Sunday, November 29, 2020

Napanood ko 'yung RC Cola Commercial

maiksing buod ng patalastas: umuwi ang bata galing sa eskuwelahan. nagtanong sa nanay kung ampon dahil may apat na baso sa likod. umiyak ang nanay at paghugot sa ulo ay isang bote ng RC cola. isinalin ang sopdrinks sa apat na baso sa likod ng bata.  

nagulantang uli ang buong bansa sa bagong isyu. kanya-kanyang masining na kritisismo sa surreal na patalastas. nag-iisip at masuri naman pala talaga tayo bilang isang bansa. siguro dahil hindi ito ang inaasahan natin sa patalastas ng isang maasukal na inumin. lalo't magpapasko, ang kahon ay ang sopdrinks ay may mga patalastas na melodramatiko, mga pagbabalik-bayan, patawaran, diskarte para makapagdiwang, simbang gabi, parol a makislap, kumpleto ang pamilya, hindi batang may baso sa likod at nanay na hinuhugot ang ulo na may bote sa loob. paano ito prinopose ng ad team sa client? paano ang naging proseso nila?

also, kita n'yo na; matagal tayong minaliit ng mga palabas sa kung ano ang kaya lang nating ikonsumo. parang naging patunay ito na kayang dalahin ng Pilipinong konsyumer ang ganitong patalastas. kaya nila 'yan. matalino ang mga 'yan. napatanong nga ako kay Mama kung anong ihahanda namin sa Pasko. 

tinanong n'ya rin ako kung kelan ba kami huling naghanda ng Pasko? abala na si Mama sa palengke at nang makabawi-bawi sa inihina ng benta. sige, makikikain na lang ako.


Thursday, November 26, 2020

Nobyembre 26, 2020 (Ritwal para sa Pagduduwal)

Kalahating araw na akong hindi alam kung anong uunahin. Parang kailangan ko nang magpalit ng Liwayway Protocols dahil kaiba sa kasagsagan ng pandemya, mas okay na 'ko. Kailangang ibahin ang ritwal para sa nagbago nang pangangailangan. Ano bang kailangan ko ngayon? Kailangan ko nang magsulat talaga, ang dami ko nang materyal at kailangan nang maupo. Puwede nang buksan ang buro at ialay sa mga umaaligid nang mga musa. Tatapusin ko lang 'tong mga zoominars ko (may bayad kasi) at uupo na ako. Hindi ko kasi kayang pagsabayin ang pakikipagkuwentuhan at pagsusulat. Ewan, parang naging kasama na sa proseso ko ang daldal-daldal tungkol sa isusulat tapos iiwanan ko lahat ng kadaldalan para gawin na. Ewan, sinusubukan ko namang maging tahimik muna at saka na lang dumaldal kapag tapos na pero ano pang idadaldal mo e nasulat mo na nga di ba? Magdidisenyo na uli ako ng ritwal para sa mga pagduduwal dahil pakiramdam ko nasa dulo na ng ngala-ngala ko ang mga bagay-bagay at isang sundot na lang ay mailalabas ko na ang mga bagay-bagay. 


Sana lang hindi mangasim ang mga ilalabas.


Ito na ang bago kong ritwal ng pagduduwal:


maglakad (30 mins)
tumunganga (10 mins) *pagkagising sa umaga at pagkatapos ng tanghalian
magbasa (20 mins)

para lang sa huli ay umupo at makapagsulat uli



Tuesday, November 24, 2020

international emes

 

Nasa ilang international emes ako ngayong buwan like zoominars. Nakakapagod din naman pero kailangan e. Hindi talaga ako bagay sa mga diplomatic eme, wala akong sense of international community. Utak troll din talaga ako:

1. Kapag binabanggit 'yung kasalanan ng ilang malalaking bansa sa usapin ng biodiversity loss at carbon emissions, mag-o-off ako ng camera, hahanapin ko 'yung video ng delegado nung bansa at saka ko sasabihing "Hoy Chung chang-chi, magbayad kayo ng mga kasalanan n'yo!" pero naka-mute naman ako tapos tatawa lang kami ni Song.

2. Sa usapin naman ng pagkalbo sa Amazon, hinanap ko ang isang delegado nung bansa, sisiguraduhing naka-mute at off-cam ako, saka ko sasabihing "Napapaligiran ka na namin, isuko n'yo na 'yang cheese burgers n'yo!"

3. Pagpasok ko naman sa isang session, magalang na bumabati 'yung mga delegado tapos napansin ko 'yung isang delegado ng Rwanda bumati ng bonjour. Sabi ko kay Song, "tingnan mo, 'yung taga-Rwanda Forever bumati in French, magugulantang ka talaga sa ginawa ng kolonisasyon e." At hindi pala ako naka-mute. Na-mute lang ako ng host matapos kong sabihin 'yun.

4. Isang practice session naman tungkol sa mga migratory birds, sinisikap ng korean secretariat na banggitin ng wasto ang mga pangalan ng delegado bilang isang paraan ng pagpapakita ng diplomasya. Mabilis naman akong nag-off cam para tumawa ng malakas.

korean: How do you pronounce your name?
french: Hu-guh
korean: What? Hu-hu?

'wag na 'wag gagayahin. Maging magalang po tayo kapag nasa mga international emes kahit pa ba maraming kasalanan sa'tin 'yung mga first world countries (noon at ngayon) at hindi pa tayo nakaka-move on sa kolonisasyon. Palaging maging magalang. 

Sunday, November 22, 2020

Pandemic Preachings 5

Sumimba ako uli. Nagkukumahog uli sa paghahanda pero hindi ako nagmamadaling pumunta. Pagdating para lang wala akong roon. Ang dalawang oras ay parang maghapon. Kung bakit kailangan ko pang gumising ng maaga, magbihis, magsalamin at magpakita para lang magpasalamat? Iniisip ko kung nasaan ang ibang balon na maaring sumalok nang walang ibang umiigib? Hindi ko na gustong sumimba at gusto ko na lang mag-swimming kahit pa sa balong malalim. 


Wala talaga ako rito. 

Saturday, November 21, 2020

Keyk


Kakagising ko lang at dumeretso agad ako ng palengke. Umiiyak daw si Top-top, pamangkin ko, sabi ni Mama. Inaaway daw ng tiya n'ya dahil malapit na ang bertdey pero walang handa. Inaasar daw na wala namang keyk sa bertdey n'ya. Hindi humihingi sa'kin ng pera si Mama, maliban na lang kung tungkol sa mga apo n'ya. Gawan ko raw ng paraan at minsan lang magse-seventh birthday ang bata. Kami nga noon lumipas ang sevent birthday na umedad lang naman talaga kami. Hindi naman nakakaiyak kung walang handa o kung walang keyk. Ano bang meron sa seventh birthday? Magiging ganap na taong lobo ka ba? May maa-unlock ka ba na kapangyarihan? Ang sinagot ko lang kay Mama ay "ba't iiyak ang yaman-yaman ng tito e, bibilhan ko ng keyk" habang nagtitimpla ako ng kape.

Hindi pala 'yung binibili namin sa ano [brand na paborito ko], ang gusto raw ay 'yung spider-man na birthday cake. "O e magkano 'yun?"na parang masungit na negosyanteng Intsik. Pagsagot ni Mama, bigla akong nagising sa presyo. Bakit ang mahal? Magbabayad ba 'yan ng royalty sa Marvel? Ang sagot ni Mama ay 'yun lang uli, minsan lang nagpipitong taon ang bata. 

Kaunti lang ang kumbidado. May tigbebente-dos pesos na ref magnet na pa-souveneir. Pupunta raw ang mga pamangkids sa bahay bago mag-birthday si Top-top, unang beses simula nang magkaroon ng pandemya.

Napakinggan ko sina Bob Ong at Manix




Ngayon na lang ulit. Si Manix kasi binabasa ko lately 'yung mga Kikomachine n'ya, 'tas lumalabas pa sa net ang gawa ni Manix. Pero si Bob Ong, hindi ko na nababasahan ng kahit ano, wala pa ulit kahit patikim lang ng papalabas na libro. Walang nilalabas kaya hindi ko naririnig. Nakakapagsulat kaya s'ya kahit na may pandemya at pandemonyong mga kaganapan sa daigdig? Gusto ko lang uli makabasa ng kahit anong ilalabas ni Bob Ong. Kahit pa nga isang koleksiyon ng mga hindi tinapos na mga sanaysay at kuwento. Basta. Kay Bob Ong. Bibili kami.

Sa ngayon, ayuda na ng NBDB ang imbitahan si Bob Ong at Manix, moderated by Ms. Nida, sa isang zoominar tungkol sa pagsusulat ng humor sa panahon ng pandemya. Para akong biik na nakaabang sa kaning-baboy habang mabagal na binabasa sa screen 'yung tina-type ni BO. [O para akong propetang nag-aabang sa writings on the wall, 'kaw mamili ng simile]. Pero ang galeeeeng, kahit na parang normal lang naman 'yung sinasabi ni BO. Tama si Manix, nakakaiyak. Wala lang, fan boi kami e. Nakakaiyak dahil ang typos timely ng mga dapat nating naririnig o nababasa. Para lang kaming tumambay.

Ito ang ilan sa screenshots ko:








Sulat pa rin tayo. Kahit sumakit ang ulo. Kahit mabagal.

Napanood ko 'yung Gaya sa Pelikula

Napanood ko 'yung Gaya sa Pelikula


Isang coming out series (?) ng Globe Studios. Tungkol sa dalawang lalaking medyo may pribilehiyo sa buhay at sa pagkakasama nila sa isang apartment. Ayokong magsulat ng synopsis dahil gusto ko na agad isulat 'yung ilang thoughts ko.

'yung BL sa Pilipinas parang kailangan talagang may pagtukoy sa gender at may pag-e-educate sa madla. Well, may matinding pangangailangan para sa pagtuturo talaga at sayang din naman 'yung platform. Ang mahal ng production tapos gumastos tayo ng mga enerhiya, kaya mabuti na 'yung natuto na rin bukod sa naaliw.

pero 'yun naalala ko rin ang daming microaggressions na nangyari sa'kin nung bata ako. sa simbahan. sa iskul. hindi sa laro e, 'yung laro kasi safe space pa. 'yung mga akala mo biro lang o normal lang na pahayag pero may alam mong hindi kumportable, may mali pero hindi mo lang ma-pinpoint kung ano. sa ibang essay ko na lang siguro isusulat. sana may call for anthology for microaggressions experiences. haha

Ang daming issue ng natapos na season pero ito 'yung mga dapat ngang napapag-usapan o napapakita sana sa mainstream (mainstream na ang Youtube Series). 'yung Gaya sa Pelikula nagpapatintero sa pagitan ng gay film, gender sensitivity/identity and BL series. Hindi ko alam kung na-enjoy ko 'yung love story kasi nga may push and pull na masidhi (lalo na kay Karl) pero na-enjoy ko si Ate Judit at Ana. 

Hindi ako movie buff pero masayang makita 'yung mga movie references, nakita ko nga si Maricel Soriano sa isang scene. Ay eto pa pala 'yung malupit, 'yung scoring, 'yung mga kanta, 'tas 'yung Ride Home ng Ben&Ben na scene. 

Maganda s'ya, pagbati kay JMS and Direk JP.

Thursday, November 19, 2020

Nobyembre 19, 2020 (Chanelling Madam Claudia atbpng. Teleserye Kontrabidas)

 Nobyembre 19, 2020 (Chanelling Madam Claudia atbpng. Teleserye Kontrabidas)

Sinubukan kong matulog nang tanghali. Hindi nakahabol ang antok sa mga iniisip ko. May karera sila, masaya, parang may piyesta. May mga bumabalik na sa mga kalapating pinalipad ko. Akala ko lilipas ang isang taon na magiging tahimik lang ang langit. Hindi naman humihindi pero hindi rin pumapayag. May mga bumalik na, paisa-isa pero may mga tangan sa tuka. Kung hihiram ako sa mga klasik line sa teleserye, "umaayon ang lahat sa aking plano" o kaya "isa-isa na silang umiikot sa'king palad" kasunod ng klasik kontrabida laugh nang mag-isa.

Chanelling Madam Claudia with her plot, resource management and resilience. 'di ba? Ang mga kontrabida natin sa teleserye ay nagkandahirap-hirap na pero nakaka-mobilize pa rin ng goons, may pang-renta pa rin ng bida-kidnapping van, at nakaka-afford pa ng bomba! Kasi may layon s'yang dapat gampanan. Kahit mabuhusan ng asido't mabalatan ang mukha ay may plastic surgery pang pa-comeback! At hindi nalulusaw ang kanyang core purpose in life na maghasik ng buwisit. Sa tingin ko dito rin tayo nagsimulang maging skeptic at critical thinkers, kinukuwestiyon na natin kung namatay ba talaga ang kontrabida. Pero dati hindi ko natatanong kung anong business model canvas ng mga kontrabida at may budget s'ya to execute their evil plots. Baka may pa-scholarships sa mga anak ng goons. Walang babaeng goons? Pero hahanga ka rin sa kanila dahil kahit pumalpak ang kanilang hunded-thousands-peso plans, sasapok lang sila ng ilang goons, tatalikod sa kausap at mag-iikot ng alak sa wineglass habang nakatitig sa malayo. Nag-iisip na ng bagong plano. Teleserye-inspired talaga si Cersei Lannister. Hindi kaya puwedeng sumulat ng teleseryeng may busilak na puso ng bida at may hindi patalong attitude ng kontrabida sa iisang tauhan? 

Pasasalamat para sa ilang maiinit nang mga araw!

#

Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
Nobyembre 19, 2020

Saturday, November 14, 2020

Nobyembre 14, 2020

 Ito na naman 'yung mga gising ng madaling araw na kinakabahan. Ito na lang ba 'yun? Baka ito na lang talaga lahat. Walang pag-usad. Paano kung lahat ng hinihintay ay hindi talaga darating? Baka nalampasan na ako. Baka 'yung pinalampas ko ay huling biyahe na at nag-aabang na lang pala ako sa wala. Parating parang may parating. Kahit ano palang sabi na kailangan lang makatawid nang humihinga sa kabilang taon ay nasa pa rin ng pag-andar. Eh sinong hindi? Pero ano nga ba uli ang ginagalawang realidad? Baka ito na rin nga lang ang pinaka malaking mga pag-usad ayon sa realidad ko. Ito na lang ba talaga 'yun? Hindi ko gustong gumigising nang takot sa mga bukas na walang kasiguraduhan. Kagigising ko lang oh, teka lang naman; gusto ko lang magkape.



#

Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
Nobyembre 14, 2020

Thursday, November 12, 2020

Pag-aabang kay Ulysses

Bago ako umalis, hinihintay ko sina Mama galing sa isang bertdeyan. Baka ipagbalot ako ng ispageti. May bagyo raw pero baka mahina lang. Umuulan na nga pero mahina lang. Maglalaro kami ni Edison ng Nintendo Switch at #WalangPasok na dahil nga sa bagyo. Amihan na rin naman kaya inilabas ko na rin ang paborito kong balabal. Naglakad na ako sa ulanan.

Namili si Edison ng pagkain namin. Bumili na s'ya ng kakainin hanggang kinabukasan. Ang daming natirang tinapay sa feeding program, may gatas pa nga. Kuwento ni Song, marami silang nasirang gatas dahil nabulok sa imbakan. Hindi pa naman bulok pero may lasang papel na kaya alangan nang ipamigay sa mga bata. Maulan, ang sarap  lang kumain, manood ng pelikula at maglaro ng Nintendo. May ilang lumikas sa elementary mula sa komunidad sa tabing-riles pero nakahanda na ang mga klasrum at areglado na ni Ate Gina. Nagugulat lang kami kapag naagas-as bigla ang radyo ni Ate Gina para magbigay ng ulat.

Naglaro na kami kasama ni Clowee na nasa Cavite live via Messenger vidcall. Dito na lang kami nag-aasaran pero ang hirap i-relay ng asar online e. Iba pa rin 'yung malapitang pang-aalaska, yung ramdam ko 'yung bugnot. Mas ramdam ngayon ang hangin at ulan ni Ulysses kaysa sa nakaraan.

Bandang hating-gabi na lumakas ang hangin. Tulog na kami nang mawalan ng kuryente. Gising na kami at may kuryente na uli. Umuulan at humahangin pa rin. Nagluto ako ng corned chicken-potato para sa tangmusal, ng pancake para sa meryenda, at tuna omelette sa hapunan. May ilan lang tumulo sa bubong ang nilimas. Naglaro na ulit ng Nintendo, nanood ng mga pelikula at nagkakape lang kung kailan maibigan.

Hindi lahat ganito ang kuwento sa paghihintay kay Ulysses.

Sunday, November 8, 2020

Sa Mainit


Ugh

Nakalublob uli sa Mainit. May mainit na bukal sa Sitio Mainit sa baranggay namin sa Lalig, Tiaong, Quezon. Aalamin ko pa ang kasaysayan kung sinong nakaisip na gawan ng pitak-pitak na paliguan ang bukal. Ang alam ko, bata pa lang ako ay may Mainit na at dinarayo na namin 'to kahit takot pa ako sa tulay-bitin na kailangang tawirin.

Nagsisilbing communal hot spring na walang bayad, isang konkretong halimbawa ng kultural na saysay ng ekosistem. Walang scheduling system at maintenance. Kung sinong mauna at may bakanteng pitak; maaari nang punuan ng tubig at lubluban. Pagkatapos ng gumamit, tatanggalin n'ya lang 'yung bara para igahin ang pinaglubluban n'yang tubig. Aanlawan naman ito ng susunod. Wala namang nabalita pang nangyaring alitan sa mga pitak ng Mainit. 

Minsan kapag lumalaki ang ilog dahil sa bagyo, nilalamon ng tubig ang mga pitak. Walang nakakaligo. Paghupa ng tubig, ayun, maputik ang mga pitak. Ngayon, napupuno rin ng banderitas ng mga plastik hanggang sa mga kawayan. Lilinisin lang kung sino man ang mauunang gagamit at walang bagay 'yun sa kanya. Parang may di nakasulat na ordinansa na hindi katanggap-tanggap ang anumang nguyngoy ng dabog sa bukal.  

x

Pinaka huli kong bisita sa Mainit, kahit pa nasa baranggay lang namin, ay nasa college pa ako, kasama ko sina Adipose, Rody, at Pearl. Hindi pa namin alam anong puwede naming masugagaan walong taon mula noon, basta nakalublob kami sa mainit. Tumakas sa mga rekusitos sa unibersidad. Kailangan pa naming pag-ambagan noon ang so-en ni Pearl dahil biglaang gala at hindi kakasya ang pamasahe pauwi kung ibibili pa ng panty. Palaging tumatatak ang mga nangyayari nang wala sa plano. May asawa na ngayon si Adipose. May anak na si Rody at nakapundar na ng bahay. Nasa ibang bansa si Pearl, nag-iipon lang at uuwi rin. Walong taon na 'yun? 

Ugh.

x

At ayun dumating kami ni Edison sa Mainit at ganun pa rin, masigla; matao. Naglinis kami ng isang pitak na maputik pa dahil kadadaan lang ng mga bagyo. Pagkatapos, naghagilap na kami ng saha ng saging na pampalsak para mapunuan ng mainit na tubig. Hindi umaakyat ang tubig kahit anong ayos namin sa palsak. Halatang hindi kami sanay sa sining ng pagpapanatili ng tubig. Nakamasid na sa'min 'yung ibang naliligo na para bang problema rin nila. Maya-maya pa'y may umahon na at agad kaming pinalipat ng mga batang naglalangoy sa ilog. Doon na lang daw kami kahit pa nauna silang dumating. Inabot sa'min 'yung pampalsak nila habang tumutulas na 'yung pinaglubluban nilang amoy safeguard na. Inanlawan lang namin at saka namin pinunuan ng tubig.

Nakalublob din. Nanunuot 'yung init sa dibdib, sa kalam'nan; sa bayag. Sumandal ako sa pitak at tumingala. Pinapakinggan ko lang 'yung tulas ng tubig mula sa mainit na bukal, 'yung lagaslas ng tinatabong tubig, at 'yung tawanan ng mga batang naglalangoy sa katabing ilog. Sinabi ko biglang "sige, magpakasaya kayo habang mga bata pa kayo,"  habang nakapikit. Natawa lang kami. "Magmahal na kayo, magpakasira, magpakalango, dahil climate crisis na, ecological collapse na and our generation is failing". Tawa lang ulit. Malay ba ng mga bata. 

Mapapag-usapan namin ang ginawang dam sa bandang kanluran pa, sa bandang Ayusan. Kailangan ba talaga natin? Kulang ba tayo sa tubig? O may magawa lang. Kaya bang makipagtunggali ng saysay ng paliguang bukal sa iaangat ng produksyon dulot ng irigasyon? Patubig ba ang kailangan ng mga manggawang bukid? Ewan, hindi namin problema 'yun lahat, napapag-usapan lang. Nakakainit ng ulo kahit na ang ipinunta namin ay gusto lang naming magpahinga.

Umuwi kaming basa, walang pamalit. Nagpatuyo na lang sa daan pauwi. 


Thursday, November 5, 2020

Pag-aabang kay Rolly

Nasa grocery ako bilang paghahanda sa pagtama ng bagyong Rolly mamayang hapon. May kaunti pa rin akong ipon, hindi pa rin nauubos. Bumili lang ako ng ilang chichirya at de lata para lang may makukutkot kami ni Edison kapag ginutom ng mahalumigmig na bagyo. Lumikas na agad ako, pre-emptive. Hindi na ako magpapakabasa pa sa ulan para lumikas lang din kapag nagiba na ang bahay namin. Nang bumigat nang kaunti ang basket, pumila na ako sa counter.

Ang tagal, bakit ang tagal kong nakapila. Nagkakaproblema yata si Ate sa printing ng resibo sa counter. Pero parang ang bagal din n'yang magtapat ng item sa scanner. Ngalay na ako. Ate, BTS Boy with Luv 'yung tugtog oh, sabayan natin ng bilis oh. Babagyo na kasi. Pagdating ko sa counter binanggit n'ya nang malakas ang pangalan ko. Natigilan ako at sinipat. Hala, oo! Kilala ko nga! Kasamahan ko sa Traviesa dyaryo! Nag-resign pala s'ya sa work n'ya sa Maynila at ayaw n'ya ring mag-risk masyado kaya ayun nag-apply s'ya as cashier dito sa bayan namin. "Para maranasan ko rin naman ang ganito," sabi pa n'ya. Alam ko nagtrabaho rin s'ya sa isang fastfood dati noong college kami, habang nagpapakabaliw kami sa pagdyadyaryo at magaling s'yang managing editor. Ang galing, nainggit ako ng bahagya dahil kaya n'yang kumambyo agad ng trabaho kahit anong kuwelyo pa n'yan. Hindi na kami makapagkuwentuhan nang mahabaan at mahaba na nga ang pila.

Yakap-yakap ko ang pinamili papunta sa nilikasan kong elementary school kung saan nagtuturo si Edison. Ako ang unang evacuee. Ilang taon na rin akong nagdi-disaster response sa ilang major disaster sa nakaraang mahigit kalahating dekada, at evacuee ako ngayon. Kapag may super bagyo, lindol o sumabog na bulkan, naalarma akong kumilos, ngayon; gusto ko na lang muna magpahinga. Nang mawalan ng kuryente, nanood na lang kami ni Edison ng It Chapter 2 kahit di naman namin napanood 'yung part 1. Nagandahan pa rin naman kami at kailangan din naman nating kilabutan minsan lalo na sa mga totoong pangyayari. Nagpaantok sa paglalaro ng Nintendo.

Pero hindi lahat ganito ang kuwento sa pag-aabang kay Rolly.

Sunday, November 1, 2020

Agam

Ang tahi-tahimik ng gabi ngayon. Sa chat, tinatanong ako ni Rald kung ipapa-frame ko raw ba at isasabit sa bahay namin 'yung tinatapos n'yang sketch ng tawilis. Para namang magandang sabitan ng art ang tagpi-tagpi naming ding-ding, pero kahit na, gusto ko pa ring isabit 'yung tawilis sa bahay namin. Iniisip ko kung kakayanin ba ng mga trapal at yero ang parating na bagyo. Lamang lang ng kaunti si Yolanda sa lakas ng hangin kay Rolly. Aapaw kaya ang mga sapa sa tabing-riles gaya noong Ondoy? Salas lang kaya uli ang magigiba sa bahay gaya noong Glenda? Lilikas kaya uli kami at makikikain ng mainit na lucky me beef? Ilang mga bagyo na rin dumaan pero di na bagong mga agam-agam.