Tuesday, September 26, 2017

Setyembre 26, 2017

Setyembre 26,2017

Nagising ako ng alas dos ng madaling araw.

Akala ko umaga na. Ibig kong sabihin ay akala ko’y alas-otso na at papasok na ng opisina. Agad akong bumangon at umihi. Madilim pa pala pero naka otso oras na’ko ng tulog. Nakatulog pala ako nang dere-deretso pagkadating ko ng bahay. Sobrang rough ng Monday kahit sinabi naman namin ni Mam Mildred na “Monday, be good to us”.

Nahirapan kaming kausapin ang supplier ng feeds, lgu para sa sasakyan ng benggala, baranggay para sa sasakyan ng feeds, at mga taong tatanggap ng aalagain. Masakit sa ulong magtawag nang magtawag. Late na tuloy kami dumating. Nakakahiya. Hindi ko pa alam kung maitatawid ko ang marketing ng mga ibong ito. Makalipad kaya ang proyekto? Nagpatas din ako ng maraming kapapelan sa opisina. Hindi ko na nga tinapos at ako’y hilo-hilo na. Napagod siguro ako sa kakaisip.

Pagkatapos umihi, nagsaing ako. Pero naghugas naman yata ako ng kamay. Pinulot ko ‘yung tira kong dinuguan nina Ate Rosy na tinanghalian ko pa kanina sa Bukal. Nakabalot naman sa plastik labo at nakalapag sa sahig. Inamoy ko, hindi pa naman panis. Siguro’y napreserba ng malamig na tiles. Nagpainit din ako ng tubig para magkape.

Pagkatapos kumain nakasulat pa ako ng isang tula sa Ingles bago ulit ako humiga. Habang hindi pa ako ginugulo masyado ng mga dapat gawin at dapat ayusin na mga proyekto, inunahan ko na sila. Humabol ulit ako ng tulog. “Bukas na lang ulit” na ang professional tagline ko ngayon.

#

Dyord
Setyembre 26, 2017
White House



No comments: