Ugh.
Nakalublob uli sa Mainit. May mainit na bukal sa Sitio Mainit sa baranggay namin sa Lalig, Tiaong, Quezon. Aalamin ko pa ang kasaysayan kung sinong nakaisip na gawan ng pitak-pitak na paliguan ang bukal. Ang alam ko, bata pa lang ako ay may Mainit na at dinarayo na namin 'to kahit takot pa ako sa tulay-bitin na kailangang tawirin.
Nagsisilbing communal hot spring na walang bayad, isang konkretong halimbawa ng kultural na saysay ng ekosistem. Walang scheduling system at maintenance. Kung sinong mauna at may bakanteng pitak; maaari nang punuan ng tubig at lubluban. Pagkatapos ng gumamit, tatanggalin n'ya lang 'yung bara para igahin ang pinaglubluban n'yang tubig. Aanlawan naman ito ng susunod. Wala namang nabalita pang nangyaring alitan sa mga pitak ng Mainit.
Minsan kapag lumalaki ang ilog dahil sa bagyo, nilalamon ng tubig ang mga pitak. Walang nakakaligo. Paghupa ng tubig, ayun, maputik ang mga pitak. Ngayon, napupuno rin ng banderitas ng mga plastik hanggang sa mga kawayan. Lilinisin lang kung sino man ang mauunang gagamit at walang bagay 'yun sa kanya. Parang may di nakasulat na ordinansa na hindi katanggap-tanggap ang anumang nguyngoy ng dabog sa bukal.
x
Pinaka huli kong bisita sa Mainit, kahit pa nasa baranggay lang namin, ay nasa college pa ako, kasama ko sina Adipose, Rody, at Pearl. Hindi pa namin alam anong puwede naming masugagaan walong taon mula noon, basta nakalublob kami sa mainit. Tumakas sa mga rekusitos sa unibersidad. Kailangan pa naming pag-ambagan noon ang so-en ni Pearl dahil biglaang gala at hindi kakasya ang pamasahe pauwi kung ibibili pa ng panty. Palaging tumatatak ang mga nangyayari nang wala sa plano. May asawa na ngayon si Adipose. May anak na si Rody at nakapundar na ng bahay. Nasa ibang bansa si Pearl, nag-iipon lang at uuwi rin. Walong taon na 'yun?
Ugh.
x
At ayun dumating kami ni Edison sa Mainit at ganun pa rin, masigla; matao. Naglinis kami ng isang pitak na maputik pa dahil kadadaan lang ng mga bagyo. Pagkatapos, naghagilap na kami ng saha ng saging na pampalsak para mapunuan ng mainit na tubig. Hindi umaakyat ang tubig kahit anong ayos namin sa palsak. Halatang hindi kami sanay sa sining ng pagpapanatili ng tubig. Nakamasid na sa'min 'yung ibang naliligo na para bang problema rin nila. Maya-maya pa'y may umahon na at agad kaming pinalipat ng mga batang naglalangoy sa ilog. Doon na lang daw kami kahit pa nauna silang dumating. Inabot sa'min 'yung pampalsak nila habang tumutulas na 'yung pinaglubluban nilang amoy safeguard na. Inanlawan lang namin at saka namin pinunuan ng tubig.
Nakalublob din. Nanunuot 'yung init sa dibdib, sa kalam'nan; sa bayag. Sumandal ako sa pitak at tumingala. Pinapakinggan ko lang 'yung tulas ng tubig mula sa mainit na bukal, 'yung lagaslas ng tinatabong tubig, at 'yung tawanan ng mga batang naglalangoy sa katabing ilog. Sinabi ko biglang "sige, magpakasaya kayo habang mga bata pa kayo," habang nakapikit. Natawa lang kami. "Magmahal na kayo, magpakasira, magpakalango, dahil climate crisis na, ecological collapse na and our generation is failing". Tawa lang ulit. Malay ba ng mga bata.
Mapapag-usapan namin ang ginawang dam sa bandang kanluran pa, sa bandang Ayusan. Kailangan ba talaga natin? Kulang ba tayo sa tubig? O may magawa lang. Kaya bang makipagtunggali ng saysay ng paliguang bukal sa iaangat ng produksyon dulot ng irigasyon? Patubig ba ang kailangan ng mga manggawang bukid? Ewan, hindi namin problema 'yun lahat, napapag-usapan lang. Nakakainit ng ulo kahit na ang ipinunta namin ay gusto lang naming magpahinga.
Umuwi kaming basa, walang pamalit. Nagpatuyo na lang sa daan pauwi.
No comments:
Post a Comment