Mga kwentong chalk ni Bob Ong noong 2001, pero taong 2012 ko na nabasa.
"Nalaman kong marami palang libreng lecture sa mundo, ikaw ang gagawa ng syllabus. Maraming teachers sa labas ng eskuwelahan, desisyon mo kung kanino ka magpapaturo. Lahat tayo ay enrolled ngayon sa iisang university, maraming subjects na mahihirap, pero dahil libre, ikaw ang talo pag nag-drop ka. Isa-isa tayong gagraduate, iba't-ibang paraan. Tanging diploma ay ang alaala ng kung ano mang tulong o pagmamahal ang iniwan natin sa mundong pinangarap nating baguhin minsan."
Matagal ko na ring binalak na gawan ito ng rebyu kaya lang pinagpaliban ng pinagpaliban dahil sa takot na makapagkwento rin ng mga kamukhang karanasan. Na minsang nawalan rin ng interes sa pag-aaral, natakot sa mga teroristang titser, na naisipan ding sumali ng campus paper, na hindi rin tumuntong ng stage nung graduation; pero hindi tumigil ang pagkatuto. Parang mali yung mga sentence constructions ko, buti na lang hindi nako nagsusulat ngayon para sa sulating pormal.
Alam ko na gusto rin ni Bob na makapagbigay hamon na isulat ng kanyang mga mambabasa ang mga kwentong chalks nila kesa naman pagkakitaan nila ang mga scanned copies ng ABA sa internet. Mas gusto niyang magsulat o magkwento tayo. Kung love begets love, ay sining begets sining rin.
Nakakatawa vs. Nakakatuwa - Pinakanatawa akong bahagi ay yung pakikipaglaban niya sa titser niya sa Public Speaking, "haha" kung "haha" dahil nadama ko ang tensyon sa sagutan at panonood ng klase. Mapalad pa pala ako dahil may ilan akong kakampi sa klase kung magsisindi ako ng rebolusyon. Kung andun ako, itsi-cheer kita. Pero hindi nakakatawa ang isyu ng divorce, tamang tumayo tayo sa kinatatayuang prinsipyo ng Bible. Ang nakakatuwa naman na portion ay nung nagpasalamat siya sa titser niya nung Grade 1 na nagturo sa kanya ng pananampalataya. Imadyinin mo kung anung klaseng mga sulatin ang masusulat ni Bob kung hindi siya dumaan sa titser niyang 'yon.
SEROKS - Kung iisipin, yung problema ng edukasyon sa bansa noong panahon ni Bob ay halos magkamukha sa mga problema natin ngayon, retokado lang ang ilong pero kamukha pa rin. Kulang na klasrum, libro, teaching aids, teachers, gayong edukasyon ang may pinakamataas na budget since 1986. May mga dagdag na ngang teachers, mga volunteers na umaasa sa 5 pisong kontribusyon ng mga estudyante, may dagdag na rin na klasrum mula sa pribadong sektor, at dagdag na teaching aids na mula sa sariling bulsa ng mga guro. Pero may iba pang nadagdag, ang nakakalokang bilang ng mga estudyante.
Yung ukol sa binabahang Maynila at mga school shoes na sinisira nito ay may solusyon na, ilipat ang buwan ng pasukan. Kala mo efficient drainage-sewer systems, o proper waste management no? Nagkakamali kayo. Masyado yung mahal at kailangan ng matatalinong tao para maisakatuparan.
Fill in the Blanks - Hindi ko alam ang eksaktong pinapahayag ng libro. Siguro hindi naman tungkol sa atensyon na dapat ibigay sa sistema ng edukasyon ng gobyerno kasi ginagawa naman ng gobyerno natin ang lahat since time immemorial. Siguro hindi rin tungkol sa kung paano natin hindi dapat iasa ang ating edukasyon sa titser, paaralan, sistema, at gobyerno. Hindi ko sigurado pero ito ang mensaheng natanggap ko: Buong responsibilidad natin sa'ting mga sarili ang pagkatuto.
GANGSTER - Naghahamon ang ABA na parang isang gang member, na pabulaanan ang mga amoy-medyas-na-natubog-sa-umapaw-na-creek na katotohanan sa kalagayang pang-edukasyon ng bansa.
*Updated na ngayon yung ABA, masyado pa lang mahal para sa kagaya kong pobre pero pasasaan ba't mumura din yon.