Bago man lang s’ya maging Japayuki, kumain kami ni Roy sa labas. At sakto namang walang gaanong tao sa kinainan namin kundi ‘yung staff lang. Siguro dahil hindi pa suweldo (+ 2day ) o kaya naman ay hindi lang talaga pang masa ang lasa ng menu nila. Kaya naman puwede kaming mag-ingay, magkuwentuhan tungkol sa plano sa buhay, pulitika, kultura, nang walang mao-offend na ibang tao.
Isa sa mga nabanggit n’yang natutunan tungkol sa kultura ng mga Hapon ay ang tetai. Palagiang pagbibigay ng compliments sa ‘yong mga katrabaho. Kahit na hindi maayos ang performance nila, i-compliment pa rin sa ngalan ng harmonious working environment.
Parang kaplastikan pero sabi nga; may malaking epekto ang mga sinasabi ng mga nasa paligid mo tungkol sa’yo. Kung palagiang sinasabihan ka ng good job kahit hindi naman, baka eventually ay maging good job na nga ang output mo.
O kung hindi man mabago, at least hindi magiging nakakalason ang opisina dahil sa mga negatibong puna. Lalo na kung ipinangangalandakan sa lahat ang pagkuskos sa mukha mo ng mga hindi mo pa natatapusan, kahit ‘yung good performing nalalason na rin.
Natawa na lang ako nang maalala ang trabaho namin sa Kagawaran. Kapag tatrabahuhin pa’y tulakang-tulakan, pero kapag accomplishment na’y agawang-agawan na. Hindi mo rin naman daw talaga maiiwasang magkumpara ng kultura nung ng-aaral sila sa agency, sabi ni Roy. Pero sana naman din, ‘wag nating iwasang matuto sa magagandang kultura ng iba.
Mga tatlong taon si Roy sa Japan, sana’y marami s’yang pasalubong na kuwento at magandang asal pag-uwi. Lalo na ng magandang asal. Inubos namin ang lahat ng nasa plato namin. Dahil mahal. Lalong higit na dahilan ay nag-itadakimasu kasi kami.
No comments:
Post a Comment