Thursday, September 3, 2020

Likod

Ilang araw na akong walang liwayway protocols, maliban sa pag-aayos ng hinigaan, hindi muna ako nakakapaglakad sa umaga. Tinatanghali ako ng gising dahil napupuyat, kaya hindi na ako lalabas dahil masakit na ang sinag ng araw. Hindi dahil sa hindi makatulog, kundi dahil sa mga tinatapos. Meron akong mga inusog na deadlines at merong mga tinapos nang mas maaga sa deadlines, inabot na sa upo na kaya nang tapusin kaya pinipilit ko nang magsulat habang and'yan pa ang musa, na hinanap ko rin ng ilang araw. 


Hihiga ako ng bandang ala-una nang madaling araw na masakit ang likod, yayapos ako kay Rr na niyayapos din ni Mama. Mga bandang alas-tres, sila naman ni Rr ang babangon para maghanda na sa pagtitinda ng kape sa palengke. At wala akong kamalay-malay kahit na magpauli-uli o may matabig sila. Tinakasan ako ng buhay at mabubuhay lang namag-uli kinaumagahan.

Kanina, nabawi ko na ang ritwal sa umaga na paglalakad. Naglakad ako papuntang palengke para doon na magkape. Masigla na, marami nang tao, narinig ko na muli yung mga nagtatadtad ng karne sa malansang wet market. Nagtitimpla na ako ng kape at nagkuwento si Mama. "Kinse mil lang ang puhunan sa baka ni Kuya Dong tapos pang-45 mil na ngayon," pangalawang kuwento na sa'kin to ni Mama, nakalimutan n'yang nabanggit na n'ya sa'kin noong isang hapon pa. Bigla na lang nagpahaging na parang gustong umuwi muna sa Davao, mag-alaga ng baka't kambing. Babalik na yata ang bagobo sa tinubuang lupa. Ilang taon na bang tuwing madaling araw na babangon, maghapong magtitinda tapos pag-uwi halos kaysa lang sa pang-araw-araw, hindi rin makaipon. "Masakit na rin sa likod" sabi ni Mama.

Sabi ko, sige mag-apply na lang ako kay Inday. "Sinong Inday?" sabi ni Mama, sabay tawa. Habang nagbabaklas isa-isa ng mga bagong lutong lumpia wrapper, uusal si Mama na sana matapos na ang lockdown.

No comments: