Saturday, October 28, 2017

Adult Things


       Noong nasa bahay pa ako, isa sa mga pinagbabangayan namin lagi ni Mama ay tungkol sa basura. Grabe kami lumikha ng basura sa bahay. Mukha kaming dropbox ng iba’t ibang sachet. At subra din sa li-it ang basurahang plastik na mas matanda pa yata sa’kin. Kaya naman bukod sa naglulungad sa basura ang maliit na basurahan, may mga nakasabit pang mga plastik-plastik ng basura sa pinto. 

Ito pa naman ang pinto na dinadaanan kapag papasok sa trabaho. Minsan matitisod mo pa ang ang mga basura. Kaya siguro lagi kaming magulo sa bahay dahil laging mga basura ang sumasalubong samin, paalis at pauwi. Simple lang ang process flow. (1) Itatambak sa may pintuan. (2) Itatapon sa ilog. Ano gang choice ng mga taga Sitio Guinting? Hindi naman kami hinahakutan ng trak ng basura.

Sabi ko kay Mama, mag-segregate kami. Bumili s’ya ng garbage bags. Ako ang magbibitbit sa palengke kapag napuno na.  Sabi ko kay Mama, bumili na ng botelya ng shampoo at kahon na lang na habon. Never na-implement ang proposed project ko hanggang sa ako na ang na-segregate sa bahay.

      Nagsarili na ako.

      Mga isang taon na akong nabubuhay nang mag-isa. Kahit ka-boardmate wala. Pailan-ilang ipis at maraming langgam lang ang kahati ko sa bahay.  Ilang lukso lang at opisina ko na. Keri naman ang upa. May maliit akong sala, kuwarto, kusina, at banyo; pero kahit maliit ay inaabot pa rin ako ng kalahating araw bago makalinis.  

      Bumili ako ng garbage bags. Mahirap ngang mag-segregate. Nakakatamad. So sama-sama na lahat sa loob ng itim na plastik; tirang ulam, panis na kanin, empty sachets ng shampoo, balot ng cupcakes, kape, at sitserya. Nakakapuno ako ng isang garbage bag sa loob lang ng isang linggo. Tapos, nagkakanas-kanas na yung bag kasi nga halo-halo na sa loob. At nakasabit s’ya sa pinto ng kusina.

Ilang beses ko ring naabutan ang basura ko na nasa kalsada. Siguro’y hinalwat ng aso. Mabuti, hindi ako natitiketan. Ayon sa lokal na ordinansa ng Padre Garcia, may multang aabot sa sanlibong piso at pagwawalis ng kalsada kapag nahulihan kahit ng isang plastik ng sitserya sa tapat ng bahay mo. Pero mga di iilang beses na naabutan ko ang basura ko sa labas ng basurahan.

Hanggang sa tinapat na ako ni Ate Cris, ‘yung nakatira sa unit C. Tinatanggal talaga ng kapit-bahay namin ‘yung basura ko sa basurahan. Ang usbaw lang. Pinili pa nilang nakakalat yung basura ko sa kalsada. Hindi naman kanila ‘yung basurahan dahil issued ‘yun ng munisipyo. Nang mag-umpisa naman akong magtapon ng basura sa kapit-bahay namin sa kanan, gumawa naman sila ng takip ng kanilang basurahan. Parang naghahanap talaga ng gulo yung mga kapit-bahay ko. Tumitiyempo pa ako sa hating-gabi para lang magtapon sa mga basurahang inaangkin nila. 

Nakakalungkot ang kausabawan ng mga kapit-bahay ko. Pero naisip ko dapat maging malay na rin ako sa paglikha ko ng basura. Wala kaming sariling land fill sa bayan ng Padre Garcia. Ibinabiyahe pa ang trak-trak ng basura sa kalapit na bayan ng Taysan at ayon kay Kuya Uwey, ang Municipal Envronment and Natural Resources Officer, ay nasa 11, 200 kgs ng basura ang nalilikha ng buong bayan araw-araw. At meron kaming dalawang garbage compactor. May mga pina-power trip pa si Mayor na baranggay kapag hindi pumipirma sa mga resolusyon ng sanggunian ang kapitan nila; hindi sila hahakutan ng basura.

     Malaking ambag sa basura ko ay may kinalaman sa pagkain. Nanghihinayang ako kapag napapanisan ako ng pagkain. Pinagtrabahuhan ko ‘yun e. Ako ang bumibili ng bigas at ang hirap mag-isip ng uulamin tapos mapapanisan lang ako. Para akong nagtatapon ng pera. Kaya ayun, hindi na ako nagluluto kung hindi naman siguradong makokonsumo.

     Kapag bumibili ako ng lutong ulam, laging naka-plastik labo. Kung ang almusal at hapunan ko’y lutong-ulam, sa isang buwan may 112 na plastik labo ako na itinapon. Dinodoble kasi ng manininda ang plastik labo. Hindi pa kasama ang meryenda. Kaya bumili na rin ako ng food containers para lalagyan ng biniling lutong-ulam. Plastik pa rin, pero at least hindi single-use.

Kahit kapag nagte-take out sa fastfood, nasisigawan ko minsan ang crew kapag papadalhan ako ng plastic na kutsara’t tinidor. Hindi sa dahil gusto ko s’yang sigawan, bigla ko lang naalala. Sa sobrang bahagi na kasi ng sarili ko ‘yung paglikha ng basura, hindi ko na namamalayang lilikha na pala kong muli. Kaya pareho kaming gulantang sa counter kapag bigla kong naalala na may war on (single-use) plastic na nga pala ako. Kahit ‘yung plastik na pantusok ng siomai, hindi ko na pinapaligtas.

     Iwinaksi ko na rin ang pagbili ng sachets ng shampoo at kape. Kumbakit kasi ito pa rin ang binibili ko gayong maramihan din naman ako bumili. Ang dami-dami lang ng nagiging basura ko. Ang hilig-hilig natin sa tingi-tingi. Kaya siguro lahat na lang puwede mong makuha sa loob ng sachet, free texts, facebook data, freebies sa fastfood, tuition fee, sasakyan, at milyong-milyong pa-premyo. Milyon-milyong basura rin ang nililikha natin.  

Ayon sa Greenpeace, kabilang ang Pilipinas sa Top 5 ASEANs na tumatapon ang plastik sa karagatan. Ayon naman sa pananaliksik ni Jenna Jambeck ng University of Georgia, kabilang ang Pilipinas sa Top 10 na bansa na may mismanaged na plastik. May 275 million tons ng plastik sa sea floor natin at taon-taon ay nadadagdagan ito ng 8 million metric tons. At sa 2050, tinataya ng pag-aaral ng Ellen Macarthur Foundation na mas mabigat na ang plastik sa karagatan kaysa sa mga isda. Hindi ko lang alam kung counted ang bigat ng mga balyena kasi mammals naman sila.

       Kumain kami sa isang sikat na kebab resto malapit sa  Areneyow (Ateneo). Nakaka-in love si ate mo gurl. Parang shiny na Pokemon, sobrang bihira. Nag-take out s’ya ng kebab at dinig ko ang kalampag ng food containers n’yang inilabas sa bag. Itinanong kung ihahalo na ba ang sauce. May hiwalay pa s’yang lalagyan ng sauce. Nakatalikod ako sa counter pero gandang-ganda ako sa kanya.

      “A little inconvenience could save the seas,” sigaw ng mga lalagyan n’ya ng pagkain.

#













References:
Jambeck, Jenna R. et. Al. (2010),  Plastic Waste Inputs from Land into the Oceans.
Greenpeace (2017)
Municipal Environment and Natural Resources Office of Padre Garcia, Batangas








Thursday, October 26, 2017

Ginugunaguna

   Pinatawag ko sina ‘Nay Juliet at Ate Nelly para sa mga papeles ng Gabay-Kalinangan, 'yung community garden namin. Balak kasi naming maglagay ng kubo malapit sa gulayan namin para magsilbing social space namin. Term ko lang ‘yung social space. Sa kubo kami mag-uusap-usap tungkol sa mga suliranin namin sa komunidad. Doon din kami mag-aaralan tungkol sa iba’t ibang farming systems at management practices. Doon din kami magtetenor ng mga naani sa gulayan. Doon kami magkakaroon ng storytelling para sa mga bata. Sa kubo rin manunuluyan ang mga volunteers para makitulong sa komunidad sa pagsasaka.

Pagkatapos namin sa mga attachments ng proposal ay niyaya nila ako sa bertdey ni Nanay Salve. Ipininid ko agad ang folder. Bukas na lang ituloy at tayo'y mamertdeyan na. Ano ba naman ang isang araw na delayed ang social service?

Si Nanay Salve ang pinaka kinikilalang nagmiminanda sa kapitbahayan. Nagmiminanda, parang community elder. Medyo matriarchal ang dinamiko ng Gawad Kalinga sa Padre Garcia. Nang minsang may pulong kami sa pargola, ay naka-emergency mode si Nay Salve dahil papaanakin n'ya si Ate Jocelyn. Puputulin na lang ang pusod nang dumating ang mga health workers. S'ya rin ang tagapamayapa, kapag may nag-aaway sa kapitbahayan. S'ya ang umaawat sa nag-aamok at saka lang tumatawag ng pulis kapag hindi na nakikinig sa kanya. Si Nanay Salve ay ekstensyon ng baranggay hall sa Gawad Kalinga, ang dami n'ya ring functions.

Ang huling tanim n'ya ay siling panigang. Ang yabong at marami ring naibunga ang mga siling panigang dahil na rin siguro sa palangiti si Nanay Salve. Ang sunod n’yang itinanim ay mani. “Ser, hindi n’yo natikman ang mani ko. Ampula-pula at maalat ng mani ko,” pagmamalaki n’ya nang may kasamang halakhak. 

Ngayon na lang ulit ako nakatikim ng laing. Ng totoong laing. Maanghang-anghang at may pritong baboy na lahok. Pinapatuyo raw muna n'ya ang gabi bago gawing laing. Hindi rin labsak ang pagkakalaing pero hindi rin naman tuyot. Nakatatlong bulos ako ng kanin. Hindi na ako maghahapunan nito.

Pinipilit nila akong ihatid pauwi pero hindi na ako pumayag. Hindi na naman naulan at humabol pa rin ang sikat ng araw kahit mag-aalas singko na.  Sobrang kahel ng sinag pero mahalumigmig ang paligid dahil kakabuhos lang ng ulan. Nakakatanggal ng pagod mula sa magaspang na araw.

Nagpalsak lang ako ng headset at nakinig sa playlist kong Shawn Mendes na umaawit tungkol sa mga pagbabago sa buhay. Ilang beses pa akong niyakag makiangkas ng mga dumaang traysikel pero sumasaludo lang ako para magpasalamat at tumanggi. Mas gusto kong maglakad.

Pagdaan ko sa umapaw na spillway, napatingin ako sa sapatos ko. Ngumiti at nilusong ang baha pero hindi naman angat sa bukong-bukong ko. Nang maramdaman ko ang lamig ng tubig, natawa ako ng malakas. Nilapitan ako ng batang nagbibisikleta at may tinanong pero hindi ko narinig dahil max ang volume ni Shawn Mendes, kaya nginitian ko na lang din s’ya.

Sinusubukan kong irehistro sa isip ko lahat ng pakiramdam ko ng hapong ‘yon at ng maraming magagaspang na araw ngunit tinapos ng lambing ng komunidad. Kakatanggap ko lang ng memo for non-renewal nung isang linggo.

Kakailanganin ko ring matutunang makalimutan ang lasa ng laing ni Nay Salve.

#

Sunday, October 22, 2017

Cluster Meeting


     Andine  mga workmates ko. Present si Tsang Lorie, Bino, Ate Ruma, Mam Mildred, at si Leanne. Absent si Tita Digs, masakit yata ang tuhod. Cluster meeting cum pajama party Binagoongan, litsong manok, tirang barbekyu kaninang lunch, tsitserya, at malamig na juice ang pinagkaguluhan namin. Kainan at kuwentuhan lang. Puro na lang daw kasi kami trabaho.

     “May baso ka?”, “May pinggan ka?”, ‘May basahan ka?”, “Nag-mop ka ba ng sahig?”, “Bakit amoy pera?”, “May patubig ka naman?”, “Mahalin mo naman ang bahay mo”, atbp. Nabulabog ang bahay ko nang isang gabi. “Bakit isa lang ang tsinelas mo?” “Bakit kulang ang kutsara mo?” Mag-isa lang naman ako kako. Ang lagay gusto pang ipamukha ng mga sobrang gamit na nag-iisa lang ako sa bahay/buhay. Na maghahanap ako ng kasama para may gumamit sa kanila.

     At dahil hindi kinaya ng rice cooker ko ang gutom ng cluster 4, to be continued ‘yung bulos namin. Madalas ding de lata at kung ano-anong ulam lang ang kinakain namin. Iba rin kasing kumain talaga kapag may kasama. Nanghiram pa ako sa kapit-bahay ng pitsel para sa juice dahil wala nga akong gamit. Sinamahan na ni Ate Cris ng malamig na tubig ‘yung pitsel.

    Ininspek nila ang kuwarto ko. Napansin ang unan ko. Ang review ni Tsang habang namimilipit sa tawa ay “nyuminyumieeeeeeekk tagyawaaaat hikhikhik”. Kahit hindi ko naintidihan kasi sabay lumabas yung hagalpak n’yang tawa’t punchline, napahagikhik na rin kami. Kapag ginamit mo raw yung unan ko’y hindi ka pa nagigising ay may tagyawat ka na. Kailangan ko pang i-explain na gusto ko yung amoy ko sa unan.  Sabi ko rin naman sa text na magdala sila ng bedding or else makakatabi nila sa pagtulog ‘yung shi tzu ko. “May aso ba si Jord?” sabi ni Leanne. Wala, unan at kumot lang.

     Nung bumisita nga si Liyow, sabi n’ya gusto n’ya rin ‘yung amoy n’ya sa unan at kumot n’ya. Na-relax pa nga ang feedback ni Liyow pagkauwi nila sa Pasig. Pero si Donj, sinabihan kami na mga lamog daw kami. Pero mahimbing naman ang tulog namin pare-pareho.

     Nagkakuwentuhan pa rin tungkol sa trabaho. Ipinakita ko ‘yung habing Ilokos na nabili ko sa Agri-Link. Nagulat sila sa presyo nang ipakita ko ang balabal. May mga habi-yist kasi si Ate Ruma sa Ibaan. Meron daw pala talagang naghahabi sa bayan nila, nawala lang nitong mga 1950s at akala nga nila’y tuluyan nang namatay ang sining na ‘yun. Pero nagulat sila nang may umusbong na grupo ng mga naghahabi nang magkaroon ng pahiram puhunan ang Sustainable Livelihood Program sa Ibaan. Buhay pa pala ang sining! Nanlaki ang mata ko dahil magandang istorya yaan, babaan natin para masulat!

     Nang bubuklatin na kung ilan pa ang balanse sa targets namin, pinigil ko na sila. Ang mag-usap tungkol sa targets, pahihiramin ko ng unan. Hanggang sa nauwi na sa mga kuwentong misteryo at katatakutan. Si Tsang ay nanaginip na may maikling buhok na babae na nakaakap sa kanya. Si Ate Ruma naman ay ikinuwento ‘yung dalawang kaso ng nawawalang buntis sa kanila sa Mindoro. na ‘yung isa, nakita sa Calamba pero wala nang bata sa sinapupunan. Pinaanak nang di n’ya alam. Pero ‘yung isang nanay, hindi pa rin nakikita hanggang ngayon. Hanggang sa umabot sa Do-ol at sa barang ang usapan.

     Pero nang ako na ang magkukuwento, ayaw naman ni Tsang; kung ayaw ko raw ako’y gisingin pa n’ya sa madaling araw kapag s’ya’y naiihi. Inis na inis pa ang tiya mo at ang tagal n’ya raw hinintay ‘yung tae n’ya ay umurong daw. E nag-iintroduction pa lang ako sa kuwento ko habang ako’y nagwawalis ng hihigaan nila at naglalatag ng kumot. “May alam ka ba rito na hindi naman alam?”. Ay ayaw namang ipakuwento. Matapos magsiligo ay kanya-kanya na silang hilata at hilik. Walang nanghiram ng unan o tumabi sa’kin sa pagtulog.

     Ang aga kong nakatulog. Siguro’y iba nga ring matulog nang may kahambugan muna. Nagisig kami ng bandang ala-sais. Si Tsang ay nagkusa nang magsalang ng malagkit at ako nama’y nagpainit ng pangkape. Nag-almusal kami ng champorado.

     Naipagwalis at lampaso ako ni Tsang. Naipaglipat ako ni Leanne ng ilaw sa banyo. Ang dami kong ulam. Ang dami ko ring shampoo at sabon. Dapat siguro’y magpa-meeting sa White House linggo-linggo for good housekeeping.

#
Dyord
Oktubre 20, 2017

White House

Thursday, October 19, 2017

Oktubre 19, 2017


     Nabawi ko na ‘yung maayos na tulog nung last month. Hinahabol ko na naman yung antok ngayong huling tatlong araw. Siguro dahil nafu-frustrate lang ako sa tinatakbo ng kalendaryo at monthly goals ko. Pakonti nang pakonti yung mga araw pero hindi dumadami yung natse-tsekan sa to-do-list ko. Last month naman halos na-tsekan ko lahat. Ngayon, ang dami lang talagang hindi inaasahang kumain ng mga araw ko.

     Self-forgiving naman na ako. Ganun naman talaga hindi ko matatapusan lahat ng gusto kong matapusan. O e di sa susunod na buwan. O di kaya sa susunod pa. Lalo lang akong papagurin ng pagpupumilit maghabol. Lalo lang mahahapo nang walang nararating. Mahirap lang talaga sigurong matutunang gawin ang mga bagay-bagay nang paisa-isa lang.

     Kanina, bigla ko na lang inayang magkape si Uloy. Hindi lang kami magkaintindihan sa pagsasangat ng kalendaryo n’ya sa kalendaryo ko. Akala mo mga artista. Tapos, nagpaalalang konting minuto na lang bertdey na raw n’ya. Kaya pala. 

     Sana kaya rin naman.

   

Wednesday, October 18, 2017

Botelya-Barya (Bughaw)


     Meron akong apat na coin jars, mga botelya para sa barya. Lahat ng natitipid ko sa aking baong pangdalawang linggo (biweekly allowance) na mga baryables ay nahahati sa dalawang botelya, sa bughaw at sa dilaw. Lahat naman ng natipid ko na papel ay nahahati sa natitirang dalawang botelya pa, sa pula at lila.

     Dapat ang cash on hand ko bago ko withdraw-hin ang dumating na suweldo, hangga’t maari ay Php 0.00. Kumbaga, kailangan liquidated muna kumbaga sa gobyerno. Alam ko dapat lahat ng pinuntahan ng pera ko hangang kapiso-pisuhan. Tapos, panibagong budget na naman ako.

     Minsang bumisita si Mama, hinuho ko na yung bughaw na botelya. “May Puhunan” ang label ng bughaw na takip. Dito napupunta ang lima at sampum pisuhin. At sa loob ng sampung buwan ay nakaipon naman ako ng Php 540. Nasa lima’t kalahating dosena rin ‘yun ng Kopiko Twin Pack na tinitimpla ni Mama para sa mga nagbubulante sa madaling araw. Tamang-tama raw dahil pinasalubungan s’ya ng kaibigan n’ya mula Qatar ng termos na may gripong di-pindot.

     Conditional cash transfer ang ibinigay kong mga barya. Kailangang itala ni Mama ang araw-araw n’yang benta sa maliit na notepad na binigay ko sa kanya. Kailangan ding magbigay sa’kin ng Php 100 sa katapusan ng buwan bilang savings. Pero duda ako kung kakayanin ngang magbigay buwan-buwan, baka ibaba ko na lang ng Php 50 kada buwan.

     Gagawa kasi ako ng bagong botelya, ang aming travel bottle.

Sunday, October 15, 2017

Bumili ka ng Utak: Spotting a Fake News

When in doubt, fact check.

Dati natatawa pa ako kapag may kumakalat na fake news. Seryoso ba, may napaniwala 'yung article na 'to? Pero ngayong hanap-buhay na rin ang pagsusulat ng fake news, nakakabahala na 'yung pagkabulag ng marami. Hindi na healthy na malamang maraming Pinoy ang sobrang busy. Sobrang busy para magtimbang-timbang. Kaya ito ang ilang tips para hindi ma-turn off si crush dahil lang nag-like o nag-share ka ng fake news:

1.) I-tsek ang By-line.  Sino ba ang sumulat? Dating sexy starlet? Anonymous blogger? I-research muna kung may scandal ba s'yang kinasangkutan dati. May pangalan ba s'yang nakataya? Gaano ba s'ya ka-credible sa paksang sinusulat n'ya? Timbangin kung bakit kaya n'ya sinulat ang article.

2.) I-tsek ang About Us (Kahit walang tayo). Tungkol saan ba ang blog/page/website? Balita ba talaga ang inilalathala nila? Kailan sila nagsimula? This past eleksyon lang ba? Urirating mabuti kung sino ang sponsors ng page. Sino-sino ang nagla-like at nagshe-share, may totoo ba silang profiles? Ngayon, kung sa sukat mo'y magka-utak talaga kayo, sige lang, i-share mo.

3.) I-review ang definition ng news. Ang balita ay lathalain tungkol sa mahalagang pangyayari. Hindi nag-oopinyon ang balita. Hindi rin naglalarawan. May pagpapahalaga sa akyurasi ng mga datos. Ang balita ay may sources, hindi puro raw at daw. At lalong higit, hindi nagnanakaw ng larawan mula sa iba pang balita. Kahit sa blog, responsable pa rin ang manunulat para sa kahit anong inilalathala n'ya.

4.) Basahing mabuti. Kahit masama 'yung content. Kung responsable talaga ang manunulat, maayos ang grammar; nasa Ingles man o Filipino 'yung fake news. ABUSADO PA MINSAN SA CAPSLOCK AT EXCLAMATION POINT!!!!!!!!!!! Minsan may emoticons pa kasama ng mga mura. Ang sakit -sakit sa mata! Fake news na nga ayaw pang ayusin. Pumasa ba kayo sa Sulating Pormal?! Kaya magtataka ka kung bakit ang daming nagbabasa at nagpapakalat.

5.) When in doubt, fact check. Kung hindi ka sigurado, magbasa sa ibang news sites. Alisin ang 'bayarang media' mentality. Kung may bayarang media, pangalanan aling pahayagan at sinong nagbayad. Kung wala, trash talk lang ang 'bayarang media'. Huwag basta maniwala sa mga YouTube videos. Mas maraming news sites na nagbalita, mas kapani-paniwala.

6.) Choose your battles. 'wag ka nang mag-engage sa pakikipagsagutan sa comment section. Feeling ko nakakapag-generate ka pa lalo ng income para sa mga fake news writers kapag mataas ang post engagements nila. Pinaka mainam na i-report ang mga fake news sites and posts. Sa Facebook, i-click ang "v" icon sa bandang kanan ng post. I-click ang report. Tapos, "I think it shouldn't be on Facebook". Tapos, "It's a false story". Puwedeng i-hide lahat ng posts sa site na 'yun or permanently i-block mo na sila. Gutumin mo 'yung mga fake news writers.

7.) I-tsek ang emotional faculties mo. Namuhi ka lang ba lalo sa mundo or sa ibang tao after mong mabasa 'yung article? Ngayon, kung nagalit ka lang at wala ka nang napulot sa article baka hindi na healthy na magbasa nang magbasa pa mula sa site na fina-follow. Kadalasan, fake news ay trigger ng galit at harsh na reaksyon, 'yun lang bukod sa kinokondisyon ka sa mga maling pinagmumukhang tama.

Kung may kaibigang nagpapakalat ng fake news. Warn her out of concern. Wag iparamdam na tanga s'ya. Baka biktima lang, dahil too busy para mag-research. Never lose a friend over a shared fake news. At kapag marunong ka nang mag-spot ng fake news, baka i-unblock ka na ni crush. Ayiii!

Yours trolly,

Dyord
Oktubre 14, 2017
White House

#







Saturday, October 14, 2017

Tea Time


     Bumisita si Mama sa bahay.

     Nagpakulo ako ng tubig. Para sa tsaa na kakabigay lang ni Eyah. Hindi ko alam kung saan n’ya nakuha ang panlasa para sa tsaa. Sinubukan ko ring pag-aralang uminom noong hayskul, pero kape talaga ako. Pala kape rin naman ang nanay ko. Tsaa lang talaga ang maiinom sa tinutuluyan ko dahil hindi pa ako nakakapag-groseri.

     Hindi man lang daw ako umuwi noong patay si Tatay. ‘yung pinaka matanda sa aming kapit-bahay. Kilala rin si Tatay na hilot sa’ming lugar, ‘yung nagtatapal na may bulong. Buhay na buhay daw sila nung may patay. Lalo na si Top-top, pamangkin ko. Palagi raw kasing may kape, tinapay, kanin, at ulam. Paano lagi na raw kasing kahati sina Vernon sa suweldo ni Papa. Eh, ilan na ba ang anak at pinapagatas ng kapatid ko? Tatlong sunod-sunod at hindi ko pa nga alam hanggang ngayon kahit ang palayaw nung bunso.

     Kaya hindi rin ni Mama mabayaran ang pagpapasukat sa lupa. Hindi pa nga ito napapatituluhan. Deeds of sale lang ang hawak n’ya. Kasi nga laging kapos. Aba, Ma, hindi ko ilalagay ang pera ko d’yan at ayoko namang tumira d’yan. Ayaw din naman naming tumira sa subdibisyon. Pero iniisip din namin na sayang naman ‘yung inuupa ko na 30K taon-taon. Pareho naming gustong tumira sa bukid. ‘yung makapag-alaga ng mga manok na tagalog at baboy-ramo at makapag-farm-farm. Gumawa ng sariling spice bottles. Makapagluto at makapaglako ng turon at kamote-cue.

     Kaya lang medyo malayo pa kami para makabili ng lupa sa bukid. 

Eligibility

Pauli-uli sila.

     Hagip lagi ng tingin kahit walang ilaw. Bawat kibot parang yabag, kahit manipis ang mga biyas. Walang ano-ano’y humahagilap ng tambo. Awtomatikong kumukulo ang dugo. Sumisingkit ang mata at lubhang tumatalas ang tainga. Kung maglagas man ang pagkakasinsin ng buli, ‘lampaki. Pipitpitin sila hangga't tumigil sa paggalaw ang mga antena. Hangga't hindi humiwalay ang mga biyas sa dunggot na katawan. Hahayaang maglamutak sa puti kong sahig. Wawalisin ko sa may pinto. Pero hindi ko sila itatapon. Aasahang kikilabutan ang iba pang may antena. Aasahang sa umaga ay uusisain sila ng mga langgam at kakalat ang pakpak. Ang natirang pakpak ang balita. Balita na lang silang uuwi sa kanilang mga lungga. Aasahang sa susunod na gabi wala nang magmamantsa sa’king sahig. Lalong humaba ang gabi at dumami ang mga balita, nabulag na ‘ko sa pagkasingkit. Palubay nang palubay ang salansan ng buli. Lahat ng may antena, kinakalos. Hindi na kaya ng muryatik ang mga mantsa. 

Pauli-uli pa rin sila.

#


Label

Mga Sangkap:
Sundalo, pangulo, diktador, abogado
Pamilya, kaibigan, panatiko, at asawa
Utak-palit-dyaryo, bala, baril, batuta,
(may mga nawawala...)
Araneta, San Juanico, Nutribun,
Mga piping papel, sigaw ng subersyon
Babad sa dugo, binurong pilit kahit mabaho,
Nasupil sa nakaw. Kriminal. Bayani.

Paalala:
Mahirap lunukin.
Lalo kung tunawin.

#


Now Open

Muling itutulak ang pinto
Babatiin ng tansong kalansing
Malalanghap ang talulot
Mga di iilang beses na rin
Parokyano na kung aaminin

Hihiga sa kumakantang dilim
Maglulumpiang hubad 
Hahayaang mamili ka ng sahog
Paghawi sa kurtina ang hudyat
Ng pagkakalapirat ng nakatambad na balat
Nakahain ang bukas na lumpia
Naghihitay ng mga matigas na pagnguya
Kakagat sa labi, pipikit ang mata
Ilulubog ang ulo sa butas
Habang ikinawag ang mga paa
Idampi ang mga maiinit na nguso
Higuping muli ang walong demonyo
Lumalangitngit ang hapag
Kung saan ang nakahain
Ang nasasarapan, wag mong tigilan
Gumuguhit ang kuko sa anit - Sinasabunutan.
Ngunit walang pakialam, kundi ay pakiramdam.
Dinuduyan ng samyo ng luyang dilaw
Hanggang nagbubumagal,
At matikman ang 'yong sabaw
Na ang sabi'y maganda rin sa panunaw.

Itutulak muli ang pinto
Nagpasalamat ang pakalansing na tanso.

#











Ito ay kalahok sa Saranggola Blog Awards 2017

Monday, October 9, 2017

Tetai



     Bago man lang s’ya maging Japayuki, kumain kami ni Roy sa labas. At sakto namang walang gaanong tao sa kinainan namin kundi ‘yung staff lang. Siguro dahil hindi pa suweldo (+ 2day ) o kaya naman ay hindi lang talaga pang masa ang lasa ng menu nila. Kaya naman puwede kaming mag-ingay, magkuwentuhan tungkol sa plano sa buhay, pulitika, kultura, nang walang mao-offend na ibang tao.

     Isa sa mga nabanggit n’yang natutunan tungkol sa kultura ng mga Hapon ay ang tetai. Palagiang pagbibigay ng compliments sa ‘yong mga katrabaho. Kahit na hindi maayos ang performance nila, i-compliment pa rin sa ngalan ng harmonious working environment.

     Parang kaplastikan pero sabi nga; may malaking epekto ang mga sinasabi ng mga nasa paligid mo tungkol sa’yo. Kung palagiang sinasabihan ka ng good job kahit hindi naman, baka eventually ay maging good job na nga ang output mo.

    O kung hindi man mabago, at least hindi magiging nakakalason ang opisina dahil sa mga negatibong puna. Lalo na kung ipinangangalandakan sa lahat ang pagkuskos sa mukha mo ng mga hindi mo pa natatapusan, kahit ‘yung good performing nalalason na rin.

     Natawa na lang ako nang maalala ang trabaho namin sa Kagawaran. Kapag tatrabahuhin pa’y tulakang-tulakan, pero kapag accomplishment na’y agawang-agawan na. Hindi mo rin naman daw talaga maiiwasang magkumpara ng kultura nung ng-aaral sila sa agency, sabi ni Roy. Pero sana naman din, ‘wag nating iwasang matuto sa magagandang kultura ng iba.

     Mga tatlong taon si Roy sa Japan, sana’y marami s’yang pasalubong na kuwento at magandang asal pag-uwi. Lalo na ng magandang asal. Inubos namin ang lahat ng nasa plato namin. Dahil mahal. Lalong higit na dahilan ay nag-itadakimasu kasi kami.

     

Saturday, October 7, 2017

Si Ate Deli at ang kanilang buhay sa Pulong Kamatis



“We need storytelling. Otherwise, life just goes on and on, like the number of Pi”
                                                               -Ang Lee, director of Life of Pi

    Kaya nagprisinta at nagpumilit na’kong isaksak sa kalendaryo ko na gagawa kami ng isang istorya kada karatig kong bayan dito sa Batangas na natulungan na ng aming Kagawaran. Kapag nasa mga meetings kasi kami, mapapansin mo na puro numero ang ipiniprisinta ng bawat programa at empleyado. Parang ‘yung mga tao,  naging numero na lang na kailangang iproseso. Kaya pinilit namin na sa daan-daang natulungan ng Programa ay magkaron man lang kahit isa o dalawang pangalan. Magpe-present kami ng social impact stories sa mga susunod naming meetings.


Si Tsang Lorie habang nakikipagkuwentuhan sa mga kasapi ng
Sustainable Livelihood Program sa Laiya Ibabaw.

    Si Ate Deli ng Brgy. Laiya Ibabaw sa bayan ng San Juan ang una kong nakilala. Matagal na rin s’yang nakakatanggap ng tulong mula sa Pantawid. At malaking tulong ‘yon para sa kanilang mga pumapasok na mga hayskul, magkano lang ba ang kinikita nila sa pagbubukid at sampo ang kanilang anak.

   Naging parent leader na s’ya sa Pantawid at pagkatapos ay naging konsehala ng baranggay at pangulo ng samahan ng mga magulang sa eskuwelahan. Ngayon, pangulo naman si Ate Deli ng asosasyon nila sa Programa na nagpapahiram ng puhunan sa kanilang maliliit na negosyo.Leaders are made sa kaso ni Ate Deli.

   Sinadya namin ang bahay nila sa Sitio Pulong Kamatis. May kalayuan sa baranggay hall, walang sasakyan, maputik, at madawag. Suot ko pa naman ay ‘yung Converse ko na sneakers na puti ang sole. Kako’y  lumabas na lang din kami ng opisina ay  lubusin na, hindi naman kami mga diwata na hindi dapat napuputikan. Kaya nga groundworking.
   Sa daan nabanggit sa akin ni Ate Deli na sampo ang anak n’ya ngayon pero kung buhay lahat ay labing-apat. Ilan sa kanyang mga anak ay may pamilya na ngunit hindi naman lubusang handa kaya inaagapayan pa rin n’ya hanggang ngayon. “Mga honor student pa naman,” panghihinayang n’ya. Pagsasaka ng mais at mga gulay ang ipinangtaguyod sa pamilya at katiwala lamang sila ng malawak na lupaing sinasaka.




Parang sa Sitio Pulong Kamatis

   Hindi pa sementado ang daan papasok ng Sitio Pulong Kamatis. ‘yung bahay nina Ate Deli ay nasa kabilang ibayo pa ng malawak na parang. Parang na kapag tag-ulan ay matubig at maputik. Nakumpirma ito ng tumubog na Converse ko. Wala pa kami sa kalahati’y napasok na ng tubig ang loob ng sapatos ko. Nagsasabaw pa naman ang mga tae ng kalabaw at baka sa tubig. Ginagamit daw ang kalabaw na tagahila ng kawayan at kalakal papuntang barakahan sa Bulsa o bagsakan ng mga ani sa bukid. Hindi kasi abot ng de gulong ang barakahan lalo na kung maputik kaya ipinapahila sa kalabaw. Kagaya ng kamote, 20 pesos per sako ang sita sa kalabaw at hanggang apat na sako (80 pesos) lang ng kamote ang kayang hilahin ng kalabaw. Kasapi rin ng Kapamilya Sustainable Livelihood Program Association ang may-ari ng kalabaw carrier services.
   
   “Dini nadaan ang aking mga eskuwela.” Hindi muna isusuot ang mga black shoes at naglilinis na lang ng paa kapag natawid na ang parang at malapit na sa eskuwelahan.  Tuwing umaga, hands-on si Ate Deli sa paghahanda ng isusuot at aalmusalin ng kanyang eskuwela. Nagpapakain pa rin s’ya ng lima nilang baka at isang kabayo. Napundar lang nila ang mga ito sa mga paiwi sa kanila. Madalas kapag hindi nakakapaghanda ng maluto si Ate Deli ay nanunulungan s’ya sa canteen para libre na ang pananghalian ng kanyang mga eskuwela. Nagyu-utility pa nga s’ya sa elementary at sayang din ang honorarium.

   Nang una s’yang manghiram ng puhunan, ginamit nila ito ng kanyang mister na si Kuya Ansyo sa pagmamanukan. Sumala na s’ya sa pagtatanim ng mais at gulayin kaya naghayupan naman sila. Nag-alaga sila ng 100 ulo sa loob ng isang taon pero sumala rin ang negosyo nilang ito kaya ang natira nilang pera sa pagmamanok ay ipinahiram ulit ng asosasyon nila para idagdag sa pambili ng bangka.




Si Ate Deli at Princess Lovely

   Ginamit ni Kuya Ansyo ang bangka sa pandudulong at sa wakas ay tumama naman sila. Malaki ang naiuuwi nila kapag may dulong sa isang dayite o isang linggo na gabi-gabi ay nasa laot. Nakakatulong pa sila sa ibang taong nakakasama nila pandudulong. Minsan, nakakagawa pa ng bagoong si Ate Deli na dinadala pa nila sa Dolores, Quezon.

   Princess Lovely ang pangalan ng kanilang bangka, bunso nilang anak si Lovely. Matapos lang ang isang taon, nakapundar din sila ng isa pang bangka at ipapalaot na si Prince Christian kapag natapusan na ang kanyang pintura. Gagamitin naman nila ito bilang tourist boat kung saan kumikita rin sila sa mga local tourists at divers.

    “Ang oras ay ‘wag masayang,” ang simpleng panuntunan ni Kuya Ansyo. Kaya bukod sa pagdudulong ay gumagawa naman ng mga upuan mula sa mga patay nang puno o natumbang kahoy si Kuya Ansyo nito lang nakalipas na buwan.


Si Ate Deli habang kinukuwento si Christian

   Sa dami ng ginagampanan ni Ate Deli para sa kanyang komunidad at kanyang pamilya, hindi mo na maiisip na may dinadala pa s’yang condition sa kanyang colon. Magastos din ang gamutan n’ya hanggang ngayon. Napakalaking tulong ang maayos nilang kabuhayan ngayon dahil hindi sila kalat ang paa sa pangungutang para sa pagpapa-check up at pambili ng gamot ni Ate Deli. “Tiyaga-tiyaga lang Ser, at nakakaadya rin naman.”

   “Kasiyahan ko na makita ang aking mga anak sa umaga ay mga naka-uniporm at sunod-sunod na naglalakad  papasok sa eskuwela,” ang simpleng kasiyahan ni Ate Deli. Buong pagmamalaki n’ya nga sa’kin ‘yung mga medals ng mga anak n’ya sa kanilang ding-ding. Si Christian, Grade 7, ay simula kinder ay honor student, campus journ, at pandayo ng eskuwela sa mga quiz bee. Kaya todo suporta naman ang mag-asawang Ate Deli at Kuya Ansyo sa pag-aaral ng mga anak.

   Pagbalik namin sa baranggay hall, sinuklian kami ng prito at pinaksiw na bangus na tanghalian ng mga taga-Laiya Ibabaw. May sawsawang toyomansi na mag ginayat na sibuyas. Ang lambot-lambot at amputi-puti ng kanin. Malamig na malamig din ang tubig. Si Ate Deli at ibang mga nanay ang nag-abyad ng tanghalian namin kahit hindi naman dapat. Napalakas talaga ang kain namin nina Tsang Lorie at Mam Mildred.

    At least isa sa daan-daang livelihood statistics ng San Juan ay mayroon nang kuwento at pangalan.