Haberdey lang dati ang kaya ni Rr, ngayon kaya na n'ya ang buong hapi bertdey o magsabi ng bertdey ko na. Sabi ng kaibigan ni Mama kung bertdey ba talaga ni Rr ngayon, dahil malimit naman itong nagsasabi ng bertdey n'ya kahit hindi naman. Paraan ni Rr para makakuha ng atensyon, kaya ayan kung kailan mismong bertdey n'ya ay nagsisigurado ang mga tao.
Mga isang buwan bago sumapit ang Setyembre, binawasan na n'ya ang pagpapabili ng kung ano-anong meryenda kay Mama nang wala sa oras, ipunin na lang daw para ipambili ng cake sa bertdey n'ya. Kahit may pandemya't krisis, may dalawang cake naman si Rr, isang mumurahin para ipamigay at isang mamahalin para sa'min. May mga nagpadala ng pambili. Mas ako ang sabik kumain ng cake. Mas sabik si Rr na ipamigay ang mga cake slices sa mga tropa n'ya sa palengke. Napuyat din sina Mama at Idon sa kakahiwa ng mga prutas galing kay Ate Carla para gawing fruit salad at ibalot-balot na para puwedeng pasimpleng iabot na lang sa mga boy at maninida sa palengke. Nagbigay din si Ate Upang ng ispagetihin, si Ate Melay ang nagluto naman ng pansit. May nagdala ng malalamig na coke, tasty, at vegetable salad sa tindahan. Hakot nang hakot si Rr para mamigay ng handa n'ya habang sina Mama luto nang luto dahil ang dami pang hindi nabibigyan, may mga dumadaan pa sa tindahan na mga kakilala, habang nag-aabyad pa rin ng mga mamimili dahil hindi naman kami nagsara ng tindahan.
Maaga pa lang ay tumawag si Uwe para batiin si Rr, siguro bago ang mga gawaing bahay sa amo n'ya ay sumingit na ito ng pagtawag. Hindi na nakasalita si Rr, lamukot na ang mukha; umiyak na ang kapatid ko. Tawa kami nang tawa, nasaan baga si Uwe nasa Alaska, nasa abroad? Nasa Alabang lang naman nangangamuhan. Pero ayun, umiyak na rin si Mama at Idon habang natatawa. Nasa shooting yata ako ng MMK at 7:30 am sa palengke.
Bente-uno anyos na pala ngayong taon ang kapatid ko. Hindi ko na namalayan, kaming tatlo ay nagpangabot na sa edad na 20+. Balugbugan talaga kami dati, walang ispe-special, walang oti-autistic kapag nag-awayan. Wala naman kaming alam sa ganun dati.
No comments:
Post a Comment