Tuesday, January 16, 2018

Napanood ko ‘yung Siargao


     Soft and laid back ang pelikula. Sunny ang vibe pero ang cool. Parang ang sarap matulog pagkatapos. Pelikula para sa’ting nabibingi ng mga kontrobersya ng buhay kahit hindi naman tayo mga artista. Lahat naman tayo may kinapapaguran. Lahat may pangangailangan ng saglit na pagtakas.

     Hindi maraming tao sa pelikula. Si Jigs (Jericho Rosales) na may tinakasang problema at may inuwiang problema rin. Tahimik pero may diin ‘yung pagkarindi n’ya sa pamimili sa pagitan ng maingay na siyudad ng oportunidad at pananatili sa piling ng mga alon ng Siargao. Si Abi (Jasmin Curtis Smith) na handang lunurin ang pagtingin kay Jigs at may kasiguraduhang mananatili sa Siargao. Si Laura (Erich Gonzales) na isang vlogger na naghahanap ng katapangan sa isla at iwanan ang mga dala-dalang bagahe.

     Walang pagtatalo sa rikit ng dalampasigan ng Siargao. Parang bumaba ang langit sa bughaw ng dagat at ‘yung mga alon parang maninipis na ulap. Hinele ako ng tunog ng mga rumaragasang alon. Ang sarap sa tainga ng kalabsaw kapag nalalaglag ‘yung katawan sa tubig. At ‘yung sumsalubong na hangin kapag nagmomotorsiklo, mistulang nililipad din ‘yung buhok ko. Isasama mo talaga sa bucket list mo ang surfing at Siargao.

     Mahusay din ang paghahanay ng mga maaaring gawin at puntahan sa Siargao. Cover photo-perfectang drone shots. Tutok ang lente ng pelikula sa lugar, kung bakit tayo umaalis, may iniiwan, at mga binabalikan. Pihadong hahakot ang pelikula ng mas marami pang turista kaya esensyal sa tingin ko si Karen, kapatid ni Jigs, na isang community organizer na aktibo sa pagpepreserba ng coastal areas ng Siargao. Hindi maitatanggi na malaking pagbabago ang nadudulot ng turismo sa kapaligiran at sa komunidad, may mabuti at may banta.

     Dalawang bagay lang: Hindi lang ako sanay na makita si Erich Gonzales na naka two piece. Hindi rin ako sanay na kumakanta si Echo.

     Siargao, maliit na bayan at sa araw-araw ay pare-parehas na mukha pero subukan mo silang kausapin at maaanod ka sa iba’t iba nilang kuwento.

At may mahigit pitong libong isla pa sa’ting itinerary.



No comments: