Sunday, September 27, 2020

Pandemic Preachings 3

 Sumimba ako kanina. Ayun, small talks pa rin kung anong trabaho ko ngayon o kung nasaan ako ngayon. Ang mga tao hawak nang hawak, sa balikat o sa likod ko, last time I check wala naman kaming poon sa simbahan. O baka subtle move 'yun na may naghimala at umultaw akong muli sa simbahan? Si Mama dinal'han pa ako ng sinukmani. Naalala ko 'yung mga rebultong inaalayan ng kakanin sa nobela ni Bob Ong na Mga Kaibigan ni Mama Susan. Ang himala pa nito ay binigyan ako ng pera.


Tiningnan ko na lang 'yung mga bulaklak. Hindi ko sigurado kung chrysanthemum at vanda 'yung species, roses lang 'yung malinaw sa'kin, malayo ang upuan ko sa altar. Red violet, blue violet, magenta, at yellow green ang contrast. Ilang kilometro rin ang ibiniyahe ng mga talulot sa altar. At may bumibili pa rin pala ng mga bulaklak sa panahon ng pandemya ha. Maaaring may krisis nga pero hindi lang sa kamatis at talong ang tao nabubuhay, pati sa rikit at kulay. May magsasakang nagbubungkal para magpabunga pero meron ding nagbubungkal para magpabukadkad. Natapos ang sermon ni pastor at wala naman akong maalala. 

Sa loob ng simbahan, wala kang maririnig tungkol sa pasismo, inaanay na demokrasya, mga banta sa karapatang pantao, parang hindi naaabot ng krisis sa klima. Hindi raw dapat mabuhay sa takot kahit na nasa gitna ng pandemya. Basta maniwala ka lang at maging mabuti. Basta magpatuloy ka lang sa daan ng katuwiran kahit na parang nadimunyu na ang lipunan. Paglabas ko ng simbahan, napamura agad ako sa alinsangan, ang init ng kalsada para maglakad pauwi. 

Hayae na may bitbit-bitbit naman akong chili oil at longganisa. 

No comments: