Sunday, September 3, 2017

Napanood ko ‘yung ‘Love You to the Stars and Back’

Napanood ko ‘yung ‘Love You to the Stars and Back’

(c) Star Cinema



Niyaya ako ni Mam Mildred na manood daw kami ng pelikula ni Joshua Garcia at Julia Barreto. Hindi naman ako ang market n’yan! Pero alang-alang sa malapit nang lumipad papuntang UK na si Jayson, sige na. Nanood na kami. Spolier Alert: Read at your own risk.

‘yung unang limang minuto ambigat na agad. Namatay ang nanay ni Mika (Julia Barreto) at may iba nang kinakasama ang daddy n’ya at buntis na ‘to. Siyempre, irreplaceable ‘yung nanay n’ya at miss na miss na n’ya ‘to kaya naman naglayas s’ya papuntang Mt. Milagros para magpa-abduct sa alien. Medyo gumaan lang nung unang lumabas ang eksena nila ni Kaloy.

Si Kaloy, isang millenial na taga Lemery, Batangas,  may kulit, masayahin, at may sakit – kanser. Papunta s’ya sa “walang-kwenta-nyang-tatay” na nasa Calaca na naninirahan. Gusto n’ya lang makita ‘yung tatay n’ya kahit gago ito. Wala naman daw sigurong tatay na mag-gagago pa kapag nalamang mamatay na ang anak.

Nagtagpo sila ni Mika sa isang talahiban habang nag-jingle break si Mika at tumae naman si Kaloy. Hangkyut-kyut lang ng mga eksena sa loob ng oto ni Mika. Dahil na-injure n'ya si Kaloy kaya ihahatid na n'ya ito sa Calaca, guided naman sila ng Waze.

PERO may reservations pa ako rito e, hindi pa ako fully convinced sa love team. Nakataas pa ng bahagya ang isa kong kilay. Bumaba lang ang kilay ko nang tuluyan nang makasakay nila ‘yung may dalang manok; kay Goldie. ‘yung punto yata talaga ng Batangas ang nagpa-intense sa tawa ko. ‘yun na ‘yun kasi ‘yung naririnig namin sa mga komunidad. Laging pasinghal. Laging parang galit. Kahit nagpapaliwanag lang. 

Ang husay lang din na parang may geographical identity ang pagmamahal sa Lemery, na kahit hindi ka gusto nung taong mahal mo, walang magbabago ro’n; mahal mo pa rin s’ya kahit di ka n'ya gusto. Pati nung pagbaligtad ng damit kapag naliligaw, very provincial at very useful kapag hindi na gumagana si Waze.

Nang malamang may kanser si Kaloy at sinabi n’yang “may problema ba tayo”, napa-taas ang ulit ang makapal na kilay ko. Eh, eh, parang ipapakita ng pelikula na kapag may kanser ay perspe-perspective lang yan? Na hindi problema kung hindi poproblemahin. Parang ang insensitive naman. Ang unrealistic maging optimist kapag may kanser. Napahiya naman ako nang makita kong inilahad naman sa pelikula ‘yung mga kawalanghiyaan at kalupitan ng kanser na ‘yan. At singhot sipon na ako sa eksena sa tulay. Sa mga bakit ako ni Kaloy na wala namang sasagot. Bakit kasi ang lupet ng daigdig? Halos nadurog ako nang sabihin na n’yang gusto na rin n’yang magpakuha sa alien. 

Ang sakit din masyado noong “gustong magpakuha sa alien”. Sa sobrang tindi na ng sakit na nararamdaman nila, parang gusto na nilang maniwalang puwedeng tumakas. Na mayroong ibang mundo na wala nang sakit, physiologically at metaphorically. Lahat posible, kailangan mo lang maniwala. So baka nga puwedeng takasan 'yung pangit sa mundong ito.

Hindi ko pa rin gets masyado ‘yung JLC thing e, so hindi ko s’ya ida-dub na next Lloydie. Fan na rin ako ni Joshua Garcia dahil kung pasasabugin n’ya ang uhog mo, sa susunod na eksena, kaya ka na ulit n’yang kili-kilitiin, tapos pasasabugin ulit ‘yung sipon mo sa susunod.  Ipapaalala n'yang gumagana pa pala ang tear glands mo at hindi pa bato ang puso mo. At mahusay at essential ang casting ni Cherry Pie Picache. Kaunting linya lang, maliliit na mga eksena lang, pero wasak na wasak ka na dahil malalaman mo na agad na isa s’yang nanay na uubusin lahat ng naipundar at mangungutang kung kangi-kangino para lang maipagamot si Kaloy.

Medyo sana binanat pa ng kaunti ‘yung ending na nagpabalik-balik si Kaloy sa Mt. Milagros. Sana mas naramdaman ko gaano kahirap ‘yung akyat. O sana hindi na lang sila nagkitang muli at pinutol na lang sa paulit-ulit na pag-akyat ni Kaloy at patuloy na pag-asang magtatagpo uli sa bundok nila. Parang nag-compromise sila na bigyan ng mainstream na closure ‘yung audience. Sinipon na naman ako sa ending na ‘yon at namilipit sa upuan. Anong problema kung mainstream? Hindi ka naman inaano.

Gusto ko ‘yung linya ni Mika sa loob ng oto, na akala ng matatanda mababaw ang mga millenial dahil selfie nang selfie. Akala natin na matatanda lang ang may karapatang mamuroblema sa buhay. Kaya rin kami maraming hugot kasi baka marami rin kaming danas. Gaya ng pag-ibig, universal din ang pain, walang pinipiling edad. 

Sa huli, wala namang kinuha ng alien. Ayaw na rin nilang magpakuha. May mga nakita naman na silang dahilan para patuloy na lumaban sa buhay. Ang sarap muling mabuhay kapag may mga panibago kang  mga dahilan. May magaganda pang mga bagay pang mararanasan sa mundo. Ang sakit-sakit pero ang sarap-sarap ding mabuhay talaga.

Mahusay manakit ang writer at director na si Antoinette Jadaone.

#

No comments: