Wednesday, September 30, 2020

Mahigit Sandaang Araw ng Samut-Sari

 
Mahigit Sandaang Araw ng Samut-Sari

Untitled design, @alt90studio
Handa na ang passport. Plantsado na ang modernong barong na pikit-matang binili. Isa ako sa delegado ng Pilipinas para sa pagbabalangkas ng posisyong papel ng kabataan ng ASEAN community hinggil sa usapin ng samu’t saring buhay o biodiversity sa rehiyon. Isusumite ang papel sa CoP 15 sa Kunming, China para pagtibayin ng mga nagkakaisang bansa ang panibagong framework ng biodiversity targets sa 2050. Ang pagbasa ko, iuusod lang uli natin ang deadline. Ang layo natin sa itinakdang Aichi targets sa CoP 10 sa Nagoya, Japan noong 2010.

Malulusaw ang pangarap kong umupo sa isang plenary session at magsalita sa isang gooseneck podium microphone. Sa isang barber shop ko mapapanood na hindi na matutuloy ang paglipad sa Malaysia dahil sa pandemya. Mayabang ko pa namang ibinalita kay Axel na lilipad ako kahit marami pang gawain sa lawa ng Taal, lalo na pagkahupa ng bulkan.

Wala pang isang buwan, nanahimik ang kalsada, nawalan ako ng trabaho, at nalugmok sa bahay. Ano pala kasi ang conservationist na wala sa ginagalawang ecosystem o natapos na ang kontrata’t wala nang magpapasuweldo? Cancelled na ‘ko. Para akong tawilis na tinanggal sa lawa, hirap sa paghinga, nagdudugo at kalaunan madudurog din. Sasabihin ko kay Axel na “parang hindi ko na alam ang gagawin,” o siya siguro ang unang nagsabi sa akin nang ganun kaya umamin na rin ako na hindi ko na alam. May 234 pesos na lang ako sa bangko. Wala akong alam liban sa magmukmok at magsulat lang tuwing kaya. Naiinip na rin pero hindi makakilos.

Maririnig din nating nagsimula sa isang palengke ng mga exotic animals ang virus. May magsasabing nilikha ang virus sa isang lab. Ang hirap na ring maniwala dahil lumalabo na ang pagitan ng kung alin ang teorya at alin ang totoo. May mga panawagan pang papanagutin ang bansang nagdulot ng pandemya, na para namang may kinikilala itong korte.

Walang isang buwan, mapapansin ng lahat ang bughaw na langit sa mga siyudad na normal nang itinatago noon ng usok at lason. Walang sandaang araw, ngingiti tayo sa mga pagbisita ng samot-saring buhay sa mga espasyo natin. May mga Otaria flavescens sa pantalan ng Mar del Plata, Argentina, na dating mga pigurin lang sa mga souvenir shops. Ipapakita sa balita ang mabagal nilang pag-iinat sa ilalim ng araw pero walang banggit tungkol sa bioaccumulation ng heavy metals. Mas nagkakarinigan ang mga Orcinus orca sa Salish Sea, Canada dahil walang ingay sa mga barko. Walang babanggit sa kasalukuyang bilang ng populasyon nila at kung bakit walang nabubuhay sa mga isinisilang simula 2015. May mga Capra nubiana at Sus scrofa sa Haifa at Tel Aviv, Israel. Isang kosher at isang tref, at alam nating walang pagtangi ang pandemya kung alin ang malinis at alin ang marumi. Maglilimut-limutan tayo sa kawikaan ng sinaunang rabbi kung para saan nilikha ang mga bundok. Sa isang police report makikita ang unang tala na namataan ang Lutrogale perspicillata sa Pilipinas, panahon ng pandemya, sa dalampasigan ng Taganak, Tawi-Tawi. Kahit naniniwalang biyaya ni Allah ang mga buhay na bahagi ng kalikasan, idiniin pa rin ng pulis na protektado ng batas ang isla at mandato nilang pangalagaan ang samot-saring buhay doon.

Malinaw ang mga lampas-lampasan nating pagtapak sa mga hanggahan. Samot-saring buhay ang naitulak sa ngalan ng pangangailangan; kung hindi man lagi ng pag-unlad. Nakinabang din naman tayo sa ekonomiyang nakasisilaw ang kinang ng mga hindi kailangan at bubulabugin tayo ng salitang esensyal. Babangungutin tayo ng mga tanong kung ang pag-unlad ba ay talagang pagtutulak o ang linyang pinipilit hatakin pataas ba ay laging pag-unlad? Walang sandaang araw, mas malaki ang nagawa ng sabayang pagtigil kaysa mga malawakang pagkilos.

Isang Lunes, makakatanggap ako ng e-mail mula kay Axel, kalakip ang On the Volcano of Taal (Tenison-Woods, 1888), isang scientific journal. Naghahanap ako ng listahan ng mga nabubuhay na halaman at hayop noon sa rehiyon ng Taal. Magkukuwentuhan kami ni Axel tungkol sa Sesamum indicum at sa langis nitong nagpapailaw sa mga gasera noon sa Taal. May mga pagawaan pa nga ng sesame oil noon sa Taal ayon sa Diccionario Geografico Estadistico Historico de las lslas Filipinas (Buxeta, 1851). Magpapalipad ako ng tanong kung anong nangyari sa paligid na puno ng linga.

Maraming lugar sa paligid ng Lawa ng Taal na pangalan ng puno. Halimbawa 'yung siyudad ng Lipa, mga baranggay at sitio ng Mataasnakahoy, bayan ng Balete at pati na bayan ng Alitagtag ay ‘maaaring puno’. Puno ang pagkakatukoy sa alitagtag sa awit ng ritwal na Subli. Nagsasalit-salitan din ang paggamit sa poon at puno sa loob ng awit. Ang Alitagtag ay galing umano sa ‘alinagnag’ na ang ibig sabihin ay umaandap-andap na ilaw. Ang sabi, may puno noon na napaliligiran ng mga patay-sinding ilaw kung gabi. Ang paliwanag na malapit sa siyensya ay dahil sa mga alitaptap pero bakit hindi na lang ginamit ang alitaptap para tukuyin ang kislap gayong isang titik lang ang papalitan sa alitagtag. Kapansin-pansin sa akin ang alitagtag dahil sa maaaring pagtukoy nito hindi lang sa puno kundi pati na rin sa ugnayan nito sa mga alitaptap, o sa kung anumang hindi matukoy na alinagnag.

Hindi ko alam kung saang bahagi ngayon ng Lawa ng Taal makakakita ng mga damong linga, puno ng alitagtag, lalo na ng mga usa na umiinom noon sa labi ng lawa. Mas tumitindi tuloy ang kati ko na ituloy ang pagsusulat ng proyektong Sa Ngalan ng Lawa na layuning pangalanan ng mga komunidad ang samot-saring buhay sa lawa. May kapangyarihan kasi sa pag-alam ng mga pangalan, may napupundar na pagkilala sa napangalanan. Matapos lang ‘to, isasakay ko si Axel sa bangka at iikutin ang lawa.

Isang Huwebes, pag-iisipan ko kung pribilehiyo ang pinanggagalingan ko sa pagtula sa ngalan ng samot-saring buhay sa gitna ng pagiging bilanggo ng pandemya. Umuusbong ang mga pagtatanong muli sa pag-aagawan ng luntian at abuhan. Ano palang pribilehiyo sa pagiging iskwater sa tabing-riles, walang trabaho at walang makinarya? Sinusubukan ko lang magkamayaw sa naranasan at nakasalubong na samot-sari, kumapit sa rikit; tumaya sa tula.


#

No comments: