Bago pumasok ang bagong taon piniktsuran ko ‘yung iba’t ibang bahagi ng bahay namin. Iba’t ibang anggulo ng gulo. ‘yung mga nakasabit sa bubong, santambak sa kusinang hugasin, at bundok ng tiklupin at bundok ng labahing damit, so mountain range na s’ya ang daming peak e. Piniktsuran ko rin ‘yung lumang-lumang mga patungan na baka mas matanda pa sa’kin. Kinuhanan ko lahat para kapag nalinis ko na ay pipiktsuran ko ulit. Before and after shots para may documentation ng development.
Sabi ko kay Mama, bumili s’ya ng tumbler na lalagyan namin ng tubig sa CR kasi Grade 5 pa yata ako nang mabili namin ‘yun. Dati ang kulay n’ya ay asul, ngayon itim na. At inililigo namin ang tubig na iniimbak doon. Pakiramdam ko lalo akong narurumhan at nangangati.
Sinamahan ko rin sina Mama sa pagbili ng LED light bulbs dahil andilim talaga ng ilaw sa bahay. Pandidil’man ka talaga ng paningin. Naikabit naman agad. Sinamahan ko rin sa pagbili ng burner. Palitan na kako ‘yung ginagamit namin na portable burner ng butane kasi hindi naman tayo nakakatipid sa patingi-tinging gas at mukhang isang saltik na lang masasabugan na tayo ng kamay.
Hindi naman ako magpapabili nang hindi nag-abot. Nag-abot ako, sabi ko pa nga ay puhunanin muna sa pagtitinda nitong nagdaang Pasko at Bagong taon, kalakasan e. T’saka para mapatubuan pa ‘yung pera. ‘yung sukli sa inyo na, ilaman n’yo sa tindahan kako. Ako nang bahala sa panghanap ko ng bagong trabaho. Siyempre, nitong nagdaang holiday season abala talaga ang nanay ko sa pagtitinda sa palengke kaya unawa ko naman na hindi makakapag-asikaso ng mga ipinapabili ko. Gusto ko kasi kapag inalis ko may kapalit na saka ako makakapaglinis: five-star general cleaning.
Nagising ako isang umaga nito lang, gutom. Walang ulam pero may pork chop sa ref at magluto na lang ako sabi ng text ni Mama. Napansin ko na naman ang lutuan naming isang saltik na lang at makakadisgrasya na. Napatingin ako sa kalendaryo at magte-third week na! Hindi ako makaumpisa ng paghahalwas ng bahay.
Ang dami kong gustong itapon. Mga hindi na ginagamit na sapatos. Ano ga kayo oktopus? Dadalawa naman ang paa n’yo ang dami n’yong bulok nang mga sapatos! Itong speaker, hayskul pa ‘ko sira na to! Itong TV, DVD, Amplifier, wala naman nang gumagana rito kahit isa! Hindi n’yo naman kayang ipaayos! ‘yung mga muebles ni Tita Baby, ang tagal na n’yang namayapa, mumultuhin na tayo, idispatsa na natin to! Ilan ba tayo sa bahay? Apat lang pero yung pinggan natin parang may papiging lagi. Mukha na rin tayong ukay-ukay sa dami ng damit.
Hindi ko alam pero sanay na yata ako ng may inaaway. O dahil wala naman akong kasama sa bahay sa loob ng halos dalawang taon, na-miss kong may awayin. Kaya inaway ko si Mama sa text, sayang din ‘yung plan ko dahil minsan ko lang magamit.
Me: Akin na ‘yung [insert amount] at ako ang bibili. Antagal na ng burner dito, wala pa ring gasul. Kung alam ko lang hindi na ko bumili. Nakakadala kayong bigyan ng pera. Hindi kayo marunong sa pera!
Mama: Manang-mana ka sa ama mo. Ikaw itong nag-offer, hindi naman kami nahingi sa’yo. Wag ka nang magbigay kahit kailan at ‘wag mo kong mabaoy-baoy. (Binuo ko na lang pero mas nakakainis ‘yung jeje na text.)
Me: Hindi talaga kayo nakakaintindi e. Hindi issue ang pagbibigay ng pera. ‘yung burner dine ay Dec. 22 pa. Bumukas na kayo ng bumukas. Magkano lang ang gasul? Kayo rin naman ang gagamit. Nakailang lata na kayo ng butane? (Hiwa-hiwalay na teks yan)
Mama: Mamaya ibibigay ko sa’yo ‘yung pera. Nakakahiya naman sa’yo makapagsalita ka. Sobra ka sa talino wala ka ng galang. Nakakabastos ka na. Wag ka nang magbibigay ng pera kahit kailan yai nang kami’y maghirap para wala kaming stress. Magiging magulang ka rin. (Medyo sablay-sablay sa grammar, inayos ko lang)
Me: Ganyan din ‘yung sinabi n’yo noon nung kinuha n’yo yung pera ko sa mga libro at kayo’y nabaranggay na dahil sa utang. Hindi ko naman kayo siningil at kayo’y kawawa na.
Gusto ko pa sanang idagdag: Sino pang tutulong sa inyo? Si Bernon? E sa inyo pa nga nahingi ng panggatas sa tatlo n’yong apo! Ilang beses ko na kayong binigyan ng puhunan? Ibinili ko pa kayo ng notebook na pagalagayn ng gastos at kita, ginamit n’yo ba? Cattleya pa ‘yun! Ilang beses ko kayong ipinagbayad ng utang na hinihingi ko lang ay acknowledgment receipt, kinatatamaran n’yo pang ayusin. T’saka hindi ako magiging magulang, baog ako!!! Pero dinilete ko na lang.
Kinailangan kong lumanghap ng hangin kaya sumakay ako ng dyip papuntang Lipa. Umorder ng hot mexican chocolate at spicy tuna pan de sal sa kapihan ko sa may Victory. Swirl card lang ang ginamit ko, pero malapit na talaga akong maghirap. Nagpagabi ako bago umuwi.
Pagdating ko sa bahay at pagbukas sa pinto, napansin kong napalitan na ang matanda pa sa’king patungan at naikabit na rin ang bagong burner at gasul. Naitayo na rin ang inuwi kong foldable na study table sa sala. At hindi naimik si Mama. Wala rin namang isinauli sa’king pera. Mukhang marami pang bonding moments sa bahay ngayong taon!
No comments:
Post a Comment