Tuesday, October 3, 2017

Achievement Unlocked: Writing Desk

Ang haba na ng TBR list ko. 


     Mahigit isang taon din akong nagtiyaga na kumain at magsulat sa ibabaw ng mega box, ‘yung plastik na taguan ng mga gamit sa bahay. Masakit sa likod at hindi ka talaga gaganahan magtrabaho o magsulat sa bahay, nakakangalay.

     Naalala ko nung wala pa akong regular at totoong trabaho (hindi pa rin naman ako regular hanggang nagyon, sinabi ko sa sarili ko na kapag namumuhay na ‘ko mag-isa ay mas makakapagsulat na ako nang matiwasay. Nang mas marami. Nang mas maayos. Kasi naman sa bahay namin, imbes na creative ay destructive process ang aabutin mo sa dakdak ni Mama, singhal ni Papa, at ingay ng telebisyon. Pero nakasulat nga ba ako nang mas maayos, marami, at matiwasay nang namuhay na’ko mag-isa sa White House? Hindi rin.

     Bukod sa masakit nga sa likod kapag nagsulat ka sa ibabaw ng mega box, marami pa ring dahilan para di magsulat. Nang minsang dumalaw ako kena Donjie at Liyow sa Pasig, nakita ko ‘yung working desk ni Liyow sa tinitirhan nila sa Ugong. Tapos, sa dingding nakapaskil ‘yung mga projects na dapat matapusan. Nainggit ako sa table at sa productivity kaya sabi ko ako rin.

     Pagkauwing-pagkauwi ko mag-iinvest ako sa maayos na writing space kung gusto ko talagang ayusin ang buhay ko. Pinasok ko ang Ace hardware at kumuha ng malawak-lawak pero kaya kong dalhin na collapsible na table para kaya kong bitbitin sakaling palayasin na ko ng Kagawaran. Binaklas ko ang cork board sa office kasi ako naman ang bumili noon at inuwi ko sa bahay. Dahil hindi ko kayang magpako-pako at baka masira ko ang pader ay bumili naman ako sa Japan Home ng hooks na may adhesive na susunugin sa likod para kumapit. Kayang dalhin ng metal hooks hanggang 3 kg. Bumili rin ako ng pins, binder at paper clips sa NBS. Bumili rin ako ng magagandang bolpen, ‘yung Zebra 0.5 at isang highlighter na yellow-green. Tapos, pinatasan ko ng mga books ‘yung table ko, pinagmukha kong cluttered pero maayos.

Table: Php 2,100
Cork board: Php 550
Metal hooks: Php 193 (3 pcs.)
Pins, Binders, & Paper clips: Php 82
Highlighter: Php 30
Zebra 0.5: Php 56 (2 pcs)

     ‘yung upuan ko, hiniram ko lang sa lokal na pamahalaan, “MSWDO” pa ang nakaukit sa sandalan.  Ibabalik ko na lang kapag nag-inventory. Nagdadala rin naman ako ng mga trabaho sa bahay ah. Ipinagpaalam ko naman kay Mam Galela, sabi ko kasi’y wala na rin akong pambiling upuan.

     Nakasulat ba ako ng marami, maayos at matiwasay? Hindi pa rin yata. Naghihigitan pa rin kami. Minsan nahuhuli kong nanonood lang ako ng anime o kaya naglalaro sa photoshop. Pero bago natapos ang Setyembre, 9 out of 12 ang natapusan ko sa inilista kong mga dapat matapusan. At ilan sa mga ‘yun ay sulatin na ipapasa kunghaanman. Kahit papaano, naibalik ko na ‘yung Php 3,011 na ininvest ko sa writing space ko sa pamamagitan ng pagsusulat.
#

Dyord
Oktubre 02, 2017
White House

No comments: