Bago ako umalis, hinihintay ko sina Mama galing sa isang bertdeyan. Baka ipagbalot ako ng ispageti. May bagyo raw pero baka mahina lang. Umuulan na nga pero mahina lang. Maglalaro kami ni Edison ng Nintendo Switch at #WalangPasok na dahil nga sa bagyo. Amihan na rin naman kaya inilabas ko na rin ang paborito kong balabal. Naglakad na ako sa ulanan.
Namili si Edison ng pagkain namin. Bumili na s'ya ng kakainin hanggang kinabukasan. Ang daming natirang tinapay sa feeding program, may gatas pa nga. Kuwento ni Song, marami silang nasirang gatas dahil nabulok sa imbakan. Hindi pa naman bulok pero may lasang papel na kaya alangan nang ipamigay sa mga bata. Maulan, ang sarap lang kumain, manood ng pelikula at maglaro ng Nintendo. May ilang lumikas sa elementary mula sa komunidad sa tabing-riles pero nakahanda na ang mga klasrum at areglado na ni Ate Gina. Nagugulat lang kami kapag naagas-as bigla ang radyo ni Ate Gina para magbigay ng ulat.
Naglaro na kami kasama ni Clowee na nasa Cavite live via Messenger vidcall. Dito na lang kami nag-aasaran pero ang hirap i-relay ng asar online e. Iba pa rin 'yung malapitang pang-aalaska, yung ramdam ko 'yung bugnot. Mas ramdam ngayon ang hangin at ulan ni Ulysses kaysa sa nakaraan.
Bandang hating-gabi na lumakas ang hangin. Tulog na kami nang mawalan ng kuryente. Gising na kami at may kuryente na uli. Umuulan at humahangin pa rin. Nagluto ako ng corned chicken-potato para sa tangmusal, ng pancake para sa meryenda, at tuna omelette sa hapunan. May ilan lang tumulo sa bubong ang nilimas. Naglaro na ulit ng Nintendo, nanood ng mga pelikula at nagkakape lang kung kailan maibigan.
Hindi lahat ganito ang kuwento sa paghihintay kay Ulysses.
No comments:
Post a Comment