Saturday, October 7, 2017

Si Ate Deli at ang kanilang buhay sa Pulong Kamatis



“We need storytelling. Otherwise, life just goes on and on, like the number of Pi”
                                                               -Ang Lee, director of Life of Pi

    Kaya nagprisinta at nagpumilit na’kong isaksak sa kalendaryo ko na gagawa kami ng isang istorya kada karatig kong bayan dito sa Batangas na natulungan na ng aming Kagawaran. Kapag nasa mga meetings kasi kami, mapapansin mo na puro numero ang ipiniprisinta ng bawat programa at empleyado. Parang ‘yung mga tao,  naging numero na lang na kailangang iproseso. Kaya pinilit namin na sa daan-daang natulungan ng Programa ay magkaron man lang kahit isa o dalawang pangalan. Magpe-present kami ng social impact stories sa mga susunod naming meetings.


Si Tsang Lorie habang nakikipagkuwentuhan sa mga kasapi ng
Sustainable Livelihood Program sa Laiya Ibabaw.

    Si Ate Deli ng Brgy. Laiya Ibabaw sa bayan ng San Juan ang una kong nakilala. Matagal na rin s’yang nakakatanggap ng tulong mula sa Pantawid. At malaking tulong ‘yon para sa kanilang mga pumapasok na mga hayskul, magkano lang ba ang kinikita nila sa pagbubukid at sampo ang kanilang anak.

   Naging parent leader na s’ya sa Pantawid at pagkatapos ay naging konsehala ng baranggay at pangulo ng samahan ng mga magulang sa eskuwelahan. Ngayon, pangulo naman si Ate Deli ng asosasyon nila sa Programa na nagpapahiram ng puhunan sa kanilang maliliit na negosyo.Leaders are made sa kaso ni Ate Deli.

   Sinadya namin ang bahay nila sa Sitio Pulong Kamatis. May kalayuan sa baranggay hall, walang sasakyan, maputik, at madawag. Suot ko pa naman ay ‘yung Converse ko na sneakers na puti ang sole. Kako’y  lumabas na lang din kami ng opisina ay  lubusin na, hindi naman kami mga diwata na hindi dapat napuputikan. Kaya nga groundworking.
   Sa daan nabanggit sa akin ni Ate Deli na sampo ang anak n’ya ngayon pero kung buhay lahat ay labing-apat. Ilan sa kanyang mga anak ay may pamilya na ngunit hindi naman lubusang handa kaya inaagapayan pa rin n’ya hanggang ngayon. “Mga honor student pa naman,” panghihinayang n’ya. Pagsasaka ng mais at mga gulay ang ipinangtaguyod sa pamilya at katiwala lamang sila ng malawak na lupaing sinasaka.




Parang sa Sitio Pulong Kamatis

   Hindi pa sementado ang daan papasok ng Sitio Pulong Kamatis. ‘yung bahay nina Ate Deli ay nasa kabilang ibayo pa ng malawak na parang. Parang na kapag tag-ulan ay matubig at maputik. Nakumpirma ito ng tumubog na Converse ko. Wala pa kami sa kalahati’y napasok na ng tubig ang loob ng sapatos ko. Nagsasabaw pa naman ang mga tae ng kalabaw at baka sa tubig. Ginagamit daw ang kalabaw na tagahila ng kawayan at kalakal papuntang barakahan sa Bulsa o bagsakan ng mga ani sa bukid. Hindi kasi abot ng de gulong ang barakahan lalo na kung maputik kaya ipinapahila sa kalabaw. Kagaya ng kamote, 20 pesos per sako ang sita sa kalabaw at hanggang apat na sako (80 pesos) lang ng kamote ang kayang hilahin ng kalabaw. Kasapi rin ng Kapamilya Sustainable Livelihood Program Association ang may-ari ng kalabaw carrier services.
   
   “Dini nadaan ang aking mga eskuwela.” Hindi muna isusuot ang mga black shoes at naglilinis na lang ng paa kapag natawid na ang parang at malapit na sa eskuwelahan.  Tuwing umaga, hands-on si Ate Deli sa paghahanda ng isusuot at aalmusalin ng kanyang eskuwela. Nagpapakain pa rin s’ya ng lima nilang baka at isang kabayo. Napundar lang nila ang mga ito sa mga paiwi sa kanila. Madalas kapag hindi nakakapaghanda ng maluto si Ate Deli ay nanunulungan s’ya sa canteen para libre na ang pananghalian ng kanyang mga eskuwela. Nagyu-utility pa nga s’ya sa elementary at sayang din ang honorarium.

   Nang una s’yang manghiram ng puhunan, ginamit nila ito ng kanyang mister na si Kuya Ansyo sa pagmamanukan. Sumala na s’ya sa pagtatanim ng mais at gulayin kaya naghayupan naman sila. Nag-alaga sila ng 100 ulo sa loob ng isang taon pero sumala rin ang negosyo nilang ito kaya ang natira nilang pera sa pagmamanok ay ipinahiram ulit ng asosasyon nila para idagdag sa pambili ng bangka.




Si Ate Deli at Princess Lovely

   Ginamit ni Kuya Ansyo ang bangka sa pandudulong at sa wakas ay tumama naman sila. Malaki ang naiuuwi nila kapag may dulong sa isang dayite o isang linggo na gabi-gabi ay nasa laot. Nakakatulong pa sila sa ibang taong nakakasama nila pandudulong. Minsan, nakakagawa pa ng bagoong si Ate Deli na dinadala pa nila sa Dolores, Quezon.

   Princess Lovely ang pangalan ng kanilang bangka, bunso nilang anak si Lovely. Matapos lang ang isang taon, nakapundar din sila ng isa pang bangka at ipapalaot na si Prince Christian kapag natapusan na ang kanyang pintura. Gagamitin naman nila ito bilang tourist boat kung saan kumikita rin sila sa mga local tourists at divers.

    “Ang oras ay ‘wag masayang,” ang simpleng panuntunan ni Kuya Ansyo. Kaya bukod sa pagdudulong ay gumagawa naman ng mga upuan mula sa mga patay nang puno o natumbang kahoy si Kuya Ansyo nito lang nakalipas na buwan.


Si Ate Deli habang kinukuwento si Christian

   Sa dami ng ginagampanan ni Ate Deli para sa kanyang komunidad at kanyang pamilya, hindi mo na maiisip na may dinadala pa s’yang condition sa kanyang colon. Magastos din ang gamutan n’ya hanggang ngayon. Napakalaking tulong ang maayos nilang kabuhayan ngayon dahil hindi sila kalat ang paa sa pangungutang para sa pagpapa-check up at pambili ng gamot ni Ate Deli. “Tiyaga-tiyaga lang Ser, at nakakaadya rin naman.”

   “Kasiyahan ko na makita ang aking mga anak sa umaga ay mga naka-uniporm at sunod-sunod na naglalakad  papasok sa eskuwela,” ang simpleng kasiyahan ni Ate Deli. Buong pagmamalaki n’ya nga sa’kin ‘yung mga medals ng mga anak n’ya sa kanilang ding-ding. Si Christian, Grade 7, ay simula kinder ay honor student, campus journ, at pandayo ng eskuwela sa mga quiz bee. Kaya todo suporta naman ang mag-asawang Ate Deli at Kuya Ansyo sa pag-aaral ng mga anak.

   Pagbalik namin sa baranggay hall, sinuklian kami ng prito at pinaksiw na bangus na tanghalian ng mga taga-Laiya Ibabaw. May sawsawang toyomansi na mag ginayat na sibuyas. Ang lambot-lambot at amputi-puti ng kanin. Malamig na malamig din ang tubig. Si Ate Deli at ibang mga nanay ang nag-abyad ng tanghalian namin kahit hindi naman dapat. Napalakas talaga ang kain namin nina Tsang Lorie at Mam Mildred.

    At least isa sa daan-daang livelihood statistics ng San Juan ay mayroon nang kuwento at pangalan.


   

No comments: