Day 05 - Bukod sa Bulkan
Si Ate Merly at Ella Mae sa tambayan naming kubo kuha ni: Kuya Ivan
Sakay ako ng 6x6 na sasakyan ng militar, umuga dahil sa init ng paa sa preno, tumabingi pa ang mga timba. May ilang natapong bigas sa maputik na sahig ng trak. Nakita na lang namin ang sarisariling nakadapa at nakatuon sa matutumba pang mga timba. Unahin natin ‘yung nasa taas, tapos nasa likod, kasi lulugso kapag inuna natin ang mga nasa timba sa unahan.
Hindi yata ako na-gets ng tropang uragon. Baka nagmamadali sila dahil marami pang gagamit ng sasakyan. Strategy lang sana para hindi magtumbahan pa lalo ang mga timba, nanghihinayang ako sa bigas e. Parang Jengga lang naman. Sa unahan pa rin sila kumukuha. Nagmamadali tuloy akong saluhin ang tiglilimang kilong bigas para di matapon. Masakit palang kumilos sa loob ng 6x6 na may kubol. Hanggang pinababa na ako, volunteer writer nga pala ako rito.
Matatapos ang limang araw ng pagiging volunteer writer sa disaster response sa pagbibigay ng bigas sa timba sa pinaka malaking evacuation center sa Camalig; sa Bariw. Nakakatuwa ‘yung mga Albayon na kusang luminya para pagpasapasahan ang timba mula sa pagbaba ng trak papunta sa stage ng basketball court. May mga nanay, binatilyo, dalaga, pastor, sundalo, na kitang-kita ang mga pang-mais, parang naglalaro. Kada matatapos ang paghahakot ng reliefs sa isang 6x6; naghihiyawan ang mga Albayon.
Ibang-iba sa ipinapakita sa telebisyon kapag may kalamidad. Hindi ko rin naman masisi ‘yung paawa at parang di kaya ang sarili na paglalarawan ng mga bakwit dahil humahakot ‘yon ng tulong. Dapat balikan natin kung may nawawala ba sa mga bakwit kung ganito ang paraan ng pagpapalabas sa kanila. Dapat ding tingnang mabuti ng magbibigay kung kailangan ba munang kalunos-lunos ang itsurahin bago n’ya makita ang pangangailangan.
May mga bulnerabe naman talagang hirapang lubha sa paghahanap ng pagkain gaya ng mga solo parents at senior citizens. Abot-abot ang pasalamat ni Nanay Elena na nasa Caguiba ngayon. “Dak’lung tabang,” aniya dahil hindi na n’ya bibilihin ang ilang araw na kakainin. Hindi rin kasi sigurado kailan ang tigil ng pag-aalburuto ng Mayon.
Si Ate Delit sa loob ng Room no. 4 kasama ang 18 pang pamilya
Ilang araw din akong tumambay sa mga evacuation centers. Bihira ang mga tatay sa umaga, nasa bukid o nasa trabaho raw kapag tinatanong ko ‘yung mga nanay. Naghahagilap ng uulamin. Nakakuwentuhan ko si Ate Delit, may limang anak kasama ang nasa sinapupunan, may pinangat pa at isdang tatanghalianin. Kapag wala nang relief, saka nila gagalawin ‘yung mga ipon nila.
Nakakaligo rin naman sila kahit medyo may problema sa privacy. Nakalipstik at manipis na make-up pa nga si Ate Merly na nagsasaka sa Brgy. Quirangay. Nasa hayskul pa lang siya ay nakakaranas na s’ya ng buhay bakwit. Pinaka mababa n’ya raw na tigil sa evacuation center ay tatlong buwan. Pagbalik nila, ibebenta na lang daw n’ya ang isa sa walo nilang baka para gawing puhunan muli sa pagtatanim.
Tinutulungan din nina Ate Merly at ng mga roommates, sina Ella Mae at tatlong kaptid. Nasa ospital ang magulang nila dahil sa ectopic pregnancy kaya naiwan sila ng higit nang isang linggo. Minsan, ipinagtitimpla ng kape at binibigyan-bigyan nila ng ulam. Tumutulong din naman sa paglilinis sina Ella Mae. Albayon para sa Albayon, sabi nga ng isang disaster tagline nila.
Isa pa sa mga na-random select ko sa pila ay si John Lenard, Grade 10 sa Ilawod National High School. Kasama n’ya raw ‘yung tiyo n’ya. Pero hindi n’ya kadugo. Mula sa di karaniwang pamilya si Lenard; pang-MMK na pamilya. Naninarahan pa s’ya sa istasyon ng pulis. Magpi-pitong buwan na raw s’yang nakikitira ngayon sa bespren n’yang si Ejay. Pinapadalhan din s’ya ng Mama ni Ejay ng allowance sa school bukod pa sa tulong galing sa baranggay Tagaytay.
Si John Lenard na bakwit sa Caguiba National High School
Umuuwi naman s’ya sa tiyahin para kumustahin ang lima pang kapatid. Dalawa sa kapatid n’ya ay tumigil na sa pag-aaral. Balak pa rin n’yang ituloy ang pag-aaral at kumuha ng Accounting sa senior high kahit walang kasiguraduhan.
Hirapan kami sa pakikipaghuntahan pero sila ang nag-aadjust sa pagtatagalog ko. Hindi rin sila maramot sa kuwento ng buhay-buhay. Bukas na bukas. Kapag tinutukan mo ng kamera, mag-aayos, at ngingiti. Liban na lang kung ida-direct mo ng “ayan, kunwari nakatingin ka sa malayo, nag-iisip at malungkot”.
Iniisip ko nung dumating ako sa Camalig kung okey lang bang magandahan ako sa pagsabog ng bulkan. Sumisira kasi ito ng bukid nila. Umabala sa kani-kanilang mga pasok. Nagpapaatras ng ilang hakbang mula sa mabagal na ngang pag-usad. Humanap kami ng mataas na burol sa Baligang. Natasak pa ako ng kahoy. Nandun ang mga tao imbes na nasa telebisyon; inaantay ang pagsabog at may dala pang inumin.
Umakyat pa kami sa mas mataas pa, sa Quituinan Hill; may mga naka-tent pa. May pa-barbikyu pa si Mayora. May magsing-irog na naglatag sa damuhan. May barkada at ilang sitserya. Nag-set up kami ni Kuya Ivan ng tripod n’ya. Tiniis ang hamog at halumigmig ng hangin. Nakatanaw sa mabagal na pagdaloy ng pulang lava sa labi ng Mayon. Sasabog-hindi na pahiwatig habang on-and-off ako ng kamera dahil tinitipid ang baterya.
Tatlong oras at mahigit bago bumulwak. Napahawak ako sa kaliwang dibdib na dumadagundong din. Naglalaban ang sana hindi muna mawala ‘yung saglit na pula at sana huminto na ang pagbuga. Shutter lang naman ng kamera ang hawak namin. Iba ang may hawak ng sa bulkan.
Magsisinungaling kaming lahat kung hindi namin sasabihing magayon nga.
#
Dyord
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon