Pagkagising, walang ligo-ligo, toothbrush lang at naglakad na ako papuntang palengke para magkape. Maaga akong makikitambay sa klasrum ni Song, makikigamit sa landline sa principal's office at makikiopisina na rin, may wifi at aircon naman. Maraming salamat po DepEd sa pagpapatambay.
Tiningnan namin ni Song 'yung mga learning materials sa website ng kagawaran, may isang lumabas tungkol sa biodiversity, hulaan kami ng species bago namin binuksan 'yung ppt file. Pustahan tayo Philippine eagle, tarsier at tamaraw 'yan?! Nagtawanan kami. Takte, Grade 5 pa lang kami itinuturo na 'yun sa Science and Health. Ano, sa halos dalawang dekadang nakalipas ay walang iniusad ang wildlife studies-biology natin? Pagbuklat namin ayun na nga, bumulaga sa'min ang nakamulagang tarsier atbpng species na nabanggit kasama ng mga trivia ng largest at smallest na isda. Potek, Pandaca pygmea pa rin ang content natin! At buhay pa rin 'yung Science and Health na textbook namin noong elementary, teacher na si Song at nakita ko pa rin ang textbook sa klase n'ya. Sariling sikap na nga ng mga guro na maghanap talaga ng updated na teaching materials kung gustong iangat ang kalidad ng pagtuturo. Naalala ko, bumili pa si Song ng mga textbooks sa MIBF noon para sa klase n'ya.
Ang hirap na nga ituro ng siyensya, dagdag trabaho pa 'yung paghahagilap ng ituturo. Kaya na lang naging elitista ang isyu ng climate crisis at biodiversity loss, dahil sa access pa nga lang ng impormasyon, kahit sa aklat pa lang ay salat na salat tayo. Kung hindi natin nakikita sa libro, ay paano pa sa tunay? Hindi sa may sama kami ng loob sa pambansang ibon at pinaka maliit nating isda, wala po silang kasalanan. Natatawa kami kasi ang dami nating mga pananaliksik tungkol sa samu't saring buhay sa Pilipinas, megadiverse country nga tayo; pero 'yu't yun din ang nakikita nating mga species sa libro. Tinatawanan namin ang frustration sa laki ng gap sa pagsusulat tungkol sa science, nakukulong sa mga akademikong wika ang maraming magagandang pananaliksik. Trabaho na ito ng science writers-communicators, at wala namang sistema para malaman nila ang gaps at opisyal na makisali sila sa pagsusulat ng content. Sistema, sistema, sistema, at hindi porke't suliranin ng sistema ay wala na tayong kapangyarihan pihitin ang sitwasyon.
Ang layo sa konteksto ng mga bata sa Taal ang Pandaca pygmea! Bakit hindi pinag-aaralan ang mas malapit na tawilis, maliputo o kaya duhol? Nakokorte sa kamalayan natin na kapag pinag-usapan ang kalikasan at samut saring buhay ay nasa malalayong mga gubat at malalalim na mga dagat ito. Kaya kahit gumalaw tayo nang gumalaw, kebs lang, wala tayong masasagi kasi nasa malayo naman ang mga samut saring buhay! Napagkakait sa kamalayan natin na may mga hayop din pala sa bakuran namin o kalapit na ilog, bundok, lawa, sa probinsya namin. Sana mabigyan din ng pagkakataon na mapag-aralan ang samut saring buhay na may kinalaman at mas malapit sa araw-araw nating pamumuhay.
Hmmmm.... hindi kaya dahil sa ano natin ito, uhaw sa sense of identity as a nation, kaya lagi tayong may national bird, national animal, national leaf atbp. Pero at what expense, kapalit ng sense of community sana, ng awareness on co-existence sa mas malapit na samut saring buhay.
No comments:
Post a Comment