Wednesday, September 30, 2020
Mahigit Sandaang Araw ng Samut-Sari
Tuesday, September 29, 2020
Setyembre 29, 2020
Wala akong gana! Sobrang walang gana. May mga gagawin naman. Bukas na nga ang deadlines! Hindi pa rin ako naiingli. Ginawa ko naman 'yung mga liwayway protocols ko pero ewan. Ang ingay ng mga maya parang may bertdeyan ang mga ibon. Humihigop lang ako ng kape ngayon. Hindi ko alam saan manggagaling ang tulak para magsulat, mag-isip o kahit gumawa lang. Oo nga, mas maraming maya ngayon at nagtututuka sila sa kapit-bahay. May pumasok na pusa sa pinto. Musa ang hinihintay ko, hindi pusa!
#
Monday, September 28, 2020
Napadpad sa Isang Podcast
Napadpad tayo sa isang podcast bilang Jolina Eggdesal. Puwedeng pakinggan habang naghuhugas ng pinggan o naliligo. Sana di rin kayo okay ngayong may pandemya, okay lang yan!
Sunday, September 27, 2020
Pandemic Preachings 3
Sumimba ako kanina. Ayun, small talks pa rin kung anong trabaho ko ngayon o kung nasaan ako ngayon. Ang mga tao hawak nang hawak, sa balikat o sa likod ko, last time I check wala naman kaming poon sa simbahan. O baka subtle move 'yun na may naghimala at umultaw akong muli sa simbahan? Si Mama dinal'han pa ako ng sinukmani. Naalala ko 'yung mga rebultong inaalayan ng kakanin sa nobela ni Bob Ong na Mga Kaibigan ni Mama Susan. Ang himala pa nito ay binigyan ako ng pera.
Thursday, September 17, 2020
September 17, 2020
Maulan, sobrang mahal ko ang mauulang umaga. Naglakad pa rin ako. Wala akong ganang gawin ang mga bagay-bagay ngayong araw. Ang lamig ng hanging umiihip sa kili-kili ko, mahalumigmig. Ano bang gusto ko ngayong araw? 'yung ikamamatay ko kapag hindi ko ginawa? Ang saya lang dahil ayos lang magbumagal, nang walang hinahabol, na hindi hinahapo. Hindi ko alam kung hanggang kailan ganito ang mga araw pero ninanamnam ko lang. Ang gaan ng kulimlim, hindi sigurado kung babagsak nang malakas, bahala na rin kung lulurok o aambon. Maputik na rin naman ang lupa sa magdamag, para ke ano pa't matakot mabasa?
Setyembre 15, 2020 (Samut sari sa School)
Pagkagising, walang ligo-ligo, toothbrush lang at naglakad na ako papuntang palengke para magkape. Maaga akong makikitambay sa klasrum ni Song, makikigamit sa landline sa principal's office at makikiopisina na rin, may wifi at aircon naman. Maraming salamat po DepEd sa pagpapatambay.
Saturday, September 12, 2020
Haberdey lang dati ang kaya ni Rr, ngayon kaya na n'ya ang buong hapi bertdey o magsabi ng bertdey ko na. Sabi ng kaibigan ni Mama kung bertdey ba talaga ni Rr ngayon, dahil malimit naman itong nagsasabi ng bertdey n'ya kahit hindi naman. Paraan ni Rr para makakuha ng atensyon, kaya ayan kung kailan mismong bertdey n'ya ay nagsisigurado ang mga tao.
Rap Ka Nga? Sige Nga?
Thursday, September 10, 2020
Setyembre 10, 2020
Umuwi uli si Vernon, Bernunang for short, sa bahay. Naglaro lang saglit tapos natulog na. Gumising, tapos nag-hot spring na ang buong pamilya, maliban sa'kin, sa Mainit na nasa public domain naman. Bumili kasi ako ng siomai sa bayan at naglakad-lakad. Pag-uwi, naglamay ako ng sinusulat na mungkahing pananaliksik. Paghiga ko nang bandang madaling-araw, andun din ang dalawang kapatid ko sa higaan ko, tulog nang nakanganga. Ako lang yata ang hindi natutulog nang nakanganga sa'min. Andun din si Mama, nagsiksikan kaming apat. Hanggang ngayon, tulog pa si Vernon, ginuguna-gunang matulog nang walang tatlong bub'wit na nangungulit. Uuwi na rin 'to mamaya sa kanila. Sabi ni Rr kay Vernon, 'wag na raw 'tong umuwi at 'wag na ring magtrabaho sa kanila na para bang puwede itong tumunganga lang. Tumigil puwede, pero tumunganga, hindi.
#
Sitio Guinting, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon
Setyembre 10, 2020
Nang Ulitin Ko ang Elem.Stats
Ayon sa inulit kong subject noong college, may apat na uri ng desisyon na ginagawa natin araw-araw na buhay.
True and Accepted. Alam mong tama at totoo kaya pinaniwalaan, pinaghinalaan pero may mga patunay kaya pinanindigan. Mga paniniwalang niyakap mo ng buong puso’t kaluluwa. Halimabawa ay bilog ang mundo at hindi ikaw ang sentro ng uniberso. Isa ito sa mga perfect decision na magagawa natin.
False and Rejected. Hindi tama, hindi totoo kaya hindi mo tatanggapin. Maraming nalinlang ng mga kabulaanan pero nang malaman ang katotohanan ay matalinong iwawaksi ang naunang paniniwala. Halimbawa nito ay Marcos Regime ang Golden Years ng Pilipinas at mabait si Ms. Minchin sa mga bata sa ampunan. Hindi na lang kung mali, isa pa rin ‘to sa mga perfect decision na magagawa natin.
False but Accepted. Nakow, sounds familiar. Hindi ko alam kung uso lang ba ang post-truth age at inaakap na rin natin ang hindi naman totoo. O baka mas maalwan lang na wag na lang magsuri. Halimbawa nito ay nakakatulong ang dolomite sa dalampasigan ng Manila Bay. Sayang ang kapangyarihang magpasya kung false but accepted lang din.
Truth but Rejceted. Marami satin ay namulat sa mga kabuktutan o kaya hindi talaga masuri. Minsan dala na rin ng sirkumstansya kaya napipilitan tayong araw-araw na harapin ang katotohanan pero hindi tanggapin. Minsan kapalaluan lang din naman natin ang naghahadlang para gumawa tayo ng perfect decisions. Halimbawa ay hindi ka na mahal pero sabi mo kapag di tayo gusto, ipilit natin puwede ‘yun. Halimbawa pa nito ay climate crisis at biodiversity collapse, hindi naman outrightly rejected pero masyadong komplikado para sa ang isyu pa rin sa araw-araw ay pagkain, gamot at aliw.
Apat lang ang pamimilian natin sa araw-araw. Hindi tayo perfect pero puwedeng mag-aral, magsuri at magtimbang.
x
Tuesday, September 8, 2020
Baka Naman Nasa Enhanced April Fool's Tayong Lahat
Lately, nagsusulat ako tungkol sa environment sa isang UN page. Hirapan akong mag-research ng data. Naisip ko rin pre-covid-19 nga, hindi naman talaga tayo ma-research, hindi naman talaga tayo data-driven at evidence-based masyado, lalo na ngayong ang daming limitasyon. Kahit paano naman, matatantiya mo kung paano nag-escalate 'yung krisis natin sa basura, kulang ang landfills, may mga imported pang basura, mas marami tayong dumpsites, ang daming infectious wastes, balik tayo sa plastik. Habang binubuo mo 'yung articles, pati ikaw namomoroblema kung saan matatambak lahat ng basura natin ngayong pandemya.
Kung sakaling dumating ang worst case scenario na wala nang mapagtambakan, ang sabi ng isang ahensya, edi susunugin. Clean Air Act is shaking.
Sunday, September 6, 2020
Lolo sa Tuhod
Habang nagwawalis, biglang naalala ni Mama ang lolo n'ya, ang lolo namin sa tuhod. Bagobo sa mga bagobo. Hindi pinangalanan ni Mama. Bigla na lang daw itong dumating sa Tiaong noong dalaga pa si Mama at nagkakatulong sa may Poblacion. Walang pasabing dadating na para sariling bahay ang dadat'nan. Katulong ang nanay ko, hindi n'ya bahay ang sa mga Alabastro pero nakapagbakasyon pa rin ng ilang araw ang lolo n'ya roon at inugoy pa umano ang sarili sa tumba-tumba ni Grandma (Alabastro, hindi ko lola). Naalala ni Mama ang sabi ng lolo n'ya ngayon, "darating ang panahon na hindi na kayo makakapunta sa'tin at kami sa inyo, mahihirapan na, kaya hangga't maaari pa, ako na lang ang nagpunta sa inyo," tapos nagpasundo rin nang wala pang isang linggo. Malamang sinabi n'ya 'yan sa guiangan at hindi sa tagalog.
Thursday, September 3, 2020
Likod
Ilang araw na akong walang liwayway protocols, maliban sa pag-aayos ng hinigaan, hindi muna ako nakakapaglakad sa umaga. Tinatanghali ako ng gising dahil napupuyat, kaya hindi na ako lalabas dahil masakit na ang sinag ng araw. Hindi dahil sa hindi makatulog, kundi dahil sa mga tinatapos. Meron akong mga inusog na deadlines at merong mga tinapos nang mas maaga sa deadlines, inabot na sa upo na kaya nang tapusin kaya pinipilit ko nang magsulat habang and'yan pa ang musa, na hinanap ko rin ng ilang araw.