabot ako ng ala-una hanggang alas-dos bago maghanap ng pagkain. Hindi ako masyadong productive at hindi na rin healthy. Sa panahon ngayong ang sama-sama ng lipunang ginagalawan natin at kahindik-hindik ang gobyerno, maghahanap ka talaga ng mabubuti ipapasok mo sa sistema mo. Maayos na almusal, mahusay na aklat, magandang mga pelikula, para masikmura mo ‘yung kalupitan ng mga headlines sa isang buwan.

     Umaga pa lang at inabot na nga kami ng tanghali ay may inaabyad kaming mga records. Tini-trace namin saan napunta ang halos kuwarenta mil na pera ng isa naming samahan. Nadagdagan ang mga inakong perang nadispalko ng mga officers. Pero meron pa ring higit disiotso mil. Walang umako.  Sumakit na ang ulo namin ni Tita Nel. Nag-tanghalian ako ng suman at mainit na tsokolate habang sinusulat ang kasunduan kung kailan ibabalik ang nadispalkong pondo ng mga nanay. “Pangit mang pakinggan, ninakaw n’yo ang pera,” sabi ni Mam Galela. Nakakapagdalawang isip din kung tama bang ibigay ang buong kapamahalaan sa mga komunidad lalo na’t nagkakaroon kami ng ganitong mga kaso.

     Wag daw akong magbigay sa alam kong hindi pa kayang humawak ng pananalapi. “Hayaan mong bumaba ang performance mo!” dagdag pa ni Mam Galela. Sa’tin din kasi ang bato n’yan kapag nasayang ang mga projects. Kung titingnan magiging sama pa ng loob at dungis ng komunidad ang mga pumalpak na paggugrupuhan. Hindi na kailangang sabihin ni Mam Galela na hayaang bumaba ang performance ko dahil mababa na talaga at kakatanggap ko lang last week ng memo.

     Kinapos tuloy kami ng oras sa paghahanda sa patawag naming pulong ng mga magbababoy. “Ano ba gang oras ng sabi n’yo sa’min?” tanong ng isang tatay. Ala-una po. “O ay ano ba gang oras na?”. Ala-una diyes sabi ng selpon ko. Itinuloy na lang namin ang pagseset up ng projector. Meron pa rin namang hindi pa dumadating. Kahit papaano, nakakuha naman kami ng magandang ulat sa aming mga babuyan at nakapagbalangkas ng simpleng sistema ng monitoring. “Gusto naming maramdaman n’yo ang pamahalaan,” sabi ni Mam Galela. Sila na ang pinamahala namin sa bawat baranggay kung paano nila ipagpapatuloy ang pag-aalaga ng baboy. Bahagi sila ng pamahalaan namin. Pinagdedesisyon namin sila kung anong sipat nilang makakabuti sa kanila.

     Ang daming dumalo at ang daming pamilyar na mukha. Marami sa kanila ang daming sakripisyo sa pauli-uli sa munisipyo para i-follow up ang proyekto. Marami sa kanila naghahatid kapag monitoring, ang term nga namin ni Mam Mildred ay “halos hindi na tayo lumapay sa lupa”. Marami sa kanila gumastos ng ipapangpa-merienda sa’min kahit na ilang beses na naming pagbawalan. Iniisip ko, lumikha ba kami ng proyekto o lumilikha kami ng pamayanan?

     Habang nagpi-print ako ng proposal, inaya ako ni Mam Brenda na isali ang Gabay-Kalinangan sa kanilang ‘Search for Best Communal Garden’ sa Pantawid’. Magkanong premyo? Mer-on ga? Ay pag’ wala’y hindi kita tutulungan sa pagpapackage, kako. Sayang ang oras sa compliance lang. Ang daming tuong dapat trabahuhin.  

     Nag-iwan ng isang food container si Ate Sharine, may lamang anim na pula at isag mapusyaw na longganisa. Bago pa natapos ang event, natakasan na ako. Tinatawagan ko ay pinatayan lang ako. Ayaw pabayaran ang mga longganisang paborito ko. Kulang pa raw ‘yun sa mga itinulong namin sa kanila. Kahit na ilang ulit mong sabihing trabaho naman namin ‘yun at sinuswelduhan naman kami, nagpapasalamat pa rin sila sa iba’t ibang paraan. Tumataba pa rin naman ang puso namin kapag may nababasa o naririnig kaming pagpapasalamat.

     Susubukan ko pa ring bayaran si Ate Sharine para sa mga longganisa kapag nagkita kami. Kung sasadyain ko kasi sila ay para akong namasahe papuntang Cubao balikan. Nasa dulong sitio sila ng dulong baranggay ng Garcia.

     Dahil wala naman akong lutuan at ref ay kinatok ko si Ate Cris sa kabilang unit, may matino at maayos na kaming almsusal nina Eyah at Theo para bukas na hindi ko alam kung magiging mabuti o magaspang.


#

Dyord
Setyembre 13, 2017
White House

Wednesday, September 13, 2017

Setyembre 13, 2017

    Nakahanda na ang itinerary ko para sa Manila International Book Fair (MIBF) at ikalawa ko na ito. 'yung una kong punta ay umattend ako ng isang symposium ng isang academic publisher at pagkalabas ko ng venue ay sabaw na ang mga neurons ko para maglibot-libot pa sa book fair. Wala pa rin akong pera noon kaya kaunti lang ang nabili ko. Kaya ngayon, may handa na akong plano sa event.

     Setyembre 17, ako pupunta. At ito ang mga uupuan kong mga manunulat:

10 n.u. - 11 n.t.
Edgar Calabia Samar (Adarna)

11:30 n.t    
Butch Dalisay at Lualhati Bautista (Anvil)

1 n.h. - 2 n.h.
Rod Marmol (Summit Media)

2 n.h. - 3 n.h.
The Soshal Network (Summit Media)

3 n.h. -4 n.h.
Manix Abrera (Visprint)


    Mga Tips bago pumunta ng book fairs: (1) Bago pumunta sa event ay magprint na ng free tickets, sayang din ang bente pesos. (2) At saka magprint na ng floor plan para hindi ka ikot nang ikot, may direksyon ang bawat lakad mo. Hindi masasayang ang energy at oras mo kapag may mapa ka sa phone o mas maganda kung print parang treasure hunt lang. Ang aklat naman ay kayamanan, investment sa sarili. 

     (3) Gumawa na ng list ng bibilhin. Wala pa akong list ng bibilhing libro. Pero tiyak mamimili ako ng aklat para sa Project Pagbasa. Malaki ang discount kapag malaki ang event. (4) Maghanda ng ng sapat na cash pambayad, para hindi ka hanap nang hanap ng ATM. I-check na rin ang kakainan na malapit sa event. May listahan na rin ako ng missions ko sa araw na 'yon:

1. Ibili ng Ang Paboritong Libro ni Judas Shirt si Rald Reb. Gusto n'ya ay custom fit, hindi maluwag at hindi masikip. Ako muna ang magbabayad.

2. Ibili si Ate Cars ng 100 Tula Para Kay Stella. Na-late kasi s'ya ng 20 mins sa sinehan kaya gusto n'yang basahin ang book form nito.

3. I-meet si Sean at Sir Walther sa fair. Magkumustahan. Baka magkape rin. Pero binilin ko na doon lang sa mumurahin. 

4. Anihin ang gantimpala ng Santinakpan para sa Buwan ng mga Akdang Pinoy.

#SalamatsaMayLalangngSantinakpan


Thursday, September 7, 2017

Setyembre 8, 2017

     Mag-aalas dos na naman ng madaling araw. Hindi ko alam kung dahil ba sa tinira kong vanilla latte at turtle pie na may dark chocolate kaya dilat pa rin ako hanggang ngayon, pero mga mahigit isang buwan na kong kulang sa tulog. Pagkakaalam ko mataas ang tolerance ko sa kape. Hindi naman ako depressed.

     Hindi ako inaantok. Bigla na lang akong nagsha-shutdown, hindi ko alam paano ako nakatulog. Para akong praning kapag nag-11 pm na, iniisip ko na hindi na naman ako makakatulog nare. Pagdating naman ng 2 am at hindi pa rin ako nakakatulog, umiinom ako ng gatas. Pero madalas inaabot din ako ng 4 am, dito na’ko magko-contemplate if hihintayin ko nang mag-umaga or aagaw pa rin ako ng tulog kahit tatlong oras lang. Hindi na healthy.

     Ang daming pumaplastar sa isip ko. Inilalayo ko nga yung selpon at laptop ko, kahit anong stimulant para mahuli ko ‘yung antok. Pinatay ko na lahat ng ilaw para madilim. Pero ang liwa-liwanag pa rin ng mga dapat kong gawin sa trabaho, sa blog, sa pamilya, sa mga kaibigan, at sa sariling buhay. Naiisip ko ang goals ko kahit dapat nagpapahinga na ako. Parang pinapowerpoint sa isip ko isa-isa lahat ng dapat kong matapusan. Hindi ko naman iniisip e, basta na lang pumaplastar.

     Nagtanggal na ako sa bahay ng kape. Lampas isang buwan na rin. Nagpahilot at bentosa na ako. Nahiga ng 9 pm, wala akong binuklat na laptop o siniwipe na screen. At tatlong oras na pumaling-paling sa higaan. Bumangon pa rin ako at kumain.

     Minsan, mag-aalas singko na ako nakatulog. Nung isang araw, mag-aalas-sais. Nung minsan, walang-wala. Sana maibalik ko na yung dati kong oras ng pahinga. Sala-salang oras ng tulog. Sala-sala pa ko sa oras kumain. Para akong nagsu-suicide ng paunti-unti.

     Baka nasobrahan lang din sa stimulant ang utak ko; movies, memes, series, online class, mga binabasang libro, binubuong project ideas, at mga dapat isulat pero wala naming nasusulat. Ang daming nakalipas na long weekends pero hindi ko naramdamang nakapahinga ako o nakabawi man lang. Sabi, ‘yung tulog sa gabi hindi naman nako-compensate ng tulog sa umaga.

     Ikinabo-boring ko na yata ang pagtulog. Hindi na yata sanay ang utak ko nang hindi nagmumulti-task kaya hindi na s'ya fan ng pagtulog. Pakiramdam ko kinakain na n'ya ang sarili n'ya. Uhaw na s'ya sa pahinga. Pahingi naman po ng pahinga.

     Lalaklak na yata ako ng gamot. ‘yung puwedeng gamot, pampaantok.

Dyord
Setyembre 8, 2017
White House
#



Sunday, September 3, 2017

Napanood ko ‘yung ‘Love You to the Stars and Back’

Napanood ko ‘yung ‘Love You to the Stars and Back’

(c) Star Cinema



Niyaya ako ni Mam Mildred na manood daw kami ng pelikula ni Joshua Garcia at Julia Barreto. Hindi naman ako ang market n’yan! Pero alang-alang sa malapit nang lumipad papuntang UK na si Jayson, sige na. Nanood na kami. Spolier Alert: Read at your own risk.

‘yung unang limang minuto ambigat na agad. Namatay ang nanay ni Mika (Julia Barreto) at may iba nang kinakasama ang daddy n’ya at buntis na ‘to. Siyempre, irreplaceable ‘yung nanay n’ya at miss na miss na n’ya ‘to kaya naman naglayas s’ya papuntang Mt. Milagros para magpa-abduct sa alien. Medyo gumaan lang nung unang lumabas ang eksena nila ni Kaloy.

Si Kaloy, isang millenial na taga Lemery, Batangas,  may kulit, masayahin, at may sakit – kanser. Papunta s’ya sa “walang-kwenta-nyang-tatay” na nasa Calaca na naninirahan. Gusto n’ya lang makita ‘yung tatay n’ya kahit gago ito. Wala naman daw sigurong tatay na mag-gagago pa kapag nalamang mamatay na ang anak.

Nagtagpo sila ni Mika sa isang talahiban habang nag-jingle break si Mika at tumae naman si Kaloy. Hangkyut-kyut lang ng mga eksena sa loob ng oto ni Mika. Dahil na-injure n'ya si Kaloy kaya ihahatid na n'ya ito sa Calaca, guided naman sila ng Waze.

PERO may reservations pa ako rito e, hindi pa ako fully convinced sa love team. Nakataas pa ng bahagya ang isa kong kilay. Bumaba lang ang kilay ko nang tuluyan nang makasakay nila ‘yung may dalang manok; kay Goldie. ‘yung punto yata talaga ng Batangas ang nagpa-intense sa tawa ko. ‘yun na ‘yun kasi ‘yung naririnig namin sa mga komunidad. Laging pasinghal. Laging parang galit. Kahit nagpapaliwanag lang. 

Ang husay lang din na parang may geographical identity ang pagmamahal sa Lemery, na kahit hindi ka gusto nung taong mahal mo, walang magbabago ro’n; mahal mo pa rin s’ya kahit di ka n'ya gusto. Pati nung pagbaligtad ng damit kapag naliligaw, very provincial at very useful kapag hindi na gumagana si Waze.

Nang malamang may kanser si Kaloy at sinabi n’yang “may problema ba tayo”, napa-taas ang ulit ang makapal na kilay ko. Eh, eh, parang ipapakita ng pelikula na kapag may kanser ay perspe-perspective lang yan? Na hindi problema kung hindi poproblemahin. Parang ang insensitive naman. Ang unrealistic maging optimist kapag may kanser. Napahiya naman ako nang makita kong inilahad naman sa pelikula ‘yung mga kawalanghiyaan at kalupitan ng kanser na ‘yan. At singhot sipon na ako sa eksena sa tulay. Sa mga bakit ako ni Kaloy na wala namang sasagot. Bakit kasi ang lupet ng daigdig? Halos nadurog ako nang sabihin na n’yang gusto na rin n’yang magpakuha sa alien. 

Ang sakit din masyado noong “gustong magpakuha sa alien”. Sa sobrang tindi na ng sakit na nararamdaman nila, parang gusto na nilang maniwalang puwedeng tumakas. Na mayroong ibang mundo na wala nang sakit, physiologically at metaphorically. Lahat posible, kailangan mo lang maniwala. So baka nga puwedeng takasan 'yung pangit sa mundong ito.

Hindi ko pa rin gets masyado ‘yung JLC thing e, so hindi ko s’ya ida-dub na next Lloydie. Fan na rin ako ni Joshua Garcia dahil kung pasasabugin n’ya ang uhog mo, sa susunod na eksena, kaya ka na ulit n’yang kili-kilitiin, tapos pasasabugin ulit ‘yung sipon mo sa susunod.  Ipapaalala n'yang gumagana pa pala ang tear glands mo at hindi pa bato ang puso mo. At mahusay at essential ang casting ni Cherry Pie Picache. Kaunting linya lang, maliliit na mga eksena lang, pero wasak na wasak ka na dahil malalaman mo na agad na isa s’yang nanay na uubusin lahat ng naipundar at mangungutang kung kangi-kangino para lang maipagamot si Kaloy.

Medyo sana binanat pa ng kaunti ‘yung ending na nagpabalik-balik si Kaloy sa Mt. Milagros. Sana mas naramdaman ko gaano kahirap ‘yung akyat. O sana hindi na lang sila nagkitang muli at pinutol na lang sa paulit-ulit na pag-akyat ni Kaloy at patuloy na pag-asang magtatagpo uli sa bundok nila. Parang nag-compromise sila na bigyan ng mainstream na closure ‘yung audience. Sinipon na naman ako sa ending na ‘yon at namilipit sa upuan. Anong problema kung mainstream? Hindi ka naman inaano.

Gusto ko ‘yung linya ni Mika sa loob ng oto, na akala ng matatanda mababaw ang mga millenial dahil selfie nang selfie. Akala natin na matatanda lang ang may karapatang mamuroblema sa buhay. Kaya rin kami maraming hugot kasi baka marami rin kaming danas. Gaya ng pag-ibig, universal din ang pain, walang pinipiling edad. 

Sa huli, wala namang kinuha ng alien. Ayaw na rin nilang magpakuha. May mga nakita naman na silang dahilan para patuloy na lumaban sa buhay. Ang sarap muling mabuhay kapag may mga panibago kang  mga dahilan. May magaganda pang mga bagay pang mararanasan sa mundo. Ang sakit-sakit pero ang sarap-sarap ding mabuhay talaga.

Mahusay manakit ang writer at director na si Antoinette Jadaone.

#

Saturday, September 2, 2017

5 Things I Learned in Joining Buwan ng mga Akdang Pinoy

Natuwa ako sa featured posts sa gilid ng blog site ko, puno ng mga libro at pelikula. Featurettes at reaction papers tungkol sa mga FiliFictional characters ang series of posts ko nitong August. FiliFictional characters: mga tauhan sa mga akdang Filipino. Ipinakilala ko 'yung mga akda sa pamamagitan ng mga tauhang makikita sa loob ng mga kuwento. Ito ang mga napagtanto ko:

1. Marami palang nalilikha sa Filipinas na magagandang kuwento. Karamihan sa mga featured works ko ay produced lang ngayong taon. At ang diverse na kung tutuusin at  kung ikukumpara mo sa mga nakaraang taon (o mas aware lang ako ngayon?). Pero mas magiging diverse pa ang mga akdang Filipino across different media or tools ng pagkukuwento, kung mas maraming tatangkilik ng Pinoy works.

2. May laban na ang mga pelikula natin. Nakakapanood na ako ng mga indie films kahit hindi ako lumuwas ng Maynila. Kahit mga mainstream producers ay nagpo-produce na ng unconventional (ex: Kita-Kita). Basta siguraduhin ko lang na papanoorin ko sa first week kasi baka hindi na bigyan ng chance ng sinehan na paabutin ito ng second week. Sana mas marami pang pelikula at i-extend naman ang running period.

3. Ang laki ng gastos ko ngayong Agosto dahil lang sa pagkonsumo ng mga kuwento. Bukod sa mga natagpuang mga titles sa bookstore, sumabay pa ang Komiket at Pista ng Pelikulang Pilipino. Inagosto ang budget ko, kaya dapat sa pagbubukas pa lang pala ng taon, ihahanay ko na ang mga lit events at magkanong budget ko lang sa partikular na event. 

4. Marami pala akong mababasa kung ikakalendaryo ko lang ang aking pagbabasa. At ang dami-dami ko pang gusto at dapat basahin/panoorin.

5. Ang daming umuusbong na mga mahuhusay na Filipino creators, sobra. Makawakwak bulsa pero makabanat ngiti ang ganda ng kanilang mga akda. 'yung iba sa kanila, call center agent sa gabi tapos sa umaga magdo-drawing. 'yung iba animator talaga ang trabaho. 'yung iba doktor talaga. 'yung iba guro. Hindi lahat full-time. Kaya kahit na sabihin nilang dreams don't pay the bills, e hindi mo na ipaglalaban 'yung pangarap mo; 'yung gusto mo talagang gawin.

'yun lang.

From Malaysia with Sugar


Galing si Binong sa Malaysia at Singapore. Nag-asian tour ang kaibigan kong burgis. Kasama yata sa kanyang bucket list. Nanunukso ‘yung ibang katrabaho namin ng pasalubong di pa man s’ya nakakaalis. Basta makauwi lang ng ligtas si Binong, ayos na sa’kin, sabi ko. Ang lakas ng tawa ni Mam Mildred, walang bahid ng paniniwala sa concern ko sa aming kaibigan.

Ligtas namang nakauwi si Binong at may pasalubong ako. Hindi ko nag-expect talaga. Parang di ko deserve. Naririnig ko na naman ang tawa ni Mam Mildred. Mga dalawang linggo na bago ko nakuha ang pasalubong n’ya mula kay Ate Cars, busy yata s’ya para iabot sa’kin ng personal.

Isang 15g na Santa Milk Chocolate, 36g Old Town White Coffee, 4pcs. ng 12.6g na Cherir Chocolat, at isang bolpen na may nakasulat na Malaysia sa casing at may naka-trench coat na tau-tauhan sa dulo. Puro may caffeine, ayaw n’ya yata akong patulugin pero parang gusto n’ya kong magsulat. Siguro ng mas magagandang bagay tungkol sa kanya. Palagi raw kasing pangit ang image n’ya sa blog ko. Totpul naman ‘yang si Binong talaga. May pangalan ko pa nga ‘yung kahon ng tsokolate e. Kwits na ha.

Salamat sa matatam-is na mga pasalubong. Mas matamis sana kung may kasamang mga kuwento mula sa’yong Asyanong paglalakbay. Kaya lang hindi ka naman  masyadong sumasama sa’min kapag lumalabas. Pero okey lang, no pressure. Your cue, just tell me when you’re ready.


#

Dyord
Agosto 28, 2017
White House