Kanina nag-overtime kami.
Ang epic ng moment na ‘yan. Baka dahil may planetary alignments sa ibang solar systems kaya kami nag-overtime. Kinulang na kasi talaga ‘yung 8 hrs. Everyone shout: Paano 9 am ka na pumasok?!
May mga tinapos din kasi kaming mga reportorial kundi ay walang suweldo. Sinubukan ko namang tumawad kay boss na baka puwedeng sa Lunes na lang ‘yung report kasi punong-puno ‘yung araw ko bukas. Non-negotiable, reply n’ya. Sumabay pa ang notice of disconnection mula sa Batelec at due ng subscription ko sa Smart, ang hassel magbayad ng bills. Ang demanding ng adulting.
We decided na mag-overtime sa saliw ng mainit na chicken sotanghon at apas. Nakihingi lang ako kay Mam Sol. Na kundangan namang kumakain ng sotanghon ay nakakutsara. Ang talino ng mga kawani ng gobyerno, mapa-proud ka talaga sa’min minsan.
Nagkakuwentuhan pa ng nakakatakot. Umuulan-ulan pa naman. Sa munisipyo raw ng Malvar may nanunulak na babae sa hagdan. Ilang beses nang namataana ang ghost pusher sa hagdan. Una, tinulak daw ay matanda. Pangalawa, itinulak daw ay estudyante. Parehong nagke-claim ng financial assistance mulsa MSWD. Kaya inilipat sa 1st floor ang MSWD office ng Malvar para wala nang hagdan. Nakaka-proud yung aksyon ng lokal na pamahalaan.
“Pahiram ng stapler,” sabi ni Mam Sol. Andun sa unang drawer ng table ko sa kabilang kwarto. Laban-bawi si Mam Sol sa pagpunta sa mesa ko. Nang makatapos ako ng report at prints ko, yaya na ako nang yayang umuwi. Kaya naaligaga naman sina Mam Brenda. Nang makatapos si Mam Sol, dalawa na kaming yaya nang yaya umuwi. “Pisti!” sabi ni Mam Brenda na parang sinapian ng duwende. Basag ang katahimikan ng nagpapahinga na naming MSWD office sa ingay namin.
“Uy,
Wala nang liwanag,
Napapaligiran na tayo ng karimlan
Nababalot na tayo ng walang katiyakan”
Hinugot ko ‘yan sa kanila nang makita kong gabi na nga pala sa labas. Pagkapatay ng overtime na rin na erkon, ay una-unahan kami sa pinto kahit kilik-kilik ni Mam Brenda ang printer. Mahuli, magpapatay ng ilaw! Takutang-takutan pero tawanang tawanan habang nag-uunahan ng pagbaba sa hagdan.
Pero ang mas nakakatakot, ‘yung hindi ako makatapos ng report at ma-delay ang sweldo ko ng isang buwan.
At lalo namang hindi ‘yun nakakatawa.
No comments:
Post a Comment