Medyo hirap akong bumangon nitong mga nakaraang araw. Hirapan akong pumasok sa trabaho. Minsan pasado alas-otso. Minsan pasado alas-nuwebe. Mga oras na makakarating ako ng opisina matapos mag-almusal ng anumang silog at magptimpla ng kape sa kantin.
Hindi ko alam kung gaano magiging magaspang ‘yung araw ko. Mula sa praktis ko na walang almusal - deretso trabaho, madalas inaabot ako ng ala-una hanggang alas-dos bago maghanap ng pagkain. Hindi ako masyadong productive at hindi na rin healthy. Sa panahon ngayong ang sama-sama ng lipunang ginagalawan natin at kahindik-hindik ang gobyerno, maghahanap ka talaga ng mabubuti ipapasok mo sa sistema mo. Maayos na almusal, mahusay na aklat, magandang mga pelikula, para masikmura mo ‘yung kalupitan ng mga headlines sa isang buwan.
Umaga pa lang at inabot na nga kami ng tanghali ay may inaabyad kaming mga records. Tini-trace namin saan napunta ang halos kuwarenta mil na pera ng isa naming samahan. Nadagdagan ang mga inakong perang nadispalko ng mga officers. Pero meron pa ring higit disiotso mil. Walang umako. Sumakit na ang ulo namin ni Tita Nel. Nag-tanghalian ako ng suman at mainit na tsokolate habang sinusulat ang kasunduan kung kailan ibabalik ang nadispalkong pondo ng mga nanay. “Pangit mang pakinggan, ninakaw n’yo ang pera,” sabi ni Mam Galela. Nakakapagdalawang isip din kung tama bang ibigay ang buong kapamahalaan sa mga komunidad lalo na’t nagkakaroon kami ng ganitong mga kaso.
Wag daw akong magbigay sa alam kong hindi pa kayang humawak ng pananalapi. “Hayaan mong bumaba ang performance mo!” dagdag pa ni Mam Galela. Sa’tin din kasi ang bato n’yan kapag nasayang ang mga projects. Kung titingnan magiging sama pa ng loob at dungis ng komunidad ang mga pumalpak na paggugrupuhan. Hindi na kailangang sabihin ni Mam Galela na hayaang bumaba ang performance ko dahil mababa na talaga at kakatanggap ko lang last week ng memo.
Kinapos tuloy kami ng oras sa paghahanda sa patawag naming pulong ng mga magbababoy. “Ano ba gang oras ng sabi n’yo sa’min?” tanong ng isang tatay. Ala-una po. “O ay ano ba gang oras na?”. Ala-una diyes sabi ng selpon ko. Itinuloy na lang namin ang pagseset up ng projector. Meron pa rin namang hindi pa dumadating. Kahit papaano, nakakuha naman kami ng magandang ulat sa aming mga babuyan at nakapagbalangkas ng simpleng sistema ng monitoring. “Gusto naming maramdaman n’yo ang pamahalaan,” sabi ni Mam Galela. Sila na ang pinamahala namin sa bawat baranggay kung paano nila ipagpapatuloy ang pag-aalaga ng baboy. Bahagi sila ng pamahalaan namin. Pinagdedesisyon namin sila kung anong sipat nilang makakabuti sa kanila.
Ang daming dumalo at ang daming pamilyar na mukha. Marami sa kanila ang daming sakripisyo sa pauli-uli sa munisipyo para i-follow up ang proyekto. Marami sa kanila naghahatid kapag monitoring, ang term nga namin ni Mam Mildred ay “halos hindi na tayo lumapay sa lupa”. Marami sa kanila gumastos ng ipapangpa-merienda sa’min kahit na ilang beses na naming pagbawalan. Iniisip ko, lumikha ba kami ng proyekto o lumilikha kami ng pamayanan?
Habang nagpi-print ako ng proposal, inaya ako ni Mam Brenda na isali ang Gabay-Kalinangan sa kanilang ‘Search for Best Communal Garden’ sa Pantawid’. Magkanong premyo? Mer-on ga? Ay pag’ wala’y hindi kita tutulungan sa pagpapackage, kako. Sayang ang oras sa compliance lang. Ang daming tuong dapat trabahuhin.
Nag-iwan ng isang food container si Ate Sharine, may lamang anim na pula at isag mapusyaw na longganisa. Bago pa natapos ang event, natakasan na ako. Tinatawagan ko ay pinatayan lang ako. Ayaw pabayaran ang mga longganisang paborito ko. Kulang pa raw ‘yun sa mga itinulong namin sa kanila. Kahit na ilang ulit mong sabihing trabaho naman namin ‘yun at sinuswelduhan naman kami, nagpapasalamat pa rin sila sa iba’t ibang paraan. Tumataba pa rin naman ang puso namin kapag may nababasa o naririnig kaming pagpapasalamat.
Susubukan ko pa ring bayaran si Ate Sharine para sa mga longganisa kapag nagkita kami. Kung sasadyain ko kasi sila ay para akong namasahe papuntang Cubao balikan. Nasa dulong sitio sila ng dulong baranggay ng Garcia.
Dahil wala naman akong lutuan at ref ay kinatok ko si Ate Cris sa kabilang unit, may matino at maayos na kaming almsusal nina Eyah at Theo para bukas na hindi ko alam kung magiging mabuti o magaspang.
#
Dyord
Setyembre 13, 2017
White House
No comments:
Post a Comment