Bumisita si Mama sa bahay.
Nagpakulo ako ng tubig. Para sa tsaa na kakabigay lang ni Eyah. Hindi ko alam kung saan n’ya nakuha ang panlasa para sa tsaa. Sinubukan ko ring pag-aralang uminom noong hayskul, pero kape talaga ako. Pala kape rin naman ang nanay ko. Tsaa lang talaga ang maiinom sa tinutuluyan ko dahil hindi pa ako nakakapag-groseri.
Hindi man lang daw ako umuwi noong patay si Tatay. ‘yung pinaka matanda sa aming kapit-bahay. Kilala rin si Tatay na hilot sa’ming lugar, ‘yung nagtatapal na may bulong. Buhay na buhay daw sila nung may patay. Lalo na si Top-top, pamangkin ko. Palagi raw kasing may kape, tinapay, kanin, at ulam. Paano lagi na raw kasing kahati sina Vernon sa suweldo ni Papa. Eh, ilan na ba ang anak at pinapagatas ng kapatid ko? Tatlong sunod-sunod at hindi ko pa nga alam hanggang ngayon kahit ang palayaw nung bunso.
Kaya hindi rin ni Mama mabayaran ang pagpapasukat sa lupa. Hindi pa nga ito napapatituluhan. Deeds of sale lang ang hawak n’ya. Kasi nga laging kapos. Aba, Ma, hindi ko ilalagay ang pera ko d’yan at ayoko namang tumira d’yan. Ayaw din naman naming tumira sa subdibisyon. Pero iniisip din namin na sayang naman ‘yung inuupa ko na 30K taon-taon. Pareho naming gustong tumira sa bukid. ‘yung makapag-alaga ng mga manok na tagalog at baboy-ramo at makapag-farm-farm. Gumawa ng sariling spice bottles. Makapagluto at makapaglako ng turon at kamote-cue.
Kaya lang medyo malayo pa kami para makabili ng lupa sa bukid.
No comments:
Post a Comment